JERRY OLEA
Matagal nang alam ni K Brosas ang paghihiwalay ng best friend niyang si Pokwang at ng partner nitong si Lee O’Brian.
“Nagkakalabuan pa lang sila, alam ko na!” sabi ni K sa kiddiecon ng Sing Galing Kids nitong Hulyo 9, Sabado, sa Mesa restaurant sa Vista Mall, Taguig.

Next week aalis sina K at Pokwang pa-Amerika para sa concert tour nilang BFF: Music and Laughter. Two weeks silang mawawala sa Pilipinas.
Kumusta si Pokwang ngayon?
“OK na OK na iyan,” mabilis na tugon ni K.
Umiyak ba sa kanya si Pokwang noong nagkakalabuan na sila ni Lee? Humingi ba siya ng advice?
“Ahh, huwag na nating pag-usapan yun. Pero kasi, same naman kami pareho, e,” bulalas ni K.
“Pag may problema ako, pag hindi ko na kaya… alam niya, e. Kasi, pareho kaming matapang, e. Pareho naming bina-bottle up yung… parang hindi tama yun.
“Pero as much as possible, ayaw talaga naming ipakita na mahina kami. So, pag ako, umiyak… alam niya. Umiiyak na rin siya.
“Kasi alam niya, bihira ito. Pag siya, umiyak, naiiyak na rin ako. Kasi alam kong hindi siya ganun.
“Pero ang maganda rito is yung co-parenting nila.
“Hindi naman niya kinekyeme yung anak niya sa, ‘Ayy! Hindi puwedeng makita ang tatay!’ Walang ganun.
“Nakita ko naman din si Lee first hand na laging nagbi-video call pag hindi puwede. Pupunta sa bahay ni Pokie.
“Wala tayong problema dun. Pero hayaan na natin. Kasi sabi ko, ‘O, ano na?!’ Nagkadyowa siya, naghiwalay… ako, waley pa rin!”
Baka sa US concert tour nila ni Pokwang, makasumpong siya ng lovelife?!
Napabuntong-hininga si K, “Ayun na nga! Sabi namin, ‘Bakla, kailangan nating humarot sa US!’
“Pero sa maniwala kayo o hindi, lagi naming sinasabi yan, kahit noong wala pa si… palagi naming joke iyan.
“E, numero uno kaming napakaarte! Mamatay, kahit sa Pilipinas! Kaya walang manliligaw. Kasi, hindi ko kayang mag-first move.
“Pareho kami, pinagsama pa kami! NGANGA! Pero noong buhay pa si Chokoleit, kasama si Pooh, iyan ang mga bugaw namin.
“Totoo! Pero ako… wala. Wala talagang ano. Napakaano ko, napakaarte.
“Well, wala namang masama kung magkaroon ka ng high standards, di ba? Pero been there, done that.
“Kasi ginawa ko na lahat. Pero ngayon, six years na akong single.”
Sa Hulyo 16, Sabado ng 6:00 pm mag-uumpisa sa TV5 ang Sing Galing Kids. Kasama rito ni K bilang Sing Masters sina Randy Santiago at Donita Nose.
Ang panel of Sing Galing Kids Jukebosses ay binubuo nina Jona, Gloc-9, Morissette, at Ethel Booba.
Arkidia Ates sina Queenay at Mari Mar Tua. Kasali rin sa show ang mascot na si Genie, pati na sina Zendee, Yoyo at Tyronia.
Gaganapin naman ang BFF: Music and Laughter tour nina K at Pokwang sa Baltimore, Maryland (Hulyo 23, Sabado), Stafford, Texas (Hulyo 29, Biyernes), at Fort Worth, Texas (Hulyo 30, Sabado).



GORGY RULA
Eto na naman ang kuwentong suwerte sa career pero sa lovelife… waley!
Ang ganda ng career ngayon ni Pokwang sa mga sunud-sunod na magagandang projects niya sa GMA-7, hataw pa sa pa-concert sa Amerika. Sabi ni K Brosas, next week na ang alis nila pa-US at two weeks lang sila roon.
Pero kailangan din ni Powkie mag-promote ng bagong daily show niya sa GMA-7 na TiktoClock, kasama sina Rabiya Mateo at Kuya Kim Atienza. Ngayong July na ito magsisimula.
May isa pang magandang movie project na gusto siyang kunin. Depende iyan kung mapagkasya sa schedule niya.
Kahit magkahiwalay, hindi naman iniwan ni Lee ang responsibilidad bilang ama sa kanilang anak.
Maganda ang ganoon. Parang kagaya nina Pancho Magno at Max Collins na maayos ang co-parenting sa kanilang anak.
Kaya kahit kahihiwalay lang sa dyowa ni Pokwang, inggit pa rin sa kanya si K. Kasi nagkadyowa na si Pokwang, may baby pa.
Kaya kahit baby na lang daw kay K, kahit wala nang dyowa!
Sinubukan na rin pala ni K ang proseso ng ‘mature oocyte cryopreservation’ sa pagbabakasakaling magka-baby. Pero waley pa rin!
Ibang tsikahan naman iyan dahil mahaba-haba ang kuwento riyan ng singer/comedienne.
Wala mang baby sa ngayon, masaya na rin naman si K sa mga batang sumasali sa Sing Galing Kids.
Sa Sabado, July 16 na ito magsisimula at kakaibang experience daw itong mga batang contestants, edad 5 hanggang 12 years old. Sobra raw niyang na-enjoy.
Aliw na aliw raw si K sa gulo at kakulitan ng mga batang napakagaling ding kumanta.
“Nakakatuwa, sa totoo lang. Nakakatawa. Tawa kami nang tawa. Pero ang dami talaga. Bata, e! Unpredictable, e. Andiyan, hoy! Ang daldal!
“Alam mo namang hindi mo puwedeng anuhin, di ba?
“Merong umiiyak. Merong kinakausap namin, umiikot, hala! Kasi bata. Pero nakakatuwa kasi kakaibang experience din naman,” pahayag ni K Brosas, who’s turning 47 on July 15, Friday.
Bukod sa Sing Galing Kids ay daily rin siyang napapanood sa Lakwatsika nila ni Ethel Booba.
Kaya binitiwan na niya ang Lunch Out Loud dahil hindi puwedeng sapaw-sapaw ang TV shows niya sa Singko.
NOEL FERRER
Bilang kasama sa bagong noontime show na TiktoClock, alam ni Kuya Kim Atienza na siya talaga ang pang-uplift ng spirits ng dalawang kasama niya sa show na sina Pokwang at Rabiya Mateo.
Sabi ko kay Kuya Kim, “Ikaw pala ang instrument of healing ng dalawa. Blessing din talaga ang show for them at ang iba pa nilang pinagkakaabalahan.”
Gusto kong matuloy na ang pagbisita namin kina Pokwang muli ng grupo namin nina Mommy Carol Santos sa bahay niya.
Alam natin ang puso ni Pokie. Ibinuhos at ginawa niyang lahat para sa relasyon na yun. Pero makakabangon iyan. Marami siyang naitanim na kabutihan at babalik yun sa kanya, I’m sure!
