GORGY RULA
Pinili ng Kapuso actor na si Kevin Santos ang simple at tahimik na wedding ceremony sa kanyang fiancée na si Raphee de los Reyes.
Isang Catholic wedding ang ginanap sa The Nest Dining in the Sky sa Vivere Hotel sa Alabang, Muntinlupa, noong Miyerkules, January 5.
Nakausap ng PEP Troika si Kevin ngayong Huwebes, January 6.
Ayon sa kanya, limitado lang talaga ang imbitado dahil sa pagbabago ng safety protocols and guidelines na ipapatupad, sanhi ng muling pagtaas ng COVID cases.
Bukod sa kanilang pamilya, ang close friends na imbitado ay mga kasamahan niya sa Daddy’s Gurl na si Maine Mendoza, ang mag-asawang Oyo Sotto at Kristine Hermosa, at si Chitchirita.

The newlyweds with his Daddy's Gurl co-stars Oyo Sotto (with wife Kristine Hermosa) and Chitchirita
Hindi nakadalo si Maine dahil sa may biglaan daw itong gagawin na hindi na puwedeng iatras.
“Nagsu-sorry nga si Maine sa akin. Babawi na lang daw siya. Naintindihan ko naman po yun,” pakli ni Kevin.
Gusto man daw niyang imbitahin ang mga kaibigan niya sa StarStruck, hindi na talaga puwede dahil pinabawasan pa raw sila ng invited guests.
“Nalulungkot ako na hindi ko rin na-invite ang iba kong kasama sa StarStruck. Pero sobrang limitado lang din kasi ang venue, at madaming protocols bigla.
“Nung January 3, biglang nag-iba ng rules. So, nagbawas pa kami ng bisita. So, talagang 40 lang talaga kami. Family lang talaga.
“Sabi ng Papa ko, i-invite si Bossing Vic [Sotto]. Pero hindi ko na inimbita kasi alam ko si Bossing, nag-iingat din. Kaya naintindihan ko naman,” pahayag ni Kevin nang nakausap namin sa telepono.
Isang nurse na nagtatrabaho sa Sydney, Australia ang pinakasalan ni Kevin.
Kuwento ng Kapuso actor, two years pa lang ang kanilang relasyon, pero nag-decide na silang magpakasal dahil nasa tamang edad na sila.
“Para sa amin, yung age din. Ako 33, si Raphee 32 na.
“Tapos, yung current situation namin, hindi natin malalaman kung ano ang mangyayari,” sabi ni Kevin.
Bago umuwi ng bansa si Raphee, napagkasunduan na raw nilang magpakasal kahit simple lang.
Lahad ni Kevin, “Bago po siya umuwi dito, napagplanuhan na namin and parents niya, parents ko. Pinagplanuhan na namin, napag-usapan na namin na hindi natin sigurado kung anong mangyayaring situation o kung ano ang next.
“So, nag-decide kami na magpakasal na. Kasi, hindi naman kami yung parang bata. And siyempre, kumbaga, nandun na kami sa age na tama na, right age na hindi na namin kailangang intindihin ang sasabihin ng mga tao na parang ang bilis naman na kakilala niyo lang, magpapakasal na agad.
“Sa akin naman, hindi ko na iniisip yung ganun. Kasi, kahit naman matagal o sandali lang kayo, kung talagang hindi kayo, hindi kayo, e.
“Para sa akin, pinush thru namin kasi alam namin sa isa’t isa na kami na talaga.
“Yung na-feel ko sa kanya, first time ko na-feel sa isang babae,” seryosong pahayag ni Kevin.
NOEL FERRER
Pagkatapos ng wedding ay balik-LDR (long-distance relationship) na naman sila dahil kailangang bumalik na ang asawa niya sa trabaho nito sa Australia.
“Hindi naman niya kasi puwedeng iwan ang job niya doon, at ako din naman, meron naman ako dito, nagsu-showbiz pa rin.
"And, at the same time, nagti-training pa rin ako sa Aviation, sa commercial na siyempre.
“So, nag-decide kami na mag-LDR na lang muna pansamantala. Then, pag okay na yung situation, siguro puwede ako dun at mag-stay dun for good o puwede siyang umuwi dito for good. Depende sa situation.”
Ibayong tatag, security, at tibay ng loob ang kailangan pati na ng sobrang pagtitiwala at pagmamahal ang kailangan para mapangatawanan at mag-work itong long-distance relationship na ito.
Best wishes, Kevin at Raphee!!!
JERRY OLEA
Nagkakilala sina Kevin at Raphee sa Facebook. Ipinakilala raw ito ng kaibigan niya na tiyuhin pala ni Raphee.
“In-introduce siya sa akin, dahil nga via online sa Facebook. Ipinakita sa akin ang profile picture,” kuwento pa ni Kevin.
“Ayoko namang mag-online para maghanap. Ini-refer naman siya ng tito niya.”
Sa ngayon ay hindi pa nila madesisyunan kung doon na ba si Kevin sa Australia, o pauuwiin ng bansa ang kanyang asawa at dito na manirahan.
“Hindi natin masasabi kasi siyempre, ako mahal ko din kasi ang showbiz. Ayoko din namang iwanan ang showbiz basta basta.
“So, pag-isipan natin. Depende sa situation kung mag-ano naman ang career ko dito sa aviation and at the same time, binibigyan pa rin tayo ng blessing ni God ng trabaho sa showbiz, why not, di ba?”
Mabuhay ang bagong kasal!
