JERRY OLEA
Humiwalay na sa poder ni K Brosas si Crystal, ang 24 anyos niyang anak na dalaga. Nakipag-live in na ito sa girlfriend na si Pola noong Hulyo, kaalinsabay ng kanilang first anniversary.
“Mayroon na siyang sariling condo unit,” sabi ni K nang makausap namin noong Oktubre 11, Lunes sa studio ng Lunch Out Loud (LOL) sa Kalayaan Ave., Quezon City.
“Kasi, ako naman, hindi ko puwedeng pigilan. Kasi pera na niya yun, e. Ganun din naman ang ginawa ko.
“Nung nagkapera na ako, lumayas na ako. Ang akin lang, maganda lang is nag-iipon sila.
“At hindi nagkukulang yun sa text, tawag… Wala na ako sa posisyon para pagalitan siya or, ‘Hindi! Dito ka sa bahay.’
“Kasi kumikita siya ng sariling pera. Nang matino. Di ba? So, sabi ko, ‘Go! Pero huwag mong kalimutan lagi—ipon, ipon, ipon!’”
Ano ang feeling niya nang nagpaalam na sa kanya ang anak para bumukod?
“Masarap! Charot! Ha! Ha! Ha!” pagtawa ni K. “Nagkakasawaan na rin kami minsan, e… Hindi! Charot lang.
“Siyempre, may konting lungkot and at the same time, proud. Kasi, di ba, at her age, kaka-24 lang niya, may sarili na siyang ganyan-ganyan. Nakakatuwa.
“Kasi ako, ang tagal ng nilakbay ko bago ako ano, e…”
Nami-miss ba niya si Crystal?
“Hindi, kasi, lagi naman siyang present. Laging text. Pati aso, kinuha niya, si Tsokie. Ayun, inaalagaan niya ngayon si Tsokie. Nakakatuwa.
“Tapos, nag-text siya kahapon kung free ako next Sunday, magkikita kami. Nami-miss na rin niya ang luto ko.”
Regular ba ang pagdalaw o pagkikita nila ng anak?
“Dati, super. Pero nitong recently, hindi masyado.”
Ano ba ang trabaho ni Crystal?
“BPO din pero parang… executive assistant ng isang mayamang taga-Australia. Di ba, may ganun ngayon?
“Natutuwa sa kanya, ayaw siyang bitawan. E, ang mga suweldo ng mga iyan, dollars. Per hour.
“Work from home siya. Nagustuhan siya nung ano, so, ayaw siyang bitawan kasi magaling siyang mag-edit, artistic.
“Kumakanta, gumagawa ng kanta. Natuwa sa kanya. Natuwa sa kanya yung boss kaya hindi siya binibitawan.”
GORGY RULA
Kumusta naman yung contractor ng ipinapagawa niyang bahay?
“Nasa korte na po yun. Nasa korte na yun,” matipid na tugon ni K.
Sundot ni Bayani Agbayani na katabi ni K noong mga sandaling iyon, “Anong korte yun?”
Ngumiti si K, “Bale… tatsulok. Tatsulok?! Di na pwedeng pag-usapan yun, kasi nasa korte na yun.”
Umoo si K nang uriratin kung ipinapaayos pa niya ang kanyang bahay na “tinakasan” ng contractor.
Nagbiro si Wacky Kiray, “Pero siya na lang mismo ang gumagawa!” Susog ni Bayani, “Minsan, pumapasok siya, maraming alikabok dahil sa hollow blocks!”
Sabi pa ni Wacky Kiray, palaki na nang palaki ang katawan ni K.
“Kaya trabaho ako nang trabaho, e,” sambit ni K.
Maliban sa Lunch Out Loud, may isa pang programa na hinu-host si K sa TV5, ang Sing Galing.
Ani K, walang conflict sa schedule ang dalawa niyang show.
“Yung EP [executive producer] kasi namin sa LOL saka yung EP namin sa Sing-Galing, magkaibigan… yung scheduling, nag-uusap sila. Never nagbanggaan,” paliwanag ni K.
NOEL FERRER
Mabuti naman at good news na ang nalalaman natin mula kay K Brosas.
Ang naalala kasi ng kasambahay namin ay ang pagkakaloko kay K ng kanyang pinagkatiwalaan sa bahay at malaking pera ang nawala sa kanya.
Mula sa umiiyak na K, mukhang ok na siya with two daily shows. Kayod at visible talaga sa kabila ng pandemya!
Hataw, K!
