GORGY RULA
Hindi na nagsalita si Annabelle Rama tungkol sa development ng kasong isinampa niya laban kay Jayke Joson.
Kahapon, April 27, 2022, inulat ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang desisyon ng Quezon City Prosecutor's Office na kasuhan ng cyber libel si Jayke.
Read: Manny Pacquiao ex-aide Jayke Joson charged with cyber libel in word war with Annabelle Rama
Si Jayke ay dating longtime personal aide ni Senator Manny Pacquiao, pero nagkalamat ang pagkakaibigan ng dalawa dahil sa isyung may kinalaman umano sa pera.
Si Annabelle ay kilalang supporter ni Pacquiao. Nakasagutan niya si Jayke nang ipagtanggol ang senador sa mga alegasyon ni Jayke.
Nakausap ng PEP Troika ang abogado ni Annabelle na si Maggie Abraham-Garduque nitong Abril 28, 2022, Huwebes.
Ayon sa abogada, abala si Annabelle sa pangangampanya kay Senator Manny Pacquiao.
"In-inform namin sa kanya. Sabi lang naman ni Tita Annabelle na parang she’s willing to attend in every hearing.
"Kung ano yung ipapatawag siya ng korte regarding that, she will go with the procedure, and she will respect whatever will be the decision that will be issued by the court.
"Ipa-follow niya lahat na mga procedure, makiki-cooperate siya kung kailan siya kailangan sa korte," pahayag ni Atty. Garduque.
Nilinaw rin ng abogada sa amin na ang kasong cyber libel na isinampa ni Annabelle laban kay Jayke ang umakyat sa korte; pero ang isinampang kaso ni Jayke laban kay Annabelle sa Las Piñas Prosecutor's Office ay wala pang resolusyon.
Halos magkasabay silang nagsampa ng parehong reklamo laban sa isa't isa. Pero naunang nadesisyunan ng City Prosecutor ng Quezon City ang kay Annabelle dahil idinaan pa ni Jayke sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang reklamo.
Dagdag na paliwanag ng legal counsel ni Annabelle, "Nag-file kasi si Jayke sa NBI. Hindi niya diniretso sa fiscal. Kami, nag-file kami ng October, pero diretso kami sa Office of the Prosecutor, sa Quezon City.
"Nag-file si Jayke ng case against Tita Annabelle sa Office of the City Prosecutor through the NBI, January 31 na. So, nauna kami sa QC. So, mas nauna kami sa resolution yung sa amin.
"Yung sa Las Piñas yung kay Jayke, wala pang resolution."
Read: NBI subpoenas Annabelle Rama for cyber libel complaint filed by Jayke Joson
Ipinaliwanag pa Atty. Garduque ang proseso ng pagtakbo ng kaso sa korte.
Nang isinumite raw ang complaint sa Quezon City Prosecutor’s Office, Annabelle Rama versus Jayke Joson pa ito. Pero ngayong iaakyat na ito sa Quezon City Regional Trial Court (RTC), magiging People of the Philippines versus Jayke Joson na ito.
"Iaakyat na sa korte yung case ni Tita Annabelle against Jayke. So, magiging People of the Philippines against Jayke Joson na yun.
"Dadalhin yung case sa Clerk of Court ng RTC, ira-raffle siya kung saang branch sa Quezon City yun mapupunta. So, yun ang hinihintay namin.
"After malaman kung saang branch, yung branch ng RTC na yun ang mag-i-issue ng warrant of arrest.
"Bailable naman yung offense. So, kailangan, pagka-issue ng warrant of arrest, makapagpiyansa agad si Jayke Joson dun sa amount na naka-state," sabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque.
NOEL FERRER
Umabot talaga sa ganito ang sitwasyon ng mga taong minsan ay naging napakalapit kay Manny Pacquiao.
Pagkatapos kayang mahimasmasan ang lahat ay magkasorihan at makapagtawaran din sa huli?
O kung dadaan pa sila ng prosesong legal, ubusan ba ito ng pera—saan naman kaya hahantong ang lahat? Ang lungkot lang kapag hindi sila nagkaayos.
JERRY OLEA
Nakipag-ugnayan ang PEP Troika sa ilang taong malapit kay Jayke para hingan ng reaksiyon, pero matagal-tagal na raw silang walang contact dahil sa nagpalit ito ng cell phone.
Open ang PEP Troika upang ilathala ang panig ni Jayke sa usaping ito.
