GORGY RULA
Isa si Lorna Tolentino sa cast ng FPJ’s Ang Probinsyano na nagustuhan ang Ilocos Sur, kung saan sila nagla-lock-in taping, kaya napabili siya roon ng property.
“Lupa lang… maliit na lupa lang,” pakli ni Lorna nang nakatsikahan namin sa DZRH nung nakaraang Lunes, April 25, 2022.
Wala naman daw balak manirahan sa Ilocos ang premyadong aktres. Pero ipinasok daw niya iyon sa time sharing para kahit paano ay mapagkakitaan niya.
Lahad ni Lorna, “Naka-time sharing ko dun sa kung saan kami… naka-time sharing pag nandun kami.
“Yung parang puwede mo siyang parenta… kasi parang resort. Puwede mo siyang parenta yung unit mo. Part siya ng resort.
"Maliit lang talaga. Ipapasok dun sa time sharing ng resort.
“Ang meron dun sa resort, ang mga artists din na iba pa. Sina BenCab [Ben Cabrera], sina Baldemor… meron silang pinapa-rent dun.
“Meron dun sina Mayor Joy [Belmonte], sina Bingbong [Crisologo].”
Mayroon na rin daw nabiling property doon si Coco Martin. Hindi lang daw alam ni Lorna kung gaano ito kalaki.
Feeling ni Lorna ay Ilokana na rin siya kaya nag-aaral na siyang magsalita ng Ilokano.
Ang dami na niyang naging kaibigan doon at kinuha pa siyang mag-endorse ng Ilokano Ako Party-list. Pero wala raw siyang balak pasukin ang pulitika dahil hindi raw niya ito linya.
“Hindi talaga ako puwede sa pulitika. Kasi, alam mo naman yun, e, kung hindi o puwede ka sa pulitika. Showbiz ang aking talagang career,” sabi pa ng aktres.
JERRY OLEA
Babalik sa lock-in taping ang FPJ’s Ang Probinsyano pagkatapos ng eleksyon.
Hindi alam ni Lorna kung yun na ba ang ending, at kung totoong ang Darna na ang ipapalit. Marami na raw sa characters ng FPJ’s Ang Probinsyano ang tinapos na.
“Unti-unti nang lumiliit ang mga cast of characters. Parang pakonti na nang pakonti,” sabi ni Lorna.
NOEL FERRER
Sabi pa ni Lorna, mas naging close na silang mga artista ng FPJ’s Ang Probinsyano dahil nasa isang hotel/resort na silang lahat nakatira. Kaya nagkikita sila kapag walang trabaho, at may time na raw silang mag-bonding.
“Nagkikita-kita kami pag day off, tapos pupunta sa isang villa. Tapos magkakasama kaming lahat, wala namang problema,” kuwento ni Lorna.
“Para lang to unwind, kasi minsan masyado na kaming na-stress na ang tagal na rin namin dun. Kailangan na rin naming mag-unwind kahit isang araw man lang.”
