GORGY RULA
May mga ilang nagdududang gimik lang ang isyu nina Donita Nose at Super Tekla na magpapahinga muna ang Donekla tandem sa kanilang YouTube channel.
Ilan sa mga napagtanungan namin ay nagsasabing totoong may problema ang dalawa.
Pero ayaw nang magsalita ni Tekla tungkol sa isyung ito. Hindi na raw siya magsasalita kahit gusto pa siyang interbyuhin ng GMA-7.
Read: Donita Nose to Super Tekla: "Number one nating problema, katamaran mo."
Kahit si Donita ay hindi na rin gaanong nagsasalita nang sinubukan namin siyang kapanayamin sa nakaraang presscon ng grand finals ng Sing Galing. Isa si Donita sa hosts ng naturang singing show sa TV5.
Nang humarap sila sa miyembro ng entertainment press nung Martes, March 1, 2022, na ginanap sa Manila Metropolitan Theater, napag-usapan ang tungkol sa attitude sa trabaho.
Nagbibigay sila ng payo sa finalists ng Kantastic Finale ng Sing Galing.
Ayon sa head ng Cignal Entertainment na si Ms. Isabel Santillan, automatic na magiging talents nila ang sampung finalists na tinatawag nilang "Team Galing" at bibigyan ng break sa iba pang shows sa TV5.
Pero hindi lang daw dapat galing sa pagkanta, kundi tamang attitude din.

Sing Galing finalists
Pinagdiinan ni Donita na dapat ay masipag ka at mag-focus sa lahat ng ginagawa. Hindi tatamad-tamad.
Aniya, “Lahat ng bagay na ginagawa mo, dapat na pagsikapan mo, at pagtutunan mo ng pansin at panahon. Kasi, hindi ka naman maging successful kung hindi ka naman talaga kikilos.
“Kaya itong mga batang ito, malayo ang mararating ng mga ito. Kasi, wala pa silang pangalan, pero sobrang sipag na nila at yun ang importante sa kasikatan.”
Agree rito si Ethel Booba na isa sa mga judge.
Hindi naman itinatanggi ng singer-comedienne na marami rin siyang kalokahang ginawa noon, pero masuwerte pa rin siya dahil ilang beses siyang nabigyan ng pagkakataong makabuwelta para maayos sa kanyang career.
“Ganun talaga. Kailangan sa journey ninyo… kasi dati, hindi naman ako nananalo, e. Pero ano lang ako, try lang nang try.
“Naging stepping stone niyo itong Sing Galing,” mensahe ni Ethel sa finalists.
“Kahit hindi pa naman ako celebrity, siyempre meron tayong mga pinagdadaanan din, ganyan. Pag trabaho, i-set aside mo talaga siya. Kailangan ibang ano siya, dimension. Tama ba yun?
“Dapat magkaiba siya. Pag nasa work, nag-iibang anyo ka, ganun! Dapat ayan, sumikat na, dapat ganun pa din. Hindi dapat tinatamad, ‘no?
“Hindi ka dapat tamad, hindi ka nagpapaapekto kapag may pinagdadaanan, kahit may mga kiyeme ka sa katawan. Kapag trabaho, trabaho,” sabi pa ni Ethel.
Kaya positibo silang makakapag-produce ng magagaling na singers itong Sing Galing, dahil promising ang mga napiling finalists.
Mula sa sampu ay lima lang ang kukuning finalists na lalaban sa Kantastic Finale sa March 12 na gaganapin sa Manila Metropolitan Theater.
Pero bago iyan, meron ding grand finals ang Ultimate Pa-Sing-Katan sa March 5 kung saan maglalaban sa kantahan ang celebrity contestants na sina Aljur Abrenica, Pepe Herrera, Patrick Quiroz, Boobsie Wonderland, Jerald Napoles, at Chuckie Dreyfus.
Isang milyong piso ang matatanggap ng grand champion o "Ultimate BidaOke Sing-lebrity." Mababahaginan din ang kanilang napiling beneficiary na tinatawag nilang ‘Bidaficiary.’

Aljur Abrenica, Chuckie Dreyfus, and Boobsie Wonderland
Kaya abangan na lang itong back-to-back Saturdays of Ultimate Pa-Sing-Katan para sa celebrity edition at ang Kantastic Finale sa regular edition sa March 5 at 12, na tinatawag na rin nilang Pambansang Araw ng Videoke.
Bahagi rito ang National Commission for Culture and the Arts of NCCA na siyang nagmamay-ari ng Manila Metropolitan Theater.
JERRY OLEA
Sipag at Tiyaga, 'ika nga ni dating Senador Manny Villar. Pero siyempre, kailangan ding may talent ka talaga, at ngingitian ka ng suwerte.
Naalala ko tuloy ang pelikulang Amadeus (1984)… ang fictional rivalry nina Wolfgang Amadeus Mozart at Antonio Salieri.
Pagkarami-rami nang sumubok mag-showbiz, na hindi pa man sumisikat ay laos na agad kahit sakdal galing pa. Mangilan-ngilan lang ang pinagpapala nang lubos. Kaya makabubuti na may fallback ka.
Kung wala kang “K” at pag-asa sa pagso-showbiz, baka pahiwatig iyan ng sansinukob na dapat mag-iba ka ng larangan.
NOEL FERRER
Praying for a successful Season Finale for Sing Galing and sana nga, mapasikat nila ang mananalo at magmarka sa music scene with signature hits. Kasi, the show is also as good as the people whose careers they can propel.
Looking forward din tayo sa Season 2 ng paligsahan. Sana kilala na ang winners ng Season 1 bago magpakitang-gilas ang Season 2 clashers, or contestants!
