GORGY RULA
Isa sa mga bagong mukha na ipinakilala sa grand launch ng AQ Prime Stream noong Hunyo 4 ay ang 23-year-old Fil-Jap beauty na si Yana Fuentes.

Mukhang siya ang ipantatapat ng AQ Prime Entertainment sa mga sexy stars ng Vivamax, pero tumatanggi si Yana, dahil ngayon pa lang ay sinasabi na niyang hindi niya kaya ang paghuhubad na ginagawa nina AJ Raval, Angeli Khang, Ayanna Misola, Christine Bermas, Janelle Tee, Jela Cuenca, Denise Esteban at iba pa.

Nakilala raw niya at napanood daw niya ang ilang pelikula ni AJ, at sinasabi ni Yana na hindi niya ito kayang tapatan.
“Ako naman, iba po yung laban ko,” napapangiting pakli ni Yana.
“I think for me, I’m more on drama, more on action. Iyun po yung gusto kong mangyari sa career ko.”
Magsisimula pa lang itong bagong streaming app na AQ Prime Stream, pero may tatlong pelikula nang natapos si Yana.
Kasama siya sa pelikulang Kulay Pula Ang Gabi with Aljur Abrenica, Anatomiya with Teejay Marquez, at Loser-1 Suckers-0 with Ara Mina. Marami raw siyang natutunan sa co-stars na nauna sa industriya.
“Nag-acting workshop naman po ako bago mag-start ang shoot. Nung una po, medyo kinabahan ako.
“Nag-enjoy naman ako, at dun naman ako natuto nang konti. Dun na po ako natuto sa shooting talaga.
“Pero I think, kung meron man pong space for improvement. I want to learn more pagdating po sa acting,” saad ni Yana.
Okay lang sa kanya ang kissing scene, pero hindi raw talaga siya maghuhubad kagaya ng Vivamax sexy stars.
“I think we’re totally different po, kasi hindi talaga ako magpa-sexy. Hindi talaga. Iba po yung gusto kong gawin dito sa AQ Prime,” saad ni Yana.
JERRY OLEA
Marso 17, 2022 pumirma ng kontrata si Yana sa AQ Prime Stream.

Tatlong pelikula agad ang natapos niya, at may mga kasunod nang project na naka-line up.
Super-happy siyempre si Yana sa mga blessing na natatanggap niya.
Fifteen years na nanirahan sa Japan si Yana.
Kuwento ng dalaga, “Pagkatapos po ng studies ko, sumali ako sa Miss Universe Japan noong 2020, kung saan naging second runner-up ako.
“Sasama po sana ako sa Miss Charmed International as Miss Japan, kaya lang na-postpone po ang pageant.
“Nag-model po ako sa Japan, pero dahil nagka-pandemic, wala po masyadong modeling jobs doon.
“Nag-medical clerk po ako sa Japan para makatulong.
“And then, yung puso ko po talaga, nasa Philippines. So, bumalik po ako dito sa Pilipinas.”
Maraming hubadera sa AQ Prime sa pangunguna ni Krista Miller.
Ang puwede sigurong tapatan ni Yana ay ang beauty queens ng Vivamax na sina Ariella Arida, Cindy Miranda at Kylie Versoza na limitado ang pagbibilad ng alindog.
Ang mga pelikulang bet gawin ni Yana ay horror, thriller, love story at action.
Ok na kay Yana na maging pa-tweetums dahil ganoon daw siya sa totoong buhay.
Hapon ang ama ni Yana. Pinay ang kanyang ina, na tubong-Montalban, Rizal. Fluent siyang mag-Japanese, pero hindi niya tinalikdan ang pagta-Tagalog.
“Sa bahay po namin sa Japan, si Mama, Tagalog siya. At saka gusto ko talagang manood ng mga Filipino movies, Filipino dramas,” lahad ni Yana.
“Kaya hindi ko nakalimutan yung Tagalog.”
Ang mga paboritong artista ni Yana ay sina Angel Locsin, Kim Chiu at Kathryn Bernardo. Ang showbiz crush niya ay si James Reid.
NOEL FERRER
Big star pala ng AQ Prime Stream si Krista Miller kaya naatasan rin siyang maghandog ng awit sa naturang launch.
Sana nga ay mawala na ang kinakabit na reputasyon kay Krista noong una siyang sumabak sa industriya kapag napanood na siya sa projects niyang Upuan, Bingwit at Amazona.
Good luck, Krista, Yana at sa iba pang bituin ng AQ Prime Stream!
