GORGY RULA
Sa walong Kapuso stars na humarap sa virtual mediacon ng Sparkle noong Biyernes, January 14, si Sanya Lopez ang mas mukhang star na ang lakas ng spark para sa akin.

Kasama niya sa naturang mediacon sina Gabbi Garcia, Ysabel Ortega, Bianca Umali, Ruru Madrid, Kahlil Ramos, Derrick Monasterio at Miguel Tanfelix.






Gusto ko rin ang pagiging totoo ng bida ng First Lady sa kanyang mga sagot, at nananatili siyang mapagkumbaba sa kanyang mga sinasabi.
Sa tanong sa kanila kung ano sa tingin nila ang malaking factor na mapapanatili ang sparkle sa kanilang career, naging totoo lang si Sanya sa kanyang sagot.
Alam kong naranasan niya itong naghintay siya at nagtiyaga nang husto bago niya naabot ang tagumpay sa kanyang career bilang artista.
Ani Sanya, “Sa panahon ngayon, sa dami nating pinagdadaanan, pakiramdam ko yung pasensya, e. Mahabang-mahabang pasensya.
“Hindi talaga madali ang lahat ng mga pinagdadaanan natin, mga pagsubok sa buhay, even sa mga trabaho natin.
“So iyun ang ia-apply po, and of course ang pagiging humble po talaga.
“Kahit ano pang maraming blessings na dumating sa ‘yo, be humble and pagiging mabuting tao. Yun lang po talaga lagi.”
Bukod kay Sanya, promising din si Miguel.

Parang ang dami pang puwedeng gawin sa kanya, basta mabigyan lang ng maganda at tamang project.
Sabi nga ni Miguel, bukas siya sa maraming pagbabago.
Maganda raw ang lagi mong i-reinvent ang sarili para laging may bagong nakikita sa iyo ang mga tao.
“Trying new things. Reinvent yourself. Improve everyday. Mag-try ka ng mga bagay na bago sa ‘yo, ma-excite ka everyday para hindi mawala yung spark.
“Parang kagaya ng relationship sa buhay, para hindi ka ma-bore. Kailangan mong gumawa ka ng mga bagong bagay.
“Do things that inspire you. Don’t be afraid to try new things,” saad ni Miguel, na nahasa na nung bata pa siya dahil sa pagsali niya sa Starstruck Kids (2004).
JERRY OLEA
Habang rumaratsada ang mga bagong dagdag na kaso ng Covid-19, in-anoint ni Mr. M o Johnny Manahan ang Magic 8 ng Sparkle, na dating GMA Artist Center.
Naiulat na natin dito sa PEP na kuminang nang lubos ang bituin ni Sanya sa larangan ng telebisyon nitong 2021. Sa Vivamax streaming ay umangat si AJ Raval, samantalang sa larangan ng musika ay lumutang si Gigi de Lana.
Bonggang-bongga ang ratings ng First Yaya nina Sanya at Gabby Concepcion, at kilig na kilig tayo sa romansahan nila.
Karaniwan nang nasa line of 2 ang ratings ng First Yaya, na hindi man lang nalapitan ng mga kasunod na teleseryeng pumuwesto sa timeslot nito—The World Between Us, Legal Wives, at I Left My Heart In Sorsogon.
Isa tayo sa mga hopia, asado at expectorant na may ikalawang yugto ang istorya nina Melody at President Glenn Acosta. Kaya tuwang-tuwa tayo nang ikasa ang First Lady, ang Book 2 ng First Yaya.
Nakadagdag din sa luningning ni Sanya ang pagiging leading lady ni Sen. Bong Revilla sa Agimat ng Agila, na meron ding second season! Ang saya-saya!
Para sa taong 2022, ang pinakamagastos at pinakaaabangang proyekto ng Kapuso Network ay ang Voltes V: Legacy na pagbibidahan nina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega.
Kaya hindi maku-question na mapasama ang MiBel sa frontliners ng Sparkle.
Tampok din sina Miguel at Ysabel sa primetime series na What We Could Be, kaya excited tayo para sa kanila.
Kung dati’y totoy na totoy ang dating ni Miguel, ngayon ay huma-hunk na siya at yummylicious.
Blessing-in-disguise para sa career ni Miguel na nabiyak ang BiGuel tandem nila ni Bianca Umali.
Mas nagkaroon ng lalim ang ekspresyon ng mga mata ni Miguel. Ang kanyang mga ngiti ay tila ba may ikinukubling hapdi.
Kaya dalangin natin na magtagumpay ang Voltes V: Legacy, if only for Miguel na kagaya ni Ruru Madrid ay hinubog ng namayapang Direk Maryo J. de los Reyes!
NOEL FERRER
From the start, may potential at angking galing si Sanya Lopez, at very pleasant and approachable din sa mga interactions ko sa kanya.
Buti at nabigyan siya ng premium sa TV with First Yaya na naging pansalba sa kanyang pre-mature film launch na Wild and Free (2018) katambal si Derrick Monasterio.
Maikli pero markado ang papel ni Sanya sa Isa Pang Bahaghari (MMFF 2020) bilang bunsong anak nina Nora Aunor at Phillip Salvador.
Si Miguel Tanfelix naman ay oo, full of talent, pero ano kaya ang kulang at bakit hindi pa siya household name?
A defining project? Maybe? Or a unique selling proposition—something na siya lang ang makakagawa na hindi kaya ng iba… at bakit parang aloof pa siya sa public?
Diyan ako bilib kay Mr M. I’m sure he knows people’s potentials and attitude.
I suppose Mr M knows how to maneuver para mapanghawakan ng mga tao ang core ni Miguel man o itong star-in-the-waiting na si Sanya!
These are really interesting times for SPARKLE: GMA Artist Center!
