GORGY RULA
Bukas, September 19, mapapanood ang bagong episode ng Dear Uge kunsaan si Paolo Contis ang isa sa guests kasama si Rhian Ramos.
Na-tape niya ang episode na ito nung September 3 na kinunan sa Cainta, Rizal at hindi sa Baguio.
Sinagot kasi ito ni Paolo bilang paglinaw sa mga sinasabi ng ilang netizens na nagtagal daw siya sa Baguio at hindi lang three days.
Sinabi ng aktor kay Ogie Diaz, paano raw siya magtatagal sa Baguio, dahil August 28 siya nagpabakuna sa Caloocan, at sumunod na araw ay taping niya sa Bubble Gang, at pagkatapos nito ay guesting niya sa Dear Uge?
Alangan namang nag-akyat panaog daw siya ng Baguio araw-araw.
Ang dami pa nga raw ng mga nagpa-picture sa kanya nung nagpabakuna siya, pero nagtataka lang siya kung bakit wala raw nag-post tungkol dito.
May nag-react ngang ibang netizens na ipinost nila ang pagpa-picture nila kay Paolo na nagpabakuna nung August 9.
Matagal na raw ang pagpapabakunang iyun, at hindi itong huling araw ng Agosto.
Pinapalabas nilang nagsinungaling ang Kapuso actor.
Pero hindi naisip ng mga ito na merong second dose ang vaccination at nung August 28 ang second dose na pagpapaturok niya.
Baka hindi lang na-realize ng mga ito na merong second dose ang pagpapabakuna kontra-COVID—unless, Jansenn ang itinurok na one dose lang. Pero Pfizer ang itinurok kay Paolo kaya meron siyang second dose.
Ipinagkibit-balikat na lamang ni Paolo ang mga ganitong bashing. Nakasanayan na raw niyang mang-dedma.
Mabuti at tuluy-tuloy ang trabaho niya. Kaya meron siyang pinagkakaabalahan
Nakasalang siya ngayon sa lock-in taping ng I Left My Heart in Sorsogon. Hanggang middle of October siya roon at mahigpit na ipinagbabawal ang lumabas.
Naging joke na lang daw sa set nila ang isyung kinasangkutan niya at gamit na gamit na ang ‘as a friend’ na linya.
Nagpapasalamat na lang daw siya sa GMA-7 at hindi siya pinabayaan. Tuloy pa rin ang trabahong ibinibigay sa kanya.
Pati ang mga close friends niya ay hindi raw bumitaw sa kanya.
Hindi nga lang sila vocal sa pagtatanggol sa kanya, pero tinatawagan at kinukumusta daw siya ng mga ito.
“Supportive naman sila at hindi naman nila ako dyina-judge. Hindi ko na lang sasabihin kung sino sila,” text ni Paolo sa akin.
Hindi raw siya napipikon kapag nabibirong may kaugnayan sa isyu niya.
Kahit sa Bubble Gang ay okay lang sa kanya na gagawan nila ng sketches ang mga ‘as a friend’ at ‘Baguio’ jokes.
Malamang, marami nang naiisip ang writer ng Bubble Gang para paglaruan ang mga Paolo Contis jokes.
NOEL FERRER
Kahit pa sabihing sanayan lang iyan at deadma lang si Paolo Contis sa lahat ng mga ganap kaugnay ng nangyari sa kanila ni LJ, may epekto pa rin iyan sa kanya.
Sana lang ay kayanin niya ang maayos na pagdadala ng kanyang problema.
And the best thing is for him to bounce back better.
JERRY OLEA
Work-work-work si Paolo kaya keri niyang dedmahin ang mga pamba-bash sa kanya.
May iba siyang pinagkakaabalahan. Wala pa siyang oras na magliwaliw o magpalamig ng ulo (sa itaas man o ibaba) sa Baguio.
Sa attitude ni Paolo, deserving siyang pagpugayan bilang Mr. Friendship.
