NOEL FERRER
Isang man-of-the-house at in-control ang nakita natin sa pag-post ng talent kong si Joross Gamboa.
Sinalubong kasi niya at ng wife na si Katz ang New Year nang wala sa tabi nila ang mga anak na sina Jace Kyler Gamboa at Jon Kody Gamboa.
Na-expose silang mag-asawa sa COVID-19.
Nag-birthday kamakailan ang kapatid ni Joross at nagka-gathering sa medyo notorious nang Brgy. Poblacion, Makati City kasama ang mga kaibigan, pagkatapos ay nagsalu-salo rin sila bilang pamilya.
Kinalaunan, nag-test na positive ang kapatid ni Joross.
Dahil dito, magkakahiwalay silang pamilya na sinalubong ang 2022.
Ang sister ni Joross ay sa condo niya sa BGC nagpapagaling at nag-isolate, samantalang si Joross at asawang si Katz ay sa bahay nila sa Parañaque.
Ang mga magulang ni Joross muna ang in charge sa dalawang anak niyang lalaki habang hinihintay ang fifth day ng quarantine then the eventual swab.
Napag-alaman naming na-expose rin si Joross sa nag-positive na kasamahan sa basketball na bukod sa pagiging atleta ay isa rin siyang artista.
Kaya sa #TeamNOEL thread namin, heto ang naging babala ni Joross, “Nagkalat ang covid19 sa family and friends namin, ayun na expose kami… kaya ingat parin tayo lahat. Kayo din jan @Izadora ?@@Marco Alcaraz matao jan Bora ahh.. Godbless Everyone! Pray lang lagi kay Lord!"
Ibayong ingat talaga tayong lahat!
(Note: Ang mga tinag ni Joross na sina Iza Calzado at Marco Alcaraz ay mga talents din ni Noel.)
GORGY RULA
Nabalitaan rin namin na isang kilalang political family ay nagkahawa-hawa sa COVID-19, kaya naka-quarantine muna sila sa kanilang probinsya.
Kaya ingat-ingat pa rin talaga, at kung maari lang, mas mabuting nasa bahay na lang muna tayo.
Sa ilang Christmas parties na imbitasyon sa akin, kailangang magpa-antigen test muna. May isang pagtitipon sa susunod na linggo na niyayaya ako, kailangan munang mag-submit ng resulta ng RT-PCR test bago ka pumunta.
Ganun na talaga ang mga normal na procedure ng ilang gatherings na dadaluhan.
Pero paano na kaya sa mga sinehan natin?
Paano na ang mga pelikula sa 47th MMFF? Ang latest na nabalitaan namin, medyo tumaas daw ang ticket sales ng Big Night at Kun Maupay Man It Panahon pagkatapos nilang humakot ng awards sa Gabi ng Parangal noong nakaraang Lunes, Disyembre 27.
Sana ma-maintain ito kahit umiigting na naman ang COVID scare.
JERRY OLEA
Isang Malusog na Bagong Taon sa lahat!
Tuluy-tuloy ang mga paalala ng Department of Health (DOH) sa Facebook page nito.
“Tumataas man ulit ang kaso ng COVID-19 sa bansa, kayang-kaya pa rin natin itong labanan!”
Ang Facebook post ng DOH nitong Disyembre 31, Biyernes, kaakibat ang artworks ng mga dapat itatak sa isip para maging ligtas tayo.
Dagdag ng DOH, “Guards on tayo laban sa COVID-19 at mga variant nito at maging responsable hindi lang para sa kapakanan at kalusugan ng ating sarili, kundi pati na rin para sa ating kapwa!
“Kasama ng mask, hugas, iwas, airflow, at bakuna, kaya natin ito! 2022 will not be 2020 too!”