JERRY OLEA
Naghubad, nagsarili, at nakipaglampungan si Paolo Gumabao sa tatlong magkakasunod na pelikula — Lockdown, Sisid, at Silip Sa Apoy.
Sa sumunod na pelikula niya na Mamasapano kasama sina Aljur Abrenica at Edu Manzano ay napasabak naman siya sa umaatikabong aksyon.
“Napakasaya! It was a completely different experience!” bulalas ni Paolo sa virtual interview noong Pebrero 5, 2022, Sabado ng hapon.
“Kasi siyempre, medyo nasanay tayo recently sa mga hubad-hubad, sexy-sexy. E, iyong Mamasapano, full action talaga.
“Ang gamit naming baril dun, totoong baril, saka pumuputok talaga. Pero blangko…
“Super-thankful ako na ako ang naisip nila for the role, and sobrang bagong experience. Which is something actually na gustung-gusto ko talagang gawin dati pa.”
Enero 3-10, 2022 nasa location ng Mamasapano movie si Paolo, at napakagaan daw ng pagsusyuting nila sa direksyon ni Lester Dimaranan (na nagdirek ng MMFF 2021 movie na Nelia).
Kumustang katrabaho sina Edu at Aljur?
“Actually, si Aljur yung una kong naka-work. Kasi, si Sir Edu, nakatrabaho ko, e, nung last day ko na,” kuwento ni Paolo.
“Bale si Aljur, sobrang naging kuya ko si Aljur actually. Kasi, si Aljur, ma-experience na sa baril. Ako, wala pa akong experience sa baril.
“Yung mga nagamit kong baril dati, e, yung mga pistols. Since yung hawak namin dito, e, live na M4 talaga, si Aljur yung nagturo sa akin kung paano ang mas magandang hawak.
“Saka siya yung nagturo sa akin ng mga positioning, kung paano tumayo hawak yung baril.
“Although medyo familiar na rin naman ako, kasi siyempre, lagi akong nanonood ng mga action films saka mahilig po ako sa video games. Laging barilan yung mga nilalaro ko sa computer saka sa PS4.
“Pero sobrang laki ng tulong nung tinuro sa akin ni Aljur yung mga yun. Saka yung kay Sir Edu naman, sobra akong na-excite sa eksena namin actually.
“Kasi, yung eksena po namin ni Sir Edu, e, highlight ng character ko dun sa pelikula. So, pinaghandaan ko talaga yun. Sabi ko, ‘Naku, ayokong mag-take 2 dito kay Sir Edu. Gusto ko, unang take, good na agad!’ Ha! Ha! Ha! Ha!”
Matapang ang istorya ng Mamasapano movie. Maaaring maging kontrobersiyal.
“Well, yeah, controversial because, you know, every movie that’s based on a true story is gonna be controversial,” pananalig ni Paolo.
“And parang para sa akin naman, the story was told in a way na kung ano talaga ang nangyari dati. Parang ganun. And syinut namin yung pelikula chronologically.”
Kumusta yung shooting nila sa maisan?
“Sobrang nakakapagod po! Sobra! Buong araw… parang yung shoot lang na yun, hindi ako na-conscious sa kinakain ko!” natawang pagbabalik-tanaw ni Paolo.
“Kasi, grabe yung exercise namin. Hindi siya biro. Ahhm, nagko-crawl kami sa sahig, hawak ko, e, totoong baril, tapos may mga takbuhan kami.
“Tapos minsan, tirik na tirik yung araw, nagsu-shoot kami. Nagtatakbuhan… Nakakapagod, pero extremely rewarding! Rewarding siya pagkatapos, na parang, ‘Wow! Nagawa namin yun!’
“Saka lalo na pag pinapanood namin yung playback, ang gaganda nung mga shots! Ang husay rin ng DOP.”
GORGY RULA
Iyon ang sinasabi nilang kapag panahon mo, panahon mo talaga. Pumasok si Paolo sa tamang panahon at tamang timing.
Tamang-tama ring nauso ang mapangahas na sexy films sa panahon ng pandemya, at pinauso ni Paolo ang walang pakundangang frontal nudity.
Pinatunayan ni Paolo na hindi lang siya hanggang sa paghuhubad, kundi may ibubuga siya sa pag-arte. Kinilala ng FACINE at GEMS ang pagganap sa Lockdown.
Kaya kapag merong hindi puwedeng aktor, siya ang naiisip na ipalit.
Hindi naging available si JC de Vera sa Mamasapano, siya ang unang naisip na ipalit. Meron pang isang malaking project na hindi na rin pumuwede ang isang aktor, at siya na naman ang naisip na ipalit, at pumuwede naman siya.
Kaya ang suwerte ni Paolo at mukhang tuluy-tuloy na ito. Keber kung siya ang sumasalo sa ilang project ng ibang artista, ang mahalaga ay napapasakanya ang project.
Ikinukunsidera rin siyang maging lead actor sa isang bagong mapangahas pero makabuluhang pelikula ng isang premyadong aktor. Kaya panahon ngayon ni Paolo Gumabao!
NOEL FERRER
Grabe, lalaking walang pahinga talaga si Paolo. At lalaking walang takot. At lalaking palaban sa kanyang mga assignments.
Sana nga ay maging household name na siya hindi lang sa niche market, kundi pati sa mainstream. Good luck, Pao!
