GORGY RULA
Nagpagupit ng buhok si Sunshine Cruz para sa role niya bilang si Christine Chan sa Mano Po Legacy na mapapanood na sa GMA Telebabad sa Enero 3.
Ikinatuwa ito nang husto ni Sunshine dahil finally ay napasama siya sa Mano Po, pero sa series naman ito ngayon.
“Before, pinapanood ko lang. I just wondering, bakit kaya hindi ako binigyan ng offer to be part of the movie?
“Nung in-offer sa akin ito, kulang na lang, tumambling ako sa excitement,” masayang pahayag ni Sunshine sa virtual mediacon para sa Mano Po Legacy nung Biyernes, December 10.
Kahit nasanay na siya sa mahabang buhok, nung sinabihan siyang magpagupit ng buhok ay kaagad niyang ginawa dahil gusto niyang pagbutihan ang role na ipinagkatiwala sa kanya.
“So, when they asked me na kailangang magpa-cut ng hair, kahit siyempre magmula nung nag-start ako ng pag-aartista, palaging long hair ako, di ba?
“So, walang kaabug-abog, sige, sure kung kinakailangan ganyan ang buhok, game na game ako,” dagdag niyang pahayag.
Kasama ni Sunshine dito sina Maricel Laxa, Barbie Forteza, at Boots Anson-Roa na kasama sa limang pelikula ng Mano Po.
Bukod sa mga nabanggit, kabilang din dito ang mga may Chinese blood na sina Nikko Co, David Licauco, David Chua, Darwin Yu, Dustin Yu, pati si Almira Muhlach at ang beauty queen na si Cassie Banks.
Si Direk Joey Reyes ang nagsulat ng script, at ididirek ito ni Ian Lorenos.
NOEL FERRER
Balik-GMA si Sunshine Cruz dito sa Mano Po Legacy.
Nakilala si Sunshine sa GMA shows na That’s Entertainment at Bubble Gang noong 1990s.
Mas marami man siyang TV shows na ginawa sa ABS-CBN, noon pa man ay bumabalik-balik siya sa Kapuso Network.
Nakatikim si Sunshine ng bashing nang mapabalitang may gagawin muli siya para sa GMA-7.
“Nakaramdam ako nang pamba-bash when they found out I’m doing a project for GMA,” sabi ni Sunshine.
“Kailangan lang naman na i-educate natin ang mga tao… kailangang maintindihan nila kung ano ang ibig sabihin ng freelancer. Kaya nakakatuwa naman na alam nila, 'ahh… ang freelancer pala, ganito.'
“Ang kagandahan lang talaga, I am happy that GMA always welcomes me with open arms. I’m very, very grateful na palagi naman nila ako binibigyan ng napakagandang project.”
Itong Mano Po Legacy ay pagbabalik din ni Maricel Laxa sa TV network kung saan siya nag-umpisa.
Nasa GMA Supershow siya noong 1990s noong nakita siya ni Mother Lily at inalok siyang mag-artista.
“Para akong nabalik sa mga magagandang memories of my beginnings and you know, I never imagined I’ll be here at this season of my life.
“Yung kausap ko kanina si Tita Boots, you know, having the chance to work with her again this time, dun ko na-realize, I want to be here.
“I never realized how much it means for me to be back, so I’m here and I just want to be like her.”
JERRY OLEA
Naunang i-announce ang Voltes V Legacy, pero mauunang ipalabas ang Mano Po Legacy.
May isa pa kayang ‘legacy’ project ang Kapuso Network next year?
Takaw-pansin ang platinum blonde na buhok ni Boots Anson-Roa sa teaser ng Mano Po Legacy.
Una nating nasilayan ang shade na iyon ng buhok ni Tita Boots sa announcement ng MMFF 2021 official entries noong Nobyembre 12 sa Novotel Hotel, Cubao, Quezon City.
Bukod-tanging si Tita Boots ang puti ang buhok sa cast ng teleserye.
Masaya tayo na mapanood muli si Maricel Laxa sa isang primetime series.
Huli nating napanood si Maricel bilang matriarch ng pamilya sa seryeng Paano Ang Pasko? (Book 2 of which was titled Paano Ang Pangako?) ng TV5.
Kung Kapuso na si Maricel, ang anak niyang si Donny Pangilinan ay namamayagpag naman bilang Kapamilya. Tuluy-tuloy ang pag-ariba ng DonBelle loveteam ni Donny with Belle Mariano.
