GORGY RULA
Kaya pala nadagdag sa cast ng Book Two ng Agimat ng Agila si Betong Sumaya ay dahil hindi na kasali ang young actor na si Miggs Cuaderno.
Mahigpit pa ring ipinatutupad ang mga safety and health protocols, kaya hindi na muna isinali si Miggs na kasama sa Book One ng fantasy-action series na ito ng GMA-7.
Bukod sa hitik sa aksyon ang Agimat ng Agila ni Senator Bong Revilla, may comedy pa rin dahil magkatuwang na rito sina Benjie Paras at Betong sa pagpapatawa.
Kuwento ni Benjie, “Si Betong, isa siya sa mga naging choices para madagdagan yung characters dito sa Agimat. Kasi nga, yung isang kasama namin dito si Miggs, nawala na dahil medyo mahirap yung minor.
“Si Betong naman, kahit saan mo ilagay, e.
"Pero yun nga, kailangan namin ng isang karakter pa dahil ang kasama naming si Miggs, wala na. Itong pandemic, medyo mahirap maglagay ng bata."
Kaya ang laking tuwa ni Betong na naging bahagi siya sa Book Two ng Agimat ng Agila.
“Ako, sobrang happy sa pagkakataon na napakalaking proyekto itong Agimat ng Agila book two.
“Siyempre, alongside Kuya Benjie, talagang… yung unang eksena nga namin talagang fight scene, barilan ito. Kaya talagang parang baptism of fire.
“Nakikita niyo, talagang pasabog. Kaya sobrang fulfilling na makaeksena si Kuya Benjie. Kasi si Kuya Benjie din, napaka-supportive,” pakli naman ni Betong.
Ang isa pang ikinatuwa nila ay nakakasabay rin si Senator Bong sa mga comedy scenes nila. Nasanay na rin kasi ang actor-politician sa mga sitcom na nagawa niya noon sa Kapuso network.
“Yung dalawa, perfect combination, napakagaling nila sa comedy at ang ganda ng kumbinasyon ng dalawa. Kaya saludo ako sa dalawang magaling na komedyante na ‘to,” saad ni Senator Bong.
Bukas, January 29, Sabado ng 7:15 p.m., magsisimula ang Agimat ng Agila pagkatapos ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.
Pagkatapos nito ay may pasorpresa si Senator Bong sa followers niya sa kanyang Facebook account.
Meron uli siyang "Kap’s Amazing Agimat ng Agila Giveaway" kung saan ay mamimigay siya ng pabuya sa mga masuwerteng nakatutok sa Agimat ng Agila. Huwag lang daw makalimot mag-selfie habang nanonood ng Agimat ng Agila, o kaya groufie kasama ang inyong pamilya.
JERRY OLEA
Mayo 22, 2021 ang original pilot date ng Season 1 ng Agimat ng Agila. Dahil nagkaproblema sa ibang programa, isinalang na agad ito noong Mayo 1, at agad rumatsada sa ratings.
Bukod sa nakakatuwa ang mga eksenang maaaksyon at may sangkap ng fantasy, makabuluhan ang serye kaugnay sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan. Swak pa ang chemistry ni Senator Bong with Sanya Lopez, at sa iba pang kasama sa cast.
Wala pang isang taon, heto at aarangkada na ang Season 2 ng Agimat ng Agila.
Guest sa Season 2 si Sanya Lopez. Andiyan pa rin sina Elizabeth Oropesa at Benjie Paras.
Naging close ang samahan ni Senator Bong sa buong cast ng book one ng Agimat ng Agila. Gusto pa rin daw sana ng ibang artista sa book one na mapasama sa book two, pero hindi na tumutugma sa kanilang schedule.
Hindi na kaya sa schedule ni Edgar Allan Guzman, dahil meron siyang Widow’s Web at Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento.
Si Allen Dizon naman ay kasama na sa First Lady.
Ang bagong cast members ay sina Gardo Versoza, Betong Sumaya, Kim de Leon, Lia Salvador, Sandro Muhlach, Shermaine Santiago, at Rabiya Mateo.
Pahayag ni Senator Bong, “I am very thankful and very pleasantly surprised. Sobra-sobra po ang pasasalamat ko sa lahat ng tumangkilik ng book 1 ng Agimat ng Agila.
“Siyempre alam naman natin ang ganda at husay ng produktong pinagsikapan natin para sa publiko, pero ganunpaman, sobrang nakakatuwa ang naging ratings natin at ang pagsubaybay ng mga manonood hanggang matapos.
“Nakakataba ng puso marinig ang feedback ng mga manonood na sinasabi sa akin na sobrang ganda raw ng Agimat, at nabitin sila, at hinihintay na nila ang book 2.
“Mas pinaghandaan ko physically itong book 2. Gusto kasi ng ating mga viewers ng mas maraming aksyon kaya ‘yan ang pinaghandaan at ginagawa namin. Makikita nila sa action scenes sina Betong at si Rabiya Mateo.
“Kung nagandahan na sila sa mga napanood nila sa book 1, hintayin nila itong book 2 and I’m sure, hindi sila madi-disappoint.”
NOEL FERRER
New episodes. New jobs. New risk sa pagla-lock in taping.
Parang mga bagong bayaning OFWs ang ating mga artista na nagtatrabaho ngayon — just to survive this pandemic too.
Good luck sa grupo ng Agimat Ng Agila na naka-lock-in na.
Sa Lolong, papasok na ngayon ang ibang cast members sa lock-in taping kahit may ilang nag-initial positive results.
Sa Little Princess, may false alarm na positive pero the taping must go on.
Ang FPJ’s Ang Probinsyano powerhouse cast, nasa Ilocos na ngayon.
Ang Darna TV series, nasa training lock-in na rin.
Sana maging safe ang lahat ng mga trabaho ninyo. You have our prayers and support!!!
