GORGY RULA
Sa darating na linggo ay maraming pasabog ang Kapuso teledramang The World Between Us (TWBU).
May mga mabubunyag sa kuwento nina Louie (Alden Richards), Lia (Jasmine Curtis-Smith), Brian (Tom Rodriguez), Rachel (Dina Bonnevie) at Yatchie (Jaclyn Jose).
Mas matindi ang cliffhanger nito sa Biyernes, August 27, dahil pansamantalang matitigil muna ito at magkakaroon ng season break.
Isasalang uli sila sa susunod na lock-in taping, at sa November 15 na sila babalik sa ere.
Maraming mababago sa mga karakter, lalo na sa pagkatao ni Louie.
“Marami na po talagang mababago,” pakli ni Alden virtual mediacon nitong Agosto 21, Sabado ng hapon.
“Kagaya ng sinabi ko po na sinasabi nila na ayaw na po nila ng masyadong madrama si Louie, ayaw nila ng masyadong emotional, paawa, inaapi. Yun po yung babaguhin natin.
“Hindi na po yun ang ibibigay natin. Kasi, we see po na people are more interested in watching us kapag medyo iniiba na po yung take sa mga eksena po na binibigay sa akin.
“Kumbaga, we tested it now, ito po yung naging result. So, move forward.
"Dun po kami sa Plan B ngayon. We’ll do po a different take on the role,” saad pa ng Kapuso Asia’s Multimedia Star.
Nilinaw ko na rin kay Alden ang kumakalat na kuwentong siya raw ang magiging leading man ni Bea Alonzo sa first drama series na gagawin ng aktres sa GMA-7.
Kasi kung sa November 15 pa ang balik ng TWBU, malabong siya pa rin ang makakasama ni Bea sa soap nito.
“Kasi, based on my knowledge po, alam ko po movie pa lang po yung pagsasamahan namin. And wala pa naman pong nabibigay sa akin na word kung meron po ba kaming gagawin na teleserye… kung ano po yung advice ng aking mga bossing po.
“Pero right now po, yung movie po is tuloy. Tatapusin ko lang po yung The World Between Us,” saad ni Alden.
NOEL FERRER
I wonder kung ano ang idadagdag na pampalasa ng The World Between Us para mas suportahan pa ito ng mas maraming tao.
It’s one thing to have a catch-up online, pero kailangan talagang umalagwa itong programang ito habang ang FPJ’s Ang Probinsyano ay consistently na pinag-uusapan at may powerhouse cast na dagdag.
Miss na rin ng fans si Alden sa Eat Bulaga, meaning, baka nasa noontime din ang audience ni Alden. What do you think?
As for the film, baka wait-kete-wait muna tayo until the theaters re-open. Kailangang paghandaan talaga iyang project nila together ng Classmate Bea ko.
JERRY OLEA
Tatapusin daw muna ni Alden itong The World Between Us bago siya bumalik sa Eat Bulaga. Yun daw ang ipinaalam niya sa mga Dabarkads.
“Babalik po ako, huwag po silang mag-alala. Pag natatapos po kasi ang lock-in namin, meron lang pong ilang araw para magawa po yung mga trabaho namin outside, pero hindi po ganun kahaba,” paliwanag ni Alden.
“Kasi bumabalik po kami agad sa quarantine after. Mahaba na po yung five days. Ganun lang po yung break namin, kasi we really wanted to finish the show as much as we can.
“Ayoko naman po kasi na babalik ako sa Bulaga and yun din naman, nagpaalam naman po ako. Nagsabi naman po ako na after The World Between Us, babalik na po ako.
“Sa ngayon po, iyun po talaga ang nagagawa ko lately, and hindi po ako nakakabalik kahit sa Eat Bulaga.
“Paglabas po, nagsu-shoot po ako ng endorsements. Medyo mahirap po ang scheduling, kasi very tight po.
“Kasi sobrang laking hindrance po yung quarantine bago pumasok sa bubble. Iyun po ang mahaba kasi.”
So, starting August 30, Monday, ay iaakyat na ang timeslot ng Legal Wives, susunod ang replay ng Endless Love, at ang K-drama na The Penthouse.
Siyanga pala, um-exit na sa FPJ’s Ang Probinsyano ang karakter ni Jane de Leon nitong Agosto 20, Biyernes. Papasok naman si Julia Montes, in time sa pagdiriwang ng ikaanim na anibersaryo ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Setyembre.
Ang huling teleserye na pinagtambalan nina Coco Martin at Julia Montes ay ang Walang Hanggan (Enero-Oktubre 2012).
Ang istorya ng Walang Hanggan at The World Between Us ay parehong nag-ugat sa 1847 English novel ni Emily Bronte na Wuthering Heights.
Sa pagbabalik ng The World Between Us sa Nobyembre 15, makakapantay lang man ba ito sa ratings ng pinalitan nitong First Yaya?
Andaming nananabik sa pagpapatuloy ng kuwento nina Yaya Melody (Sanya Lopez) at President Glenn Acosta (Gabby Concepcion)!!!
