GORGY RULA
Kagaya ng ilang artista, nahirapan ding mag-adjust ang Kapuso actor na si Kelvin Miranda sa lock-in taping.

Isa siya sa unang naisalang sa ganitong set-up nang ginawa niya ang The Lost Recipe para sa GTV. Dito siya inilunsad bilang leading man, ka-partner si Mikee Quintos.
Matinding pressure daw ito sa kanya lalo na’t first TV project niya ito na siya ang bida, at iba raw talaga ang dating sa kanya nang na-lock in siya nang matagal.
Sobrang nanibago raw siya sa sampung araw na walang uwian, at bago pa iyan, may sampung araw pang naka-quarantine sa hotel na mag-isa lang siya.
“10 days po yun. 'Tapos, ang dami pong sobrang nangyari nun. 'Tapos, plus pa yung 10 days na quarantine bago kayo mag-lock in na ako lang mag-isa sa hotel.
“Nagawa ko na ang lahat na parang nakausap ko na ang mahalagang tao sa buhay ko, na ang dami kong dinala para malibang ako. Pero iba po talaga yung dating e, nakaka-paranoid,” pahayag ni Kelvin sa press launch ng bagong ini-endorse niyang Kaizen C plus na Vitamin C ng Aqua Skin Philippines.
“Pagkatapos, since po nung nag-start nung Lost Recipe. After po nun, nung lock-in po talaga, sobrang iba po yung dating sa akin.
“Na-pressure pa ako, since first lead ko po, at exposure ko po na ako yung bida.
“So, yung pressure, yung obligation mo bilang artista dun sa show. Sobrang nabigla po ako, na-overwhelm ako, yung sunud-sunod. And then, hindi po ako handa dun. So, ang laki po nung paninibago ko.
“So, paglabas po namin sa lock-in, dun po… as in ako pa rin po yung character. As in, nanaginip po ako lagi ng kung ano yung ginagawa ko, nagluluto ako. 'Tapos, nasa kuwarto na ako, naghahanap pa rin ako ng camera ganun.
“Ang tagal po. Siguro buwan din ang inabot bago ako nakawala dun sa stage na yun. Sobrang naka-affect po,” pag-amin ng Kapuso actor.
Ngayon ay okay na okay na raw siya at nagpapasalamat siyang tuluy-tuloy ang trabaho niya at malaking bagay raw itong may nagtitiwala sa kanyang kumpanya na mag-endorse ng kanilang produkto.

NOEL FERRER
Nakadagdag-stress pa raw kay Kelvin nung nagka-COVID pa siya na iba raw talaga ang dating sa kanya nung panahong iyun.
Kaya humingi na raw siya ng professional help.
“May denial pa ako before, as in. So, hindi ko pa siya agad kinonsulta. Parang tina-try ko pang i-manage sa sarili kong paraan,” kuwento ni Kelvin.
“Hanapin kung ano yung reason kung bakit nagkaganun. Kasi, may mga times na bigla na lang ako nagbi-breakdown. 'Tapos, sumabay pa yung nag-positive ako nung first wave ng COVID. Sobra, nagsabay-sabay po talaga siya.”
Kaya raw niya ibinahagi sa lahat, baka makatulong din daw ito sa ibang kabataan na dumaan sa ganung karanasan.
Malaking bagay raw iyung tanggapin mo sa sarili mo na dumaan ka sa ganitong karamdaman.
“Siguro malaking part sa iyo yung acceptance. Ibinahagi ko siya sa public nung natanggap ko na siya. Kasi, sobrang hirap po talaga matanggap nun.
“Kasi alam ko, aware ako sa ganyan, pero nung ako na ang dumaranas nun, parang hindi ko talaga siya matanggap. Pero ibinahagi ko rin sa public kung ano yung dapat gawin para maiwasan.”
Now that Covid is on the rise again, at marami tayong kilala sa loob man o labas ng ating industriya, sana ibayong ingat pa rin ang ating gawin—para sa ating sarili at mga nakakasalamuha natin.
JERRY OLEA
Sa trabaho, sa pamilya at sa sarili daw muna magpo-focus si Kelvin. Hindi pa raw siya handang pumasok sa isang relasyon dahil aayusin daw muna niya ang kanyang sarili.
“Priority ko po muna yung sarili ko. Kasi, kailangan ko po munang ayusin yung sarili ko bago sa ibang tao.
“Ang hirap po kasing trabahuin yung relasyon kung hindi mo kayang trabahuin yung sarili mo muna.
“Marami pa akong kailangang asikasuhin at baguhin sa sarili ko para mag-entertain ako ng panibagong obligation at saka responsibilities.”
Dalawang pelikula na ang natapos ni Kelvin.
Pagkatapos ng Kapuso afternoon series na Stories from the Heart: Loving Miss Bridgette ay ginawa nila ni Beauty Gonzalez ang pelikulang After All sa Bolinao, Pangasinan. Idinirek ito ni Adolf Alix Jr. para sa ALV Productions.
Katatapos lang din niya ng pelikulang Misconnection under Unitel, ka-partner naman niya si Miles Ocampo.
Nakatakda na siyang pumasok sa ilang linggong lock-in taping para sa bagong drama series ng GMA 7 na Unica Hija, ka-partner naman niya rito si Kate Valdez na dating ka-loveteam ni Migo Adecer.
At any rate, more and more ang mga kilalang personalidad na nagbibigay ng payo tungkol sa kung paano mapapanatili ang mabuting kalusugan at makakaiwas sa sakit, lalo na at nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.
Mahalaga pa rin ang wastong nutrisyon, hydration, ehersisyo, malusog na kalusugan ng isip at sapat na pahinga. Kailangang mapanatili ang isang malusog na immune system para mapababa ang panganib ng mga malala at nakakahawang sakit.
