JERRY OLEA
Bongga ang salpukan ng mga palabas ngayong Disyembre 18, Sabado ng gabi.
Sa GMA-7, nakakatawa, nakakaiyak at nakakakilig ang fresh episode ng Magpakailanman anthology pagsapit ng 8:15 p.m., pagkatapos ng The Clash… "May Forever Sa Tabo: The Jolo and Rain Argales Story," bida sina Yasser Marta at Riel Lomadilla.

Sa TV5, mamayang 7:30 p.m. ang finale ng teleseryeng Di Na Muli nina Julia Barretto at Marco Gumabao. Huling kapit!

Marco Gumabao, Julia Barretto, and Marco Gallo in Di Na Muli
Pagsapit ng 8:30 p.m., matutunghayan ang first part ng Atin Ang Paskong Ito, Kapatid: The 2021 TV5 Christmas Celebration.
Kasama rito sina Maja Salvador, Maine Mendoza, Allan K, Korina Sanchez, Randy Santiago, Bayani Agbayani, K Brosas, Empoy Marquez, Noel Comia Jr., Laboching, Wacky Kiray, Dingdong Avanzado, at Jessa Zaragosa.
Kalahok din dito sina Belle Daza, KC Montero, Ethel Booba, Rey Valera, Dulce, Kim Molina, Hajji Alejandro, Gary Valenciano, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Coco Martin, Julia Montes, Janine Gutierrez, Francine Diaz, Andrea Brillantes, Dimples Romana, Jake Cuenca, Charlie Dizon, Erich Gonzales, Darren Espanto, Erik Santos, Maymay Entrata, Giselle Sanchez, McCoy de Leon, Patrick Quiroz, at marami pang iba.

(From left) Bayani Agbayani, Randy Santiago, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Maja Salavdor, and Gary Valenciano
Sa KTX mamayang 8:00 p.m., magkasama sa unang pagkakataon ang mag-asawang sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo-Guidicelli sa Christmas digital concert na Christmas with the G's.

Kabilang sa kakantahin ng power couple ang "Jingle Bells," "O Holy Night," "Ang Pasko ay Sumapit," at "Sana Ngayong Pasko." Panauhin dito si Jose Mari Chan at ang acapella group na Acapellago.
Maaaring makasama ng fans online sina Matteo at Sarah sa online meet and greet kung bibili sila ng VIP tickets sa halagang P2,500. Sa mga gustong panoorin lang ang concert, available ang regular tickets sa halagang P1,500.
Sa KTX din mamayang 8:00 p.m., streaming ang inspirational concert ng Ultimate Balladeer na si Basil Valdez… Sundin Ang Loob Mo.

At sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC mamaya ring 8:00 p.m., sanib-pwersa ang mahigit 100 Kapamilya stars sa Andito Tayo Para Sa Isa’t Isa: The ABS-CBN Christmas Special 2021.
Kalahok dito sina Coco Martin, Vice Ganda, Sharon Cuneta, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Enrique Gil, Judy Ann Santos, Kim Chiu, Jane de Leon, Donny Pangilinan, Belle Mariano, BGYO, BINI, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Seth Fedelin, Andrea Brillantes, Gary Valenciano, at marami pang iba.
Handog ito ng mga Kapamilya sa everyday heroes sa ating lipunan na walang humpay sa pagpapakita ng kabutihan na nagsilbing ilaw ng pag-asa ng bayan.
Tulad ng taunang ABS-CBN Christmas ID, bahagi na ng Pasko ng Pamilyang Pilipino ang engrande at makabuluhang Christmas Special ng ABS-CBN.
Bukod sa mga pasabog na performance, andiyan ang mga nakaaantig na kuwento at napapanahong mensaheng nakapaloob dito. Noong 2020, nagsilbi ring fundraising activity ang Christmas Special para sa mga biktima ng bagyo.
Sa ikalawang pagkakataon, si John Prats ang direktor ng Kapamilya Christmas Special.
At sa NET 25 mamayang 8:00 p.m., sa episode ng Open Business ay madaragdagan ang ating kaalaman kaugnay sa tree-to-bar chocolate industry.
GORGY RULA
Maraming Kapamilya sa Christmas Station ID ng TV5, kaya hindi na tayo nagtakang tampok din ang ibang mga Kapamilya sa Christmas special ng Kapatid Network.
Samantala, may handog ding mahiwagang regalo ang Star Magic sa mga Pilipino sa Star Magical Christmas: The Star Magic Christmas Special 2021 na magsisilbing pre-show sa ABS-CBN Christmas Special.
Mapapanood ito sa ABS-CBN Entertainment YouTube Channel ngayong Disyembre 18, Sabado ng 4:00 p.m. Ii-stream din ito sa YouTube channels ng Star Magic, Showtime Online Universe, ABS-CBN Star Hunt, Rise Artists Studio, Star Music, at MYX Global.
Magtatanghal dito para sa benepisyo ng Bantay Bata 163 ng ABS-CBN Foundation ang mga artist sa ilalim ng Star Magic, Polaris, Star Hunt, at Rise Artists Studio, kasama ang Pinoy Big Brother Kumunity Season 10 housemates.
NOEL FERRER
We can never have enough of Christmas!!!
Maganda naman na simplified at austere at in keeping with the times ang mga celebration — simpleng masaya at may pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
Sana, bukod sa saya, makapagbigay rin tayo ng tulong sa kanila habang naghahanap pa ang gobyerno ng pang-ayuda sa kanila.
Hayyy… Sa huli’t huli, tayo-tayo ang magtutulungan talaga….
