GORGY RULA
Pinag-uusapan pala itong pagbabalikan ng kilalang pulitiko at ng kanyang asawa.
Sa mga malalapit na kaibigan at ilang taong nakakakilala sa kanila, alam nila ang kuwento tungkol sa paghihiwalay ni pulitiko at ng kanyang misis.
Alam nilang hindi babae ang dahilan ng hiwalayan kundi lalaki. Nadiskubre pala ni misis ang relasyon ni pulitiko at ng makisig niyang bodyguard.
Kaya nakipaghiwalay na ito, at nakipagrelasyon na rin daw sa iba. Pero hindi ito kumpirmado, kundi haka-haka lang dahil hindi na ganoon ka-visible si misis sa mga lakad ng pulitiko.
Pero nitong katatapos lang na eleksyon, pinalad na nanalo si pulitiko at kailangan makita ng constituents na buo pa rin ang pamilya at nandiyan si wifey na all-out ang suporta sa kanya.
Pinakiusapan daw ni pulitiko si misis na magkabalikan sila. Kung papayag ba itong for public appearance lang si misis. Pero magkahiwalay pa rin sila.
Tuloy pa rin ang relasyon ni pulitiko at ni bodyguard, at si misis ay malayang makipagrelasyon sa iba.
Sa totoo lang, may ilang pulitikong ganun din ang set-up. Kaya hindi na ito bago.
Pumayag daw si misis sa alok ni pulitiko. Pero may kondisyon.
Hahayaan daw siyang makialam sa mga trabaho ni pulitiko sa kinasasakupan niya.
Napilitang pumayag si pulitiko dahil natakot din siyang ibulgar ni misis ang totoong kuwento.
Kaya ganun na raw ang set-up nila ngayon.
Sa harap ng publiko mag-asawa sila, kaya madalas na nakikita raw itong si misis sa tanggapan ng pulitiko. Ang desisyon ni misis na raw ang nasusunod at hinahayaan na ito ni pulitiko.
Ang ikinatatakot daw ng mga tauhan nila, baka pagtatanggalin daw sila ni misis para mas ma-control nito ang pamamalakad ni pulitiko sa kanyang tanggapan.
Ewan ko lang kung magtatagal ang ganitong set-up, dahil kumakalat na ang ganitong kuwento tungkol sa kanilang mag-asawa.
Malamang sa alamang mabukelya rin ito lahat at baka lalo pang lumaki ang isyu.
Kung ano man ang nangyayari sa kanilang mag-asawa, sana ay hindi ito makakaapekto sa lugar na pinagsisilbihan nila.
NOEL FERRER
Parang showbiz lang ang pagkakumplikado ng arrangement na ito.
Meron din tayong kilala na ganyan ang set up, di ba, sa mas mataas na puwesto pa nga?
Ang tanong, hindi ba talaga mananalo sa eleksyon ang isang openly gay candidate?
Kailangan pa nga bang itago ni senator, congressman, mayor or kung sinuman ang kanyang pagkatao at minamahal kung iyun talaga ang sinisigaw ng kaniyang puso at puson?
What do you think, mga Ka-Troika?
JERRY OLEA
Hindi bahagi ng showbiz ang nasabing pulitiko. Hindi siya artista.
Pero ang ganitong masalimuot na sitwasyon ay nadalirot na kahit paano sa ilang pelikula at TV drama… lokal man o banyaga.
Naalala ko tuloy ang sinabi ni Oscar Wilde sa sanaysay niyang The Decay of Lying (1889), "Life imitates Art far more than Art imitates Life.”