JERRY OLEA
Napaindak ako habang iwinawasiwas ang light stick sa encore number ng Calista sa kanilang Vax To Normal concert nitong Abril 26, 2022, Martes ng gabi, sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
Hindi lang ako ang napasayaw kundi maging ang mga kaibigan at kasamahan ko sa media, maging ang iba pang manonood.
Pakiwari ko’y isa iyong pagdiriwang, na oo nga’t naka-face mask pa rin tayo, pero heto at nagagawa na nating makapanood ng concert sa isang malaking venue.
Mahigit dalawang taon nang hindi natin ito naranasan, kaya matik na i-manifest natin ang kasiyahan sa pagtitipon na ito.
Namataan pa natin ang ilang katotong napa-TikTok!
Pinagbuhusan ng pagod at pera ang Vax To Normal concert — mula sa disenyo ng entablado, hanggang sa costumes at choreography ng Calista members na sina Laiza, Denise, Anne, Dain, Elle, at Olive.

Binasbasan sila ng mga buhay na paru-paro, pero hindi naman sila nag-Paro Paro G. Vroom! Vroom!
Pasabog ang collab numbers nila sa mga panauhing sina Yeng Cinstantino, Ken San Jose, Andrea Brillantes, Elmo Magalona, AC Bonifacio, at Darren Espanto.
Pinaka-ate nilang lahat si Yeng, kaya siguro siya ang unang nagtanghal sa guests ng Calista. Kita mong hasa si Yeng sa pagpe-perform at malakas ang hatak sa mga tao.

Ang husay-husay kumadyot ni Ken, at bigay na bigay si AC sa pagkendeng-kendeng.

Tumangkad na si Darren at hindi matatawaran ang kanyang star value.

Nakaka-touch ang pagpapakitang-gilas ni Elmo, lalo pa’t ang Vax To Normal concert ay pagpupugay sa frontliners ng COVID-19 pandemic.

Takaw-pansin ang payanig na mensahe ni Andrea sa Gen Z, “Vote wisely!” Pink ang suot ni Andrea, at pahiwatig na iyon ng kanyang paninindigan sa nalalapit na halalan.
May mga natuwa at pumalakpak kay Andrea. Meron ding nagpuyos ang kalooban at napahiyaw, “Gagah!”

Siyanga pala, pagkatapos ng Vax To Normal ay nagkaroon ng presscon ang Calista doon mismo sa Big Dome. Ibinalita nilang naghahanda na sila para sa kanilang follow-up concert.
GORGY RULA
Impressive ang production at talagang ginastusan nang bonggang-bongga ang concert ng Calista.
Originally ay naka-schedule ito ng March 8, pero hindi pa bumababa ang COVID cases nung panahong yun at marami pang restrictions. Kaya ginawa na lang media launch ang unang date kasama si Billy Crawford na isa sana sa special guests sa concert.
Hindi lang pumuwede si Billy sa bagong schedule na April 26, kaya nabago ang line-up ng special guests. Mabuti at pumuwede naman sina Darren, Yeng, Elmo, AC, Ken, at Andrea.
Bukod sa mga kasunod na concert dito sa bansa, balak din ng Merlion Productions at TEAM ni Tyronne Escalante na magkaroon ng world tour, at may inaayos na raw sa Amerika at London.
Napaka-promising nitong all-girl group na Calista, na nakakatuwa rin ang pagiging disiplinado ng lahat na mga miyembro.
Twelve hours a day ang pagsasanay nila ng vocals and dancing skills kasama ang coaching team, mula 8:00a.m. am hanggang 8:00 p.m.
Sa grupo raw talaga sila naka-focus at walang panahon para pansinin ang mga umaaligid sa kanila.
Mapapanood ang kabuuan ng Vax to Normal concert ng Calista sa darating na Linggo, Mayo 1 ng 9:00 p.m., sa TV 5.
NOEL FERRER
Congratulations and good luck sa follow-up concert ng Calista. Very BTS at K-Pop group ang levels ng hype and buzz, ha!
All the best on your next moves. Sana nga, you have what it takes to stay long in our industry!
