JERRY OLEA
Back-to-back-to-back ang streaming ng mapapangahas na pelikula ni Christine Bermas sa Vivamax.
Marso 18, 2022, Biyernes, ipinalabas ang launching film niyang Moonlight Butterfly, kung saan dumapo ang kanyang alindog kina Kit Thompson, Albie Casiño, at Ivan Carapiet.
Marso 25 ang streaming ng BL movie na Sisid, kung saan suporta siya sa nakakalunod na lampungan nina Paolo Gumabao at Vince Rillon, sa direksiyon ni Brillante Mendoza.
Abril 1 naman mapapanood ang pinagbibidahan muli niyang Island of Desire, kung saan co-stars niya sina Jela Cuenca, Sean de Guzman, Rash Flores, Massimo Scofield, AJ Oteyza, Sheree, at Jim Pebanco, sa direksyon ni Joel Lamangan.
Nakikipagkumpetensiya ba siya kina AJ Raval at Angeli Khang na nagrereyna sa Vivamax? Aagawin ba niya ang korona at trono?
“Well, not in the way of competing para like maagaw yung… hindi! Hindi sa ganun!” bulalas ni Christine nang mainterbyu namin nitong Marso 22, Martes ng gabi, sa Wing Zone restaurant, Araneta City, Quezon City.
“Kasi, Angeli, AJ and I… feeling ko naman ay may mga pagkakaiba kami ng way of acting, kung paano namin i-express ang sarili namin.
“Kung paano namin naibibigay yung kailangan ng direktor, at kung paano namin nagagawa yung job namin. Different siya.
“So, yeah, actually I idolize both of them. Kasi, sobrang, like, naa-appreciate ko sila as newcomer din na artist.
“Siyempre, nanggaling din sila sa time na nagsisimula. And ako, nanggaling din ako sa time na nagsisimula.
“So, ang masasabi ko na lang, e, gusto ko ring maka-work sina AJ at Angeli in one movie.
“Meron nang plano na gumawa ako ng film with Angeli Khang under Direk Joel Lamangan. Hopefully, matuloy yung project,” lahad ng 19-anyos na si Christine.
GORGY RULA
Apat na taon na sa industriya si Christine, na nag-umpisa bilang isa sa miyembro ng all-girl sing-and-dance group na Belladonas.
Bago nagsunud-sunod ang movie projects niya, may panahon bang nainip siya dahil nawalan sila ng mga raket noong lumaganap ang pandemya?
“Well, hindi ako nainip. Kasi, nung nagsisimula pa lang ako, alam ko na hindi ganun kadali para makuha mo ang isang bagay,” paliwanag ni Christine.
“So, kailangan mong paghirapan. Kailangan mong dumaan sa maliit na butas. Kailangan mo, like, as in… siguraduhin lahat, mula sa pinakamaliit hanggang sa palaki nang palaki ang challenges na darating sa life mo.
“Hindi ako nainip, kasi habang tumatagal yung taon na nandirito ako sa industry na ‘to, mas lalo akong natututo.
“Mas lalo kong nakikilala yung sarili ko na kaya ko pa pala, and I can do more pa.”
NOEL FERRER
Natuwa si Christine sa special screening ng Sisid noong Martes sa isang sinehan sa isang mall sa Q.C.
Pahayag ni Christine, “Iba pa rin talaga yung experience kapag sa big screen, and kapag sa Zoom lang.”
Noong Enero ay nag-online premiere na ang Sisid sa Vivamax Plus.
Pagpapatuloy ni Christine, “Iba pala talaga ang feeling pag pinanood mo sa big screen. Sobrang andun, intense yung emotions, lahat.
“Happy na nakaka-proud, and hindi mo ine-expect na makikita mo yung sarili mo sa ganyan.
“Actually, may few scenes na parang… hindi ako comfortable na panoorin yung sarili ko to be honest! Ha! Ha! Ha! Ha!
“Pero, yeah, sobrang sarap sa feeling po na mapanood yung movie sa big screen.”
Super-proud si Christine na naitawid nila yung movie, at nakatrabaho niya sina Kylie Verzosa, Paolo Gumabao, Vince Rillon, at Direk Brillante Mendoza.
“Medyo may mga nahirapan akong scenes, and sobrang thankful ko kay Direk Brillante,” saad ni Christine.
“Kasi, tinulungan niya ako, especially i-overcome yung fear ko sa dagat. Kasi, takot talaga ako sa dagat, e.
“Hindi ako marunong lumangoy. And nagkaroon kami ng one day na tinuruan akong lumangoy.
“And sobrang thankful ako na na-overcome ko yung fear ko with the help of Direk and sa lahat po ng bumubuo ng production.”
Nahirapan din si Christine sa eksenang may kine-carry siyang baby. First time na ginawa niya yun on camera.
“Scary din yun!” bulalas ng sexy actress. “Di ba, pag ano? Kasi, bata, e… Medyo nakakatakot, kasi baby yun, e, and she was crying na lang lagi.
“Kailangang patahanin namin yung baby. Kaya more careful po ako talaga.”
