JERRY OLEA
$411M agad ang worldwide gross ng pelikulang Doctor Strange in the Multiverse of Madness sa unang weekend nito. Naka-$187M ito sa North America, at $224M naman sa international market.
Read: Doctor Strange in the Multiverse of Madness, mas tinangkilik kaysa sa Pinoy films?
Pumuwesto agad ito bilang third highest-grossing film ng 2022. Ang #1 so far ay The Batman na $767M ang worldwide gross mula nang ipalabas noong unang linggo ng Marso.
Pangalawa naman ang Chinese epic war film na Water Gate Bridge also known as The Battle at Lake Changjin II.
Ini-release ito noon pang Pebrero 1, Chinese New Year. Siguradong mauungusan eventually ng pelikula nina Dr. Stephen Strange (Benedict Cumberbatch) at Wanda Maximoff/Scarlet Witch (Elizabeth Olsen) ang Batman movie ni Robert Pattinson.
Positibo ang karamihan sa reviews ng mga kritiko sa Doctor Strange in the Multiverse of Madness.
Pinuri ang direksiyon ni Sam Raimi, maging ang visual effects, musical score, at pagganap ng mga artista, partikula kina Benedict Cumberbatch, Elizabeth Olsen, at Xochitl Gomez (gumanap bilang America Chavez).
NOEL FERRER
Buti na lang at maganda-ganda rin naman ang reception ng Pinoy moviegoers sa Doctor Strange in the Multiverse of Madness.
Sana, may mas malakas pang pelikulang papatok para magbigay-daan sa kakaibang uri ng pagkukuwento!
GORGY RULA
Kainitan ng election fever nang mag-showing sa Pilipinas itong Doctor Strange in the Multiverse of Madness umpisa noong Mayo 4, Miyerkules.
Siyempre pa, mas pinag-usapan sa bansa ang mga kaganapan sa halalan kesa sa nasabing Hollywood blockbuster.
Kasagsagan ng paglabas ng partial and unofficial results ng eleksyon, saka naman nag-debut ang isang trailer ng pelikulang Avatar: The Way of Water ni Direk James Cameron.
Sa Disyembre 16, 2022 ito nakatakdang ipalabas. Naku! Malamang na sa Enero 2023 pa ito mag-showing sa Pilipinas dahil sa Metro Manila Film Festival (Disyembre 25-Enero 7).
Iyong Spider-Man: No Way Home ay Disyembre 17, 2021 nagsimulang ipalabas sa US, at Enero 8, 2022 pa naipalabas sa mga sinehan ng Pilipinas.
Ang epic sci-fi film na Avatar ay noong Disyembre 18, 2009 naman nag-showing sa Amerika.
Umabot sa $2.847B ang worldwide gross ng Avatar, ang nangunguna pa rin sa talaan ng all-time highest grossing films worldwide.
