NOEL FERRER
Naglabas ako ng Level-Up forum na nagsaad ng ganito: “The elections help us see things more clearly. With the recent turn of events, kung ang ating sinusuportahan dati ay naging enablers na rin… PETA, do we say goodbye to RAK OF AEGIS?”
Kilala ang PETA bilang makabayang produksiyon na nilabanan ang rehimeng Marcos kaya magandang malaman kung ano ang stand nila sa gagawin sanang streaming ng Rak Of Aegis muli online, samantalang nakabalandra na ang regular na pagpe-perform ng Aegis sa mga rally ni Ferdinand Marcos Jr.
Heto ang magkaibang sagot sa thread na yun:
“I’m sorry but I cannot support in any way, anyone enabling BBM. These artists should know better.”
“Kailangan din po nilang kumita? Baka trabaho lang, at walang personalan? Wala sigurong masyadong raket po.”
Muli, lalo na sa mga oras ng kagipitan, nasusukat ang paninindigan.
At hindi naging Ramon Magsaysay Awardee ang PETA for nothing. True to their core, nagpadala sila agad ng kanilang reaksiyon.
Ayon sa PETA: “Much as we were excited to embark on the final streaming of Rak of Aegis in April, we have decided to focus our energies on the upcoming national elections.
“As an educational and performing company, we recognise that this is a critical time to use theater as a vehicle for introspection and truth-telling. As artists, we must keep the torch of conscience alive!
“In lieu of Rak, we are embarking on various voters' empowerment campaigns, as well consciousness raising efforts through our plays ‘Si Juan Tamad ang Diyablo at Limang Milyong Boto’ and ‘A Game of Trolls’ through partnerships with universities across the country.
“We hope that through these humble contributions to the upcoming national elections, we can help empower young voters towards engaged citizenship.”
JERRY OLEA
Umeeksena sa social media si Kong. Manhik-Manaog (Leo Martinez) ngayong nalalapit ang eleksyon, at andiyan pa si BAYAW (Jun Sabayton) na presidential candidate.
Very informative ang mga sagot nila sa interbyu sa “Sa Totoo Lang” (6:32 ang tagal video) na in-upload recently sa Facebook page ng BAYAW for President.
Nagbiro noon si Ely Buendia na baka mabuo muli ang Eraserheads sakaling tumakbo sa pagka-presidente si VP Leni Robredo. Nag-file ng candidacy si Leni.
Hindi man nagkasama-sama muli ang E’heads ay buo ang pagiging kakampink ni Ely, at ang liriko ng "Pare Ko" ay iniakma para kina Leni at Kiko Pangilinan.
Siyempre, mega-suporta si Sharon Cuneta para sa kanyang mister, at tuloy ang ikot ng mundo kahit katunggali ni Kiko ang tito niyang si Senator Tito Sotto.
Maling akala na hindi na magkakasamang muli ang APO Hiking Society.
Nag-tweet si Jim Paredes nitong Pebrero 27, Linggo ng hapon, at ipinahiwatig sa hashtag, “tatlo nAPO sila for Leni.”
Dahil sa political climate ng May 2022 elections, may mga samahan ng mga artista at celebrities na nabubuo (muli), at nabubuwag.
Magkaiba ng paninindigan ang PETA at Aegis kaya hindi na natin ipagtaka na makalas ang kanilang ugnayan.
Sa lahat, ang nagra-rock ‘n roll sa aking diwa… may magaganap bang himala at magiging ganap nang National Artist ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa nalalapit na panahon?
GORGY RULA
Kahit sabihin pang hindi na dapat haluan ng pulitika ang anumang institusyon, hindi talaga maiiwasan.
Kanya-kanya tayong sentimyento. Kanya-kanya tayong paniniwala at dapat igalang ito.
Kahit sa simbahan ay nakikita mo na rin ang pagkakaiba ng pananaw ng bawat paring nagmimisa. Nakikita mo ito sa homily nila kung kanino sila kumikiling. Minsan, pati sa kulay ng suot nilang face mask.
Kaya dapat natin talagang pag-isipan nang mabuti at ipagdasal na, sana, manaig lang ang mas karapat-dapat.
Kung sino man ang ihalal na bagong lider sa darating na eleksyon, sana ay mangingibabaw pa rin ang kapayapaan at katiwasayan.
Ang kinatatakutan ko ay ang mga sunud-sunod na rally at pag-aklas sa kalye na baka lalo lang magpagulo sa ating pag-move on mula sa dating administrasyon.
Kung sino man ang iluluklok ng sambayanan ay palagay ko, nararapat talaga sa mas nakararami—maging blessing man siya o sumpa uli sa ating bansa.
