GORGY RULA
May programang inilunsad ang Buco Channel sa kanilang mediacon nung Lunes, Marso 7, 2022.
Ito ang BalitaONEnan na mala-Sic O’Clock News, kung saan gagawing katatawanan ang pagbibigay ng mga balita.
Uupong anchors dito sina Wally Bayola, Alex Calleja, at KaladKaren.
Magsisimula ito sa Marso 21, at mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes ng 8:30 p.m.
Pinansin namin ang laki ng iginanda ni KaladKaren. At sa totoo lang, mas maganda pa siya ngayon kay Karen Davila.
Kaya diretsahan ko siyang tinanong kung may kinalaman ba ang siyensya sa pagbabago sa mukha niya.
Napatili si KaladKaren sa ibinato kong tanong sa kanya.
Sagot niya: “I’ve always believed na kung meron kang gustong ipagawa, why not coconut, di ba? If it will make you happy, if it will make you comfortable, why not?
“I’m very open to plastic surgeries, et cetera, et cetera.
"Pero kung meron ba akong pinagawa? Siguro mga turok-turok lang. Totoo.
"So, nag-fillers-fillers, ganun-ganun, tapos nag-facial, laser-laser."
Diin ni KaladKaren: “Pero kung bakit po ako glowing, kasi lagi po akong nadidiligan. In love po.
"Saka pumayat kasi ako, from 75 kilograms, and now 55 kilos na. Hard work talaga.
"Tingin ko pag pumayat, nagbabago din ang facial features."
Pabirong comment naman ng direktor nilang si John "Sweet" Lapus: “Pakiramdam ko, mas kinakabahan na si Karen Davila sa ‘yo. Parang mas nilagpasan mo na yung ganda niya."
Maaring paghahanda ni KaladKaren sa bago niyang show sa Buco Channel kaya nagpapayat siya at lalong gumanda.
Pero proud daw siyang maging bahagi ng BalitaONEnan.
Bilang isang transwoman, maipagmamalaki raw ni KaladKaren na napasok niya ang mainstream media.
“I’m very happy. I’m very privileged to have this opportunity na, you know, as a transgender woman, meron tayong representation sa mainstream media.
And I think that is very important nowadays, yung nakikita kayo, napapanood kayo, at nalalaman yung buhay ng transgender community.
"So, I’m very happy to be one of the representatives,” sabi pa ni KaladKaren.
JERRY OLEA
Karen Davila is Karen Davila. The original is still the best, 'ika nga.
At least, may sariling career si KaladKaren. Hindi siya basta second-rate trying hard copycat.
Nawa’y kumaladkad sa diwa ng mga manonood ang mga paandar at payanig nina KaladKaren et al sa bali-balitaang katatawanan at kabulastugan.
Sa primetime kasi ay umaatikabo ang bakbakan ng First Lady at FPJ’s Ang Probinsyano, ganundin ang Widows’ Web at The Broken Marriage Vow.
Pukpukan sa Top 20 ng AGB Nielsen NUTAM Ratings ang mga programa ng GMA-7, GTV, at yung Kapamilya shows na napapanood sa TV5, A2Z, at iba pang platforms.
Ngangey at hilahod yung iba pang mga channel, lalo pa’t namamayagpag ang mga streaming platform sa pangunguna ng Netflix.
NOEL FERRER
Excited ako dito sa BalitaONEnan nina Wally Bayola, Alex Calleja, at KaladKaren.
Para itong reincarnation ng Sic O’ Clock News nina Jaime Fabregas at Ces Quesada noong panahon ni Marilou Diaz-Abaya.
Ngayon, si John “Sweet” Lapus naman ang in charge!
Kailangan natin ang mga ganitong panooring matapang at nakakaaliw at nakaka-inform sa panahon ngayon!!!
Susuportahan natin ito!!!
