GORGY RULA
Super-duper bongga talaga ang Family Feud ni Dingdong Dantes!
Minamani-mani na lang nila ang rating na 9 hanggang 11% sa araw-araw na episode nila. Hindi ito nakuha ng mga naunang programa sa timeslot na yun.
Akala nga namin ay mababa ang rating ng July 6, 2022 episode nila dahil bukod sa tinambakan na ito ng commercial loads, may special segment pang "Salamat Shoppee" kaya maaga silang ipinasok.
Naglaro ang sikat pa ring mga bandang The Dawn at Imago, at masaya ang episode na yun kaya tinutukan talaga. Nakakuha ito ng 11% rating.
Ang isa pang magandang balitang hatid ng Family Feud ay magpapapasok na sila ng audience.
Simula sa Biyernes, Hulyo 8, ay may audience nang manonood pero limitado pa rin ang papapasukin sa loob ng studio.
Nakapag-register na ang manonood bukas, kaya sa mga susunod na schedule ng taping, puwede ninyong i-check sa Facebook page at iba pang social media account ng Family Feud kung paano magparehistro.
Mas masaya ito dahil puwede nang makihula sa survey kapag nandoon na kayo sa studio nanonood.
Abangan ngayong hapon ang paglalaro ng dating child stars kalaban si Ice Seguerra kasama ang asawa niyang si Ms. Liza Dino at ibang miyembro ng pamilya nito.
Kung hindi ako nagkamali, ipinakilala pa ni Ice si Madam Liza bilang FDCP chairperson dahil matagal na nila itong nai-tape.
Sobrang naaliw naman ang lahat kay Atong Redillas na mahusay pa rin daw magpatawa. Kaya sinasabi nilang dapat bumalik na si Atong sa pag-aartista dahil kaya nitong pataubin ang ibang kilalang komedyante.
NOEL FERRER
Sa susunod na linggo ay may studio audience na ang episodes na mapapanood natin.
Riot daw ang paglalaro ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon kasama ang kanyang sorority sisters. Kahit magkakaiba sila ng political views, nagkakasundo sila sa paghula ng survey sa Family Feud.
Sinugod daw sila roon sa studio ng iba pang mga abogado mula UP para sumuporta sa kanila.
Maganda ito at iba’t ibang interesting na mga tao ang naalaro, nabibiyayaan at napapasaya ng Family Feud! Sana nga ay magtuluy-tuloy ito!
JERRY OLEA
Iyong timeslot ng Family Feud ay okupado before ng Wowowin: Tutok Para Manalo ni Willie Revillame.
Sakaling bumalik sa ere ang Wowowin ni Willie sa AMBS (Advanced Media Broadcasting System) Network, makikipagbanggaan kaya ito sa Family Feud?
At any rate, masaya na si Dingdong sa tatlong TV program niya na pawang nag-rate — Family Feud, Amazing Earth, at Jose and Maria’s Bonggang Villa. Puno na ang schedule niya.
“Sa ngayon, punung-puno talaga yung ano, literal na Monday to Sunday, meron akong ginagawa, e,” sabi ni Dingdong.
“Sa ngayon, punung-puno talaga yung mga kailangang gawin. Hindi ko pa iniisip kung ano yung masusunod, kasi, hindi pa ito tapos.
“Medyo mahaba-haba pa yung tatakbuhin nito. Kung hanggang kailan na magiging every day ako, hindi ko rin alam. Pero sabi nga, nila di ba, you just make the most out of the cards you are dealt with.
“For me, parang obviously full house yung hawak ko ngayon. So, ang maipapangako ko lang talaga ay gagalingan ko ang paglaro nitong full house na ito.”
Meron din daw binubuong drama series para kay Dingdong, pero next year na raw ito sisimulan.
So, malabo talaga iyong chika na siya ang magho-host if ever ng The Voice Kids!
