JERRY OLEA
Tumangging magpainterbyu si Ferdinand Marcos Jr. o Bongong Marcos sa Kapusong si Jessica Soho, pero nagpaunlak siya sa Kapamilyang si Boy Abunda.
Inimbitahan ng GMA News and Public Affairs ang limang nangungunang presidential aspirants para sa The Jessica Soho Presidential Interviews na mapapanood ngayong Enero 22, Sabado ng 6:15 p.m., sa GMA.
Pumayag sina Ping Lacson, Isko Moreno, Manny Pacquiao, at Leni Robredo, pero umayaw si Bongbong. Isa-isang sumalang ang apat, at ang kanilang mga panayam ay pinagsama-sama.
Sa patikim ng nasabing TV special nitong Biyernes ng gabi sa 24 Oras, inurirat ni Jessica ang apat sa kanilang posisyon sa mga mahahalagang isyu ng bayan, maging sa inihahain nilang plataporma.
“Ipagpapatuloy mo ba ang war on drugs?”
“Isusulong niyo ba ang pagpapatupad ng desisyon ng International Tribunal at paano ho kaya ninyo kukumbinsihin ang China na sumunod at igalang ang desisyong ito?”
Iyan ay mga halimbawa lang ng tanong na diretsahang ibinato ng multi-awarded veteran broadcast journalist na si Jessica.
Hindi rin pinalampas ni Jessica ang mga partikular na kontrobersiyang ipinukol sa apat — human rights violation kay Ping, pagiging trapo kay Isko, pagiging corrupt kay Manny, at lugaw kay Leni.
Matutunghayan naman ang The 2022 Presidential One-On-One Interviews with Boy Abunda mula Enero 24 hanggang 26 sa The Boy Abunda Talk Channel (6:00 p.m.) sa YouTube, at sa Kapamilya Channel (11:00 p.m., pagkatapos ng The World Tonight).
Nagbabaga ang mga talakayan sa mga isyung kinaharap ng Pilipinas kasama ang Asia's King of Talk — Ping Lacson sa Enero 24, Lunes; Bongbong Marcos sa Enero 25, Martes; Leni Robredo sa Enero 26, Miyerkules; Isko Moreno sa Enero 27, Huwebes; at Manny Pacquiao sa Enero 28, Biyernes.
Mapapanood din ang ilan pang presidential interview special sa darating na Enero 30 at Pebrero 6, Linggo, 11:00 p.m. sa Kapamilya Channel.
NOEL FERRER
Ang kaibigan nating si Doris Jimenez ay naghahanap din kay Bongbong Marcos.
Ang sabi ni Doris, ”Almost 5 years, absent sa Oxford, absent sa drug testing, absent sa hearing, absent sa pandemic, absent sa GMA 7.
“Pero present sa birthday party, Christmas party, binyagan, caravan, karaoke at vlog ni Toni Gonzaga.”
Tayo, bilang publiko, ang may kailangan ng ganitong interviews at debates para lalo pa nating makilala ang mga kandidato. Kaya ang mga kandidato na hindi magpapaunlak nito ay walang pakialam sa tao. Hindi porke mataas ka sa surveys ay hindi ka na matitibag.
Trending ngayon ang #MarcosDuwag.
GORGY RULA
Curious ako kung ano ang itatalang rating ng The Jessica Soho Presidential Interviews.
Matagal itong na-plug, na ang buong akala namin ay kumpleto silang haharap.
Mukhang gusto nang malaman ng taumbayan kung anong klaseng kandidato ang susunod na mamumuno sa ating bansa.
Sana mapanood din sa free TV itong interviews ni Kuya Boy sa limang presidentiables.
O mas nakaka-excite kung magsama sila ni Jessica Soho para sa susunod na pagkikipagharap sa mga tatakbong kandidato.
Mangyayari kaya ito sa Kapuso network bago dumating ang eleksyon?