JERRY OLEA
Nanguna na sa Top 10 ng Netflix Philippines ang pelikulang A Faraway Land nitong Agosto 20, Biyernes ng gabi.
Nitong Agosto 19, Huwebes nag-umpisang mag-streaming sa Netflix ang nasabing pelikula na bida sina Paolo Contis at Yen Santos, at kinunan sa Faroe Islands.
“WOW!” sabi ni Yen nang i-repost sa Facebook ang magandang balita.
Simple ang istorya ng A Faraway Land, pero kumukurot sa puso.
Ang nakakatuwa pa, number 2 sa Netflix Philippines ang Kapamilya teleseryeng The Law of Revenge (Ang Sa Iyo Ay Akin).
Noong Agosto 5 nag-umpisang mag-streaming ang nasabing teleserye nina Iza Calzado, Jodi Sta. Maria, at Sam Milby.
Wow na wow! Ang #1 at #2 ngayon sa Netflix Philippines, parehong gawang Pinoy!
As we write this, ang iba pang nasa Top 10 ng Netflix Philippines ay Nevertheless (#3), The Good Doctor (#4), Black Island (#5), Beckett (#6), Assassin’s Creed (#7), The Girl Next Door (#8), The Kissing Booth Part 3 (#9) at Hospital Playlist (#10).
Sa Seryembre 2 mag-uumpisa ang Netflix streaming ng pelikulang Here and There (Dito at Doon) nina Janine Gutierrez at JC Santos.
GORGY RULA
Tatlong laugh emoji lang ang sagot sa akin ni Paolo Contis nang finorward ko sa kanyang number 1 ang kanyang pelikula.
Sinabi ko sa kanyang siya na talaga ang Netflix King ng Pilipinas.
Hindi na siya sumagot nang tinanong ko kung nakatulong nga ba ang isyu nila ni LJ Reyes.
I'm sure, hindi naman nila gustong nagamit ang isyu nila ni LJ para ma-promote lang ang A Faraway Land.
Ang dami ngang nagtanong sa akin kung gimmick lang itong hiwalayang isyu dahil sa pelikula niyang nag-i-streaming.
Naniniwala akong hindi. Hangad ko na lang na maayos pa nila ito.
Marami pang nakatakdang gawin si Paolo na pelikulang kukunan sa ibang bansa. May naka-line up siyang project na kukunan sa Switzerland, at meron din sa Italy.
Nagpapasalamat ang aktor dahil tinatanggap ang suggestions niya para lalong mapaganda ang pelikula.
Hindi ko napigilang maiyak sa pelikulang ito na tagos sa puso ang mga eksena, lalo na sa ending.
NOEL FERRER
Pumasok sa talaan ng Netflix most watched films sa Pilipinas ay ang Bliss ng aking talents na sina Iza Calzado at Adrienne Vergara, na aminadong Netflix ang in sa kanilang platform lalo na itong obra ni Jerrold Tarog.
In the end, sana ay may ganitong pansalong mga platform para kahit sarado pa ang mga sinehan, buhay ang panonood ng sine at mini-series sa streaming platform.
