GORGY RULA
Biglang may pahabol na Christmas party sa tahanan ng Superstar na si Nora Aunor sa Quezon City ngayong Sabado ng tanghali, January 8, 2022, nang sinorpresa siya uli ng kanyang mga anak at mga apo.
Ayon sa isang Noranian na naka-chat ng PEP Troika, sobrang saya ng original Superstar nang magkakasamang dumating si Ian at mga kapatid na sina Matet, Kenneth, at Kiko de Leon. Kumpleto raw sila kasama ang kani-kanilang asawa’t mga anak.
May komunikasyon naman daw si Ate Guy kina Matet, Kiko, at Kenneth. Ang ikinatuwa raw nang husto ni Ate Guy ay kasama na ngayon si Ian na dumalaw sa kanya.
“Kulang na lang si Lotlot,” text sa akin ng publicist ni Ate Guy na si Rodel Fernando.
Humingi ako ng picture na kuha ni John Rendez para magamit sa PEP Troika.
Masaya raw ang pananghalian nila at ang nakakatuwa pa ay kasundo na rin nila si John.
Sabi ng isang Noranian na ayaw ipabanggit ang pangalan, nakikita niyang sobrang saya rin ni Ate Guy dahil nagkakasundo na silang mag-iina.
Puring-puri raw ni John ang mga anak ni Ate Guy na magagalang lahat.
Sa sobrang tuwa ng original Superstar, nagpa-games daw siya sa mga apo niyang nag-enjoy sa mga papremyo. Type na type daw kasi ng aktres na "Mama Guy" ang tawag sa kanya at hindi Lola Guy.
Hiningan ko ng pahayag ang multi-awarded actress tungkol sa pagkikita nilang muli ng kanyang mga anak at apo, at itinext sa akin ng isa sa kasama niya ang sagot nito.
Aniya, “Sobrang saya ko dahil nakasama ko sila. Natutuwa ako, saka sinusunod nila ako dahil lahat sila ang tawag sa akin, Mama Guy.”
Ipinatanong ko na rin ang tungkol sa hindi pagsama ni Lotlot. Umaasa kaya siyang dalawin din siya ni Lotlot at ng mga anak nito o kahit sina "Lotlot and friends," pabiro kong tanong sa Superstar.
“Bahala na ang nasa Itaas,” maikling sagot ni Ate Guy.
Sa totoo lang, umaasa rin kaming magkakaayos din silang lahat. Pero siguro mas gusto ni Lotlot na tahimik na lang at hindi na kailangang ibalita pa.
NOEL FERRER
Isa ako sa patuloy na nananalangin na sana ay magkaayos din at makapagpatawaran ang pamilya ni Ate Guy sa isa’t isa. And this will only happen if they are all coming from a place of love.
Naniniwala ako na ang pagmamahal nila ay mas malalim pa sa kahit na anumang pagsubok tulad nitong pandemya.
Kung kakatig sila sa kani-kanyang kabutihan at pagmamahal, nananalig ako na sa tulong ng ating dasal, magkakaayos din ang pamilya ni Ate Guy sa tamang panahon!!!
JERRY OLEA
Pasasaan ba’t magkakaayos din ang mag-inang Nora at Lotlot sa tamang panahon at pagkakataon. Ang mga ganyang bagay ay hindi minamadali.
Malay natin, maganap na iyan sa Mayo — sa Mother’s Day, kundi man sa kaarawan ni Mama Guy. Let us pray for the best!
