GORGY RULA
Sa gitna ng isyung buntis si Sikat at Magandang Aktres, nakarating sa PEP Troika ang balitang nagdadalantao na rin daw ang isang kilalang actress/TV host.
Magandang balita sana ito dahil tama lang na mabuntis siya, pagkatapos tayong ginulat ng balitang kasal na sila ng kanyang longtime boyfriend.
Unfortunately, bago sana i-share ni Actress/TV Host ang good news na ito, nakunan siya.
Nakakalungkot lang, dahil tiyak na ang saya ng buong pamilya kapag mabubuntis na si Actress/TV Host para may pantapat na rin siyang baby sa ate niya.
Pero ganun talaga. May mga babaeng hindi agad nakakapitan, kaya hangad nating makabuo na silang mag-asawa.
Bata pa naman sila. Ibibigay ito sa kanila ni Lord sa tamang panahon.
Samantala, nasagap naming hirap daw ngayon si Sikat at Magandang Aktres sa kanyang pagbubuntis.
Kailangan daw niya talagang mag-bed rest kaya naka-hold na muna ang sinimulan niyang project.
Ayaw na lang ng bosses na magdagdag pa ng stress kay Sikat at Magandang Aktres.
Pero kung susundin ang nakapaloob sa kontrata, puwedeng babayaran ni Sikat at Magandang Aktres ang expenses ng pack-up sa taping nito.
Kung hindi ako nagkakamali, nasa kontrata nito ang hindi muna puwedeng mabuntis.
Mabuti at naging considerate sa kanya ang mga boss, hintayin na lang daw siya at itutuloy na lang ang nakabinbing project pagkatapos niyang manganak. Bibigyan na lang daw muna ng ibang project ang kanyang leading man.
Sabi ng isang kaibigang taga-production, mas mabuti raw na bukod sa swab test, dapat yata dumaan na rin muna sa pregnancy test ang mga lead actress bago sila isalang sa isang project.
Malaking abala, at malaking gastos ang involved kapag may nabubuntis na lead actress, dahil apektado ang buong production.
JERRY OLEA
Aba! Kung ii-stress ng mga bossing si Sikat at Magandang Aktres, baka masabihan silang walang puso!
At baka lalo silang ma-stress kung ma-displease ang sikat na aktor na nakabuntis dito. Kaya saludo tayo sa mga bossing sa pagiging considerate.
This is not something new. Nangyari na ito before, noong wala pang pandemya. Dahil nabuntis noon ang isang aktres sa kalagitnaan ng umeereng TV series, pinalitan siya ng ibang aktres sa istorya.
I wonder kung hihintayin ng produksyon na manganak si Sikat at Magandang Aktres bago ituloy ang taping.
Tungkol kay Actress/TV Host na nakunan, nalulumbay tayo para sa kanila ng kanyang asawa.
Sa susunod, dapat mag-ingat si Actress/TV Host, hinay-hinay sa trabaho, at umiwas sa stress.
NOEL FERRER
Naku, ipinagdarasal ko ang biyayang ipagkakaloob ng Diyos para kay Actress/TV Host dahil mabait itong tao.
I don’t know kung OK sa kanyang huminto at magpahinga muna sa lahat ng kanyang ginagawa.
Baka plano ng Diyos na maging mas visible siya dahil marami siyang puwedeng tulungan sa darating na eleksyon.
Hindi ba tatakbo ang isang kapamilya nila sa Mayo 2022?
Oh well, I wish this person well dahil maganda ang pakitungo niya sa atin pati na sa yumaong kaibigan natin na si Shalala.
