GORGY RULA
Kuwento ng isang reliable source ng PEP Troika, nagulat ang ibang artista at production staff nang biglang may dumating na ambulansya sa lock-in taping ng kanilang TV show.
Natakot ang lahat. Ang buong akala nila ay merong susunduing nag-positive sa COVID-19.
Pero sinabi ng ilang staff na wala silang dapat ipag-alala.
Walang nag-positive sa coronavirus, lalo na’t hindi pa schedule ng kanilang pagpapa-swab uli na dapat ginagawa sa mga lock-in taping.
Ayon sa ilang nakasaksi sa set, isinakay sa ambulansya ang bidang aktres ng programa.
Pero hindi raw nag-positive sa COVID si aktres, kundi positive sa pregnancy test!
Yes! Nasa interesting stage nga raw itong si aktres na maganda at sikat.
Pero sabi ng aming reliable source, mas mabuting kumpirmahin pa namin dahil wala pa raw sinasabi sa kanila kung ano na talaga ang kalagayan ni sikat na aktres.
Basta, natigil lang daw sandali ang taping nila dahil kailangan munang magpahinga ni aktres.
Napag-alamang nagka-spotting si aktres sa taping kaya biglang may dumating na ambulansya para ma-checkup siya.
Sobrang napagod daw kasi si aktres sa taping. Kaya dapat ipahinga muna ito ni sikat na aktres.
Ang sabi lang daw sa co-actors, mag-break muna sila sandali dahil kailangang i-revise ang script. Wala silang kaalam-alam sa tunay na kalagayan ni sikat na aktres.
Kung totoo ito, magandang news ito para kay sikat na aktres at sa lahat na nagmamahal at sumusubaybay sa kanya, dahil tama na ring magbunga ang pagmamahalan nila ni sikat na aktor.
Masaya ako para sa kanilang dalawa.
JERRY OLEA
Ilang buwan na lang at ipagdiriwang ng aktor at aktres ang ikawalong anibersaryo ng kanilang pag-iibigan.
Sa nakaraang kaarawan ng aktres, ibinando ng aktor na excited siya sa next chapter ng kanilang buhay.
Nag-uumapaw ang pagmamahal ng aktor sa kanyang liyag—sa lupa man, sa ilalim ng dagat, o saanmang lupalop!
NOEL FERRER
Owww! So, nagbunga rin ang kanilang pagmamahalan.
Maligaya tayo sa dalawang mahuhusay na artistang ito!
May this baby seal their love forever!
