GORGY RULA
Naka-focus ngayon sa film distribution and production ang kilalang Korean TV host and disc jockey na si Grace Lee.
Siya ang CEO ng Glimmer Inc., ang nag-distribute ng The Roundup, isang Korean action-comedy film na nag-hit sa South Korea.
Sa Miyerkules, June 22, 2022, na ang showing sa Pilipinas ng naturang pelikula na pinagbibidahan nina Don Lee (Eternals) at Son Suk Ku (My Liberation Notes).
Ipinalabas ang The Roundup sa South Korea noong May 18. Nag-hit ito at umabot na ng 10 million moviegoers.
Masaya si Grace na nakuha nila ang distribution nito sa Pilipinas. May mga kasunod pa raw silang idi-distribute na Korean films at may ipu-produce din sila na isu-shoot dito sa ating bansa.
Saad ni Grace, “We’re producing some original Filipino movies, but the Filipino movies we’re doing here will be co-production with Korea.
“Gusto kong ipakita ang ganda ng Pilipinas at ang talento ng mga Pinoy kaya may mga proyekto din kami coming out.
“Pero when it comes to movie distribution, ito [The Roundup] yung kauna-unahan at meron pa itong kasunod sa August. Meron din sa December. Abangan niyo 'yan.”
Ayon pa kay Grace, may mga na-produce na sila noong series sa South Korea, pero itong film production ang pursigido silang ituloy. Gusto raw talaga ng Korean producer nilang iba naman ang ipapakita sa susunod nilang projects, at talagang pinu-push ni Grace na gumawa rito sa Pilipinas.
“Siyempre sa dami ng mga Korean titles na lumalabas, whether it’s K-pop, K-drama or movies, naghahanap sila ng bagong atmosphere, bagong background, kung saan puwedeng ipakita ang ganda ng isang bansa.
"At lagi kong kinu-convince ang mga Korean producers na mag-shoot dito sa Philippines, kasi ang ganda ng bansa natin at talentong Pinoy talaga,” sabi ni Grace.
Miyerkules, June 22, na ang showing ng The Roundup. Sana tangkilikin daw ito dahil marami pa silang kasunod na projects ng Glimmer Inc.
“Sana, tuluy-tuloy na. This is our first project. So, we really ask our kababayan to support this para tuluy-tuloy na rin ang mga movies na ipakita dito dahil ang mga producers sa Korea ngayon, they’re really looking at this project how this is going to be in the Philippines,” pahayag ni Grace.
NOEL FERRER
Tinanong din si Grace Lee tungkol sa kalagayan ni Kris Aquino na naging kaibigan naman niya noon.
Sagot niya, “Like everyone else, 'no, when you hear of people, whether you know them or not, who are sick, of course all you can do really is to pray for them, and pray that God gives them comfort.
“She’s a very strong woman, and I’m sure we will soon see her back to work again, and I pray that with the rest of the Filipino people.”
I’m sure, isasama na rin ni Grace Lee sa mga dasal niya ang first death anniversary ng minsang naging boyfriend niyang si former President Noynoy Aquino.
JERRY OLEA
Tangkilikin natin ang sariling atin!
Sabay-sabay ang showing ng mga pelikulang Ngayon Kaya, Elvis, Jujutsu Kaisen 0, at The Roundup this June 22, Wednesday, sa local cinemas.
Hindi ko hihikayatin ang Pinoy moviegoers na unahin ang South Korean film na The Roundup. Inaasam ko na i-prioritize ng Pinoy moviegoers ang Ngayon Kaya nina Paulo Avelino at Janine Gutierrez.
Itong Ngayon Kaya ang unang Pinoy film na marami-rami ang sinehang pagpapalabasan ngayong 2022.
Kaya utang na loob! Sana’y ito munang Ngayon Kaya ang panoorin ng mga Pilipino bago ang American musical drama na Elvis, ang Japanese animated film na Jujutsu Kaisen 0, o iyang South Korean film na ipinagmamalaki ni Grace Lee!!!
