JERRY OLEA
Nag-live streaming ang World Gameboys Day 2022: Hanggang Sa Huli… Hanggang Sa Muli nitong Mayo 22, Linggo ng 5:00-7:00 p.m., sa Facebook page at YouTube channel ng The IdeaFirst Company.
Pinangunahan ito nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos, kasama sina Adrianna So, Kych Minemoto, Miggy Jimenez, Alex Diaz, at Paolo Pangilinan.
Sunday, 8:00 p.m., naman nag-umpisa ang streaming ng first two episodes ng Gameboys Season 2 (GBS2) sa KTX at Vivamax Plus.
Walong episodes ang GBS2, at tuwing Linggo ay dalawang bagong episode nito ang ipapalabas. P99 ang halaga ng bawat episode sa Vivamax Plus, samantalang P699 ang season pass sa KTX.
“Hi, Lovebirds” ang title ng unang episode, “Work In Progress” yung pangalawa, “Feel At Home” ang pangatlo, at “A Welcome Surprise” ang pang-apat.
Noong Hulyo 30, 2021 pa ipinalabas ang Gameboys The Movie.
Read: Elijah Canlas, Kokoy de Santos "mas mararamdaman yung lovemaking scenes" in Gameboys S2
Nabuo ang pelikula mula sa Season 2 ng nasabing Pinoy BL series na idinirek ni Ivan Andrew Payawal, at prinodyus ng The IdeaFirst Company nina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan.
Waley sa 2nd World Gameboys Day si Kyle Velino na gumanap bilang Terrence. Nasa basketball game kasi ito ng Star Magic 30 All-Star Games sa Araneta Coliseum, Cubao, Quezon City.
BBM supporter ang dugong-Ilokano na si Kyle, samantalang Kakampink ang EliKoy.
Iyong ipinadala naming tanong kung mag-a-abroad ba si Kokoy ay “nasagot” sa huling pitong minuto ng livestream.
Sabi ni Elijah habang nakatingin sa katabing si Kokoy, “Alam mo, World Gameboys Day ngayon, pero ang tagal kitang hindi nakita at after nito, matagal-tagal ulit tayong hindi magkakasama. Matagal-tagal tayong hindi magkikita.”
“Kasi, lock-in ka,” sambit ni Kokoy.
“Lock-in ka. Ikaw, ang dami mong ganap. Naku! At mapapalayo ka talaga sa akin!” bulalas ni Elijah sabay hawak sa balikat ni Kokoy.
“Alam mo na, para sa future,” napangiting pakli ni Kokoy, at nag-holding hands sila ni Elijah.
“Oo naman, para sa future,” pag-ayon ni Elijah, “para sa future, pero mapapalayo ka sa aming lahat! Mami-miss kita!”
Hirit ni Kokoy patungkol sa horror thriller ni Elijah, “Wild ng LiveScream!”
Napahalakhak si Elijah at ang sambit ni Kokoy, “Hayup ka! Kaya pala!”
Pagdidiin pa ni Elijah, “Sabi ko, mami-miss kita!” na agad sinagot ni Kokoy ng, “Mami-miss din kita!”
“Bakit hindi mo ako pinapansin?” himutok ni Elijah na may himig-pagtatampo at tila gustong magpalambing.
“Mag-reply ka kasi!” talak ni Kokoy.
Napayuko si Elijah, “Hindi ako marunong mag-reply, e. Pero magkakalayo nga tayo at magiging busy tayo sa kani-kanya nating mga endeavors.”
Ilang ulit pang sinabi nina Elijah at Kokoy na nami-miss nila ang isa’t isa. Pagmamatuwid ni Kokoy sabay tampal kay Elijah, sinasabi niya iyon kahit walang kamera.
Nagbigayan ng pulseras sina Elijah at Kokoy.
“Para hindi mo ako makalimutan, lagi mo akong matandaan,” katuwiran ni Elijah.
Kilig-kiligan si Kokoy, “Ang sweet-sweet naman!”
GORGY RULA
Isa ako sa napakaraming fans ng Gameboys na sumusubaybay ng kuwento nina Cairo at Gavreel (CaiReel).
Pinaghahandaan kong magwawakas din ang kanilang kuwento. Hindi lang natin alam kung magkaka-Season 3 kaya i-enjoy na natin itong Season 2.
Medyo nalungkot sila nang tinanong ko kung pinaghahandaan na ba nila ang ending ng kanilang kuwento kung sakali.
Sabi ni Elijah, “Ang dami pa talagang ipapakita ng Gameboys na dito mapapanood sa Season 2.
“Hindi ko pa alam kung ano ang magiging ending ng kuwento nina Gavreel and Cairo, nasa Season 2 pa tayo, meron pang eventual stories na lalabas ng the whole Gameboys family.
“Ako, feeling ko, deserved ng lahat ng happy ending.”
Sabi naman ni Kokoy, “Parang mas gusto ko namang happy lang, walang ending.”
Siyempre, minahal natin sina Gavreel at Cairo, pero tanggapin na rin nating kailangan na ring harapin nina Elijah at Kokoy ang kani-kanyang career.
Natutuwa ako kay Kokoy na napansin siya ng mga taga-GMA 7 at magaganda ang projects na ibinibigay sa kanya. Mukhang gagawin talaga siyang big star ng Kapuso network, dahil may talent siya at walang attitude sa trabaho.
Si Elijah naman ay magaganda rin ang mga pelikulang ginagawa. Pero sana, mabigyan din siya ng magandang drama series, dahil isa rin siya sa pinakamagaling na artista sa kanyang henerasyon.
NOEL FERRER
Maganda yung sinabi nilang, “Sana happy lang, walang ending.”
Bilang isa sa mga tagahanga ng Gameboys at paano naging phenomenal ito sa gitna ng ating pandemya, alam kong marami pang possibilities na mangyayari sa mga tauhan sa kuwento.
Alam ba ninyong habang umuusad ang kuwento nila ay inaabangan ko rin ang mga concerns at development ng creators nito, pati na ang ongoing life/love story ng mga kaibigan nating Direks Jun at Perci.
Pero maganda ring umuunlad sina Kokoy at Elijah bilang mga artists on their own.
Tama, si Kokoy, nalilinya sa fun and comedy sa GMA shows, samantalang si Elijah naman na may Mrs Piggy sa iWantTFC ay meron ding napipintong series with a big star sa TV5 —maliban sa mga exciting na pelikula.
Ang maganda, kaabang-abang lahat ng mga ginagawa nina Kokoy at Elijah. Kasi, habang sumisikat sila, gumagaling pa, at bumabait pang lalo.
Nasa kanila talaga ang suporta natin!
JERRY OLEA
Walang audio sa YouTube ang trailer ng pelikulang Pa-Thirsty na tatlong beses ipinasilip sa live streaming ng 2nd World Gameboys Day.
Ipapalabas iyon sa Hunyo 1 sa Vivamax Plus, at ang kuwento niyon ay bahagi ng Gameboys Universe.
Bida roon sina Adrianna So, Kych Minemoto, at Alex Diaz.
Si Alex ay naka-partner ni Kokoy sa Pinoy BL series na Oh, Mando!, kung saan bida rin si Barbie Imperial, sa direksiyon ng namayapang si Eduardo “Edong” Roy Jr.
Si Direk Edong ang nagdirek ng Cinemalaya 2019 film na Fuccbois na pinagbidahan nina Royce Cabrera at Kokoy, kasama sina Ricky Davao at Yayo Aguila.
Naunang mag-shoot ang Oh, Mando! noong Marso 2020. Natigil ang shooting nito nang magdeklara ng lockdown o quarantine. Saka pa lang inumpisahan ng The IdeaFirst Company ang Gameboys.
Nakabalik si Kokoy sa set ng Oh, Mando matapos i-shoot ang Episode 10 ng Gameboys, di ba?
Na-promote din sa World Gameboys Day 2022 ang pelikula nina Miggy Jimenez at Paolo Pangilinan, sa direksiyon ni Ivan Andrew Payawal. Bida si Paolo Pangilinan sa Pinoy BL series na Gaya Sa Pelikula, katambal si Ian Pangilinan.
Nagkaisyu si Paolo sa writer ng Gaya Sa Pelikula na si Juan Miguel Severo kaya naudlot ang second season niyon.
Siyempre, na-promote din sa nasabing Gameboys event ang forthcoming movies ni Kokoy na Amoral at Death by Desire, maging ang movie ni Elijah na LiveScream.
