GORGY RULA
Nasa South Korea na si Ruru Madrid para sa taping ng Running Man Philippines, kaya hindi nito personal na mapu-promote ang bagong adventure-serye niyang Lolong.
Magsisimula ang Lolong sa GMA Telebabad sa Hulyo 4, 2022, Lunes.
Pero nakapag-tape na ang Kapuso hunk sa All-Out Sundays na mapapanood sa Linggo, Hulyo 3.
Sa halip na si Ruru ang mag-iikot para mag-promote, ang 22-footer animatronic crocodile na pinangalanan nilang Dakila ang rumampa sa Kamaynilaan at ilang bahagi ng NCR.
Pinagkaguluhan ang malaking buwayang nakasakay sa isang truck habang nakatali at nakapiring.
Nag-viral ito matapos mag-upload ng videos at photos ang mga motorista at bystander na nakakita sa dambuhalang buwaya.
Akala nila ay totoong buwaya talaga, pero nalaman nila bandang huli na si Dakila pala ito, ang kaibigan ni Ruru sa Lolong.

Bukod kay Dakila, very cooperative ang co-stars ni Ruru na naka-bonding niya sa buong lock-in taping.
Ang daming pinagdaanang struggle ng Lolong bago nila ito nabuo, at nagpapasalamat si Ruru dahil nalagpasan nila ito dahil na rin sa suporta ng mga co-actors niya.
“Dahil po sa kanilang lahat na katabi ko dito. Dahil po sa bumuo ng produksiyon, sa mga tao na bumubuo po ng show na ito. Sila po ang dahilan kung bakit hindi ako sumuko.
“Sa kabila ng mga challenges at mga problema na pinagdaanan namin sa show na ito, sila po ang nagsisilbing inspirasyon ko para matapos ang programa na ito, dahil nakita ko yung pagmamahal ng bawat isa sa show na ito.
"Walang sumuko, walang umayaw… kumbaga, lahat lumaban. Kaya anong karapatan ko para sumuko, kundi dapat na lumaban pa rin ako,” pahayag ni Ruru sa nakaraang mediacon ng Lolong.
NOEL FERRER
Mula sa paborito nating Kapuso na si Ruru, “Sobrang mahirap po sa akin ang pagiging leader. Kung ano po ang sabihin sa akin, gagawin ko lang.
“Kung ano po ang gagawin sa akin, susundin ko lang. Pero dito sa Lolong, kinausap din ako ni Direk Rommel na, ‘Ru, kailangan ikaw ang magsi-set sa inyo sa cast kung ano ba ang dapat gawin namin dito.’
“So, bawat isa po sa kanila, nakausap ko ho sila one by one, kung may problema po sa isang cast, as in nagpi-PM po ako, e. Tatawagan ko sila, kung ano ba yung problema para po maging maayos.
“Kausapin ko po ang prod, ganito, ganyan. Kapag may problema po ang prod, kakusapin ko rin sila.
“Ganun po ang naging sikreto ng show na ito, e, yung pagmamahal ng bawat isa dito sa show na ito.
“Sobrang mapalad ako, sobrang suwerte ko na sila ang nakasama ko dito, dahil hindi po naging mahirap po for me.”
Sa Lunes na ang simula ng kanyang seryeng Lolong sa primetime. At heto, abala na siya sa susunod niyang proyekto.
JERRY OLEA
Kumusta kaya ang working relationship ni Ruru with Arra San Agustin sa Lolong? Mag-ex sila, di ba?
Namukadkad ang pagtitinginan nila sa reboot ng Encantadia (Hulyo 2016-Mayo 2017), sa aking pagkakatanda.
Inabot ng 'sandamukal na aberya ang Lolong.
Iyong kuwento nito ay swak na swak sa panahon ng kampanya sa eleksyon. Sapul dito ang mga ganid at buwaya sa gobyerno.
Iginuhit ba ng tadhana na mag-umpisa ang pag-ere ng Lolong kung kailan kauupo pa lamang ng ika-17 Presidente ng Republika ng Pilipinas?
Ipinagdiriwang pa ba natin ang Hulyo 4 bilang Philippine-American Friendship Day?
Ang huling project na pinagbidahan ni Ruru ay ang pelikulang Cara x Jagger (2019) na pinagtambalan nila ni Jasmine Curtis-Smith. Nakakapanlumo ang sinapit nito sa takilya.
Nawa’y makapantay man lang ang Lolong sa TV ratings ng papalitan nitong First Lady. Huwag sana itong ngatngatin ng FPJ’s Ang Probinsyano!
