JERRY OLEA
Masarap ang bawal, at lalo mong nalalasap ang linamnam kung naililihim ito. Batid mo kung bakit iyon bawal, pero kung sadyang marupok ka ay nagpapadala ka sa tukso.
Sa lock-in taping ng isang TV series, naging katropa ng hunk actor ang ilang talent o ekstra na nakakaeksena. The day before ng last taping day ng hunk actor sa first cycle ng lock-in taping, nakipag-inuman ang hunk actor sa mga talent.
Mahigpit ang patakarang bawal mag-inuman sa lock-in taping, pero binalewala iyon ng hunk actor at mga talent na tila lubhang nananabik na maglasingan. Nagkakasiyahan nang lubos ang grupo nang matawag nila ang pansin ng security officers.
Agad na isinumbong ng security officers sa namamahala ng produksiyon ang paglabag ng hunk actor at mga talent sa mahigpit na alituntunin. Nakarating iyon sa kaalaman ng iba pang mga artista.
Kahit may mga eksenang dapat kunan sa hunk actor kinabukasan, pinauwi na ito ng mga taga-production. Iyong mga talent na sangkot ay pinaalis na rin.
Nakarating siyempre sa management ang pangyayari. Ni-revise ang script, at pinalipas ang isang linggo bago pinabalik ang hunk actor sa first cycle ng lock-in taping.
Iyong mga talent ay hindi na pinabalik, at nakalagay na sa blacklist. Hindi na sila puwedeng magtrabaho muli sa network.
Panay ang sorry ng hunk actor sa mga kapwa artista nang magbalik siya sa lock-in taping. Tinanggap siyempre ng co-stars ang paghingi ng paumanhin ng hunk actor, dahil alam nilang may kaukulang parusa rito.
Sa ni-revise na script, dalawang eksena na lang ang kukunan sa hunk actor. At sa second cycle ng lock-in taping na nakatakda matapos ang halalan, ligwak na ang hunk actor na pasaway.
Huwag na kayong magtaka kung maging frozen delight ang career ng hunk actor na twentysomething.
GORGY RULA
Ang daming artistang walang trabaho dahil sa pandemya kaya suwerte mo kung napapasama ka sa isang project.
Dapat mag-behave. Dahil kung may attitude, matatagalan pa bago ka mabigyan ng panibagong project.
Kailangan pa naman nitong hunk actor ng sunud-sunod na trabaho para sa kanyang pamilya.
Hindi na bago ang ganitong kuwento, kaya dapat talagang matuto at disiplinahin ang sarili dahil ang hirap makakuha ng trabaho ngayon.
Hindi maiwasang maburyong sa halos isang buwang naka-lock in sa isang lugar. Pero isipin mo rin sana na maaaring ganun din ang nararamdaman ng ibang kasamahan, pero nagtitiis sila dahil trabaho ito.
Ang masaklap pa rito, dahil sa ginawa mong mali, may nadadamay ka pang ibang kasamahan na nawalan din ng trabaho.
NOEL FERRER
Sayang. Sayang na sayang.
Kasi, hindi lang husay ang nagma-matter sa ganitong mga trabaho. Discipline plays a big role talaga.
Kaya naman pala kahit nanalo na ng award ang hunk actor na ito, na nahirapan nang umangat ang career, ay may kakulangan sa disiplina.
Magsilbi sana itong leksiyon sa lahat. Sayang.
