GORGY RULA
Ipinagdarasal ng PEP Troika na malagpasan ng dalawang showbiz personalities ang pinagdadaanan nila sa kanilang kalusugan.
Hindi ko alam kung may kinalaman sa COVID ang panghihina ng katawan ng iginagalang na aktres, pero ilang araw rin siyang na-quarantine dahil sa tinamaan siya ng nakakahawang virus.
Pero pagkatapos niyang gumaling, hindi na kagaya ng dati ang kanyang kalusugan. Kailangan niyang pakawalan ang isang magandang movie project dahil sa marami na siyang nararamdaman at parang lagi na siyang nanghihina.
Kailangan niyang magpahinga at tutukan ang kanyang kalusugan para mabalik ang dating sigla. Sana, malagpasan niya ito.
Ganundin ang hiling namin sa kilalang male personality na ilang buwan ding tumigil sa trabaho dahil sa dumaan siya sa isang major operation.
Nakabalik naman siya pagkatapos siyang operahan. Pero nitong mga nakaraang araw ay hindi na naman siya napapanood sa kanyang regular program.
Napag-alaman ng PEP Troika na halos isang buwan na pala siyang naospital. Hindi lang namin sure kung nagka-infection ang operasyon, o ano talaga ang nangyari.
Pero nang kinumusta namin siya sa ilan niyang katrabaho, nag-aalala sila dahil hindi raw siya ganun kaokey. Hindi lang nila maidetalye kung ano talaga ang tunay nitong kalagayan.
Ipinagdarasal naming sana ay gumaling at makabalik na sila sa trabaho.
Parehong well-loved sa showbiz ang dalawang personalidad kaya taus-puso naming hinihiling na gumaling sila at malagpasan ang kanilang pinagdadaanan sa ngayon.
NOEL FERRER
Malapit sa atin ang mga personalidad na ito, lalo na ang aktres. Nasa naturalesa na niya ang pagtulong sa mga kasamahan natin sa industriya.
Basta, pareho natin silang ipinagdarasal at sana’y malagpasan itong health challenges nila para makapiling natin sila sa media ngayo’y unti-unti nang nagsisikap bumawi.
JERRY OLEA
Nag-agam-agam tayo nang mabalitaan nating nagka-COVID ang isang senior citizen na well-loved sa showbiz. Nakahinga tayo nang maluwag na nalagpasan niya ang pagsubok na iyon sa kanyang kalusugan.
Kaso, eto naman at dalawa pang kilalang personalidad ang nabalitaan nating may health concerns.
Ang mga senior citizen na ito ay pawang pinagpipitaganan, at dalangin nating bumuti ang kanilang kalagayan sa lalong madaling panahon.
