GORGY RULA
Naging emotional ang mag-asawang Senator Bong Revilla at Mayor Lani Mercado nang ipinagdiwang nila ang 54th birthday ni Mayor Lani sa city hall ng Bacoor nitong Lunes ng umaga, April 11, 2022.
Naghanda ng programa ang mga staff, department heads, at mga leaders ng alkalde. Isa sa nagbigay ng surprise ay si Senator Bong na naghandog ng kanta at sayaw para sa kanyang maybahay.
Nangingilid ang luha ni Senator Bong nang ipinakita ang video ng mga surprise numbers niya kay Mayor Lani nung nakapiit pa siya sa Camp Crame.
Kapag may selebrasyon kasi noon sa kanilang pamilya, nagpapaalam si Senator Bong na payagan siyang makunan ng video, na surprise sa kaarawan ni Mayor Lani at pati sa namayapa niyang amang si dating Senator Ramon Revilla Sr.
Bumabalik daw kay Senator Bong ang mga alaala niya nung na-detain siya nang mahigit apat na taon sa Camp Crame.
Read: Sandiganbayan acquits Bong Revilla in pork barrel scam cases
Pahayag ni Mayor Lani nang makausap ng PEP Troika sa telepono, “Naiiyak siya talaga. Siguro, nakita niya ang video niya na parang naalala na naman niya yung Crame.
“Siyempre, hindi naman siya ina-allow na pumunta dito. So, nagpapaalam kami sa Crame na magsu-shoot lang ng greetings para sa akin, sa birthday ko. Ganun lang yun.”
Dagdag niya, “Nagpapatawa na lang siya kanina, pero naluluha na siya kanina.”
Nagpatawa na lang si Senator Bong para hindi mahalata ang pag-iyak niya nang makita ang video na kuha noong nasa loob pa siya ng Camp Crame.
Pabirong pahayag ni Senator Bong, matatapos na raw term ni Mayor Lani bilang alkalde ng Bacoor at tatakbo na sa Congress. Mababantayan na raw siya nang husto ng kanyang asawa.
“Alam mo, Mama, marami na akong pasakit sa ‘yo… sa lahat na pagtitiis mo, thank you. Pasensiya ka na, pogi kasi ang asawa mo.
“Good luck to me, dahil mas may time ka na para bantayan ako. Sa tingin ko, mas malaki ang problema ko.
“Actually, naiiyak ako dahil mababantayan mo na ako. Naiiyak ako dahil punung-puno ako ng pagmamahal sa ‘yo,” napapangiting mensahe ni Senator Bong kay Mayor Lani.
Ang tinutukoy marahil ni Senator Bong ay ang pagkakaugnay niya noon sa iba't ibang babae.
Proud daw si Senator Bong at ang buong pamilya dahil sa mga nagawa ni Mayor Lani sa Bacoor.
“Hindi kami napahiya sa pag-upo mo bilang alkalde,” dagdag na pahayag ni Senator Bong.
Hindi rin napigilan ni Mayor Lani na maiyak nang magbigay ng song number ang kanyang staff at department heads.
“Nung kumanta yung department heads ko, tapos kumanta sila ng 'In My Life' [ng Beatles], yung may line, ‘Some forever, not for better. Some have gone and some remain.’
“May department head akong namatay, si Atty. Marnel, yun, COVID yun.
“Siya ang tinatawagan ko pag may kini-cremate. Nung siya ang namatay, parang huminto yung mundo ko… sino na ngayon ang tatawagan ko dahil siya na ang iki-cremate?
“So, parang naano ako. Naalala ko ang iba pang department head ko rin na namatay din, pero hindi naman COVID, cancer yun.
“Naalala ko lang yung mga nawala kong kasama,” malungkot na pahayag ni Mayor Lani.
Sa April 13 pa ang eksaktong birthday ni Mayor Lani. Pero mula pa nung Sabado ay nagsimula na ang kanyang "Ate Lani 3-in-one birthday celebration."
Nung Sabado ng umaga, April 9, may pa-Zumba siya sa mga kababaihan kasama si Joshua Zamora.
At meron daw siyang "Alagang Ate Lani Medical Caravan" kung saan meron silang medical mission. Namigay sila ng libreng salamin, pustiso, registration ng senior citizen at PWD, at may job fair.
Kinagabihan ay free concert ng Silent Sanctuary kasama si Andrew E. at ang SexBomb Dancers.
At ang hiling ni Mayor Lani sa kanyang kaarawan: “Sana makaraos tayo na maging maayos ang halalan.
“Tanggapin ng mga tao kung sino talaga ang mananalo, at makaraos na tayo sa krisis na dala ng pandemya.”
JERRY OLEA
Sa Abril 13 pa ang eksaktong birthday ni Mayor Lani, at inilalaan niya ang araw na ito sa kanyang pamilya.
“Lahat kami, magbabakasyon muna. Sa Bora muna, buong family,” sabi ni Mayor Lani.
NOEL FERRER
Nakaka-miss mag-Bora. Baka ako ay mapako muna sa Manila na walang traffic.
Happy Birthday, Mayor Lani.
Sana all, ma-enjoy ang family at prayer time ngayong Semana Santa.
