GORGY RULA
Ewan kung tuluyan na bang iiwan ni Erich Gonzales ang showbiz o tatanggap pa siya kahit product endorsements.
Siya talaga ang gustong kuning endorser ng Jenna Essence na brand ng beauty and skincare products.
Nakatsikahan namin ang president at CEO ng nasabing brand na si Jenna Reyes, at nakikita raw niya kay Erich na bagay na first endorser ng kanyang produkto na namamayagpag din sa online selling.
“Gusto talaga namin yung swak sa personality namin at sa personality ng brand.
“Kailangan medyo papareho siya, na mamahalin yung brand tulad ng pagmamahal namin,” pakli ni Jenna sa 4th anniversary celebration ng kanilang produkto na ginanap sa Blueleaf Cosmopolitan sa Pasig City nung nakaraang Linggo, September 18, 2022.
Bukod sa fan siya ni Erich, gusto rin niya ang success story ng aktres.
Napaka-inspiring naman kasi ng kuwento ng buhay ni Jenna na gusto niyang i-share sa lahat.
Sa opening number ng kanilang programa, inilahad ang kuwento ng buhay ni Jenna sa shadow dancing ng El Gamma Penumbra.
Ipinakita na nagsimula siya sa pagtitinda ng sampaguita sa labas ng Quiapo Church, nag-aral, at pilit na nakatapos sa college hanggang sa pinasok niya ang pagbebenta ng beauty products at naging successful na ito.
“Nung grade 2-grade 3 nagsimula na po akong nagtitinda doon sa Quiapo. Kasi, sumasama po ako sa lola ko na siya talaga ang may puwesto doon.
“'Tapos umalis na lang po kami nung 2nd year high school na po ako. Dun na po natigil ang pagtitinda ko roon, kasi nalipat na po kami sa Parañaque po.
“Bumabalik lang po kami doon sa pagtitinda kung may mga espesyal na araw lang po, kung Semana Santa o ano. Pagkatapos dun sa pagtitinda ng sampaguita, ang dami ko pa pong pinasukan.
“Nasubukan ko pong magtinda sa Baclaran, sa Carriedo, nag-sales lady, nag-call center, nagtrabaho sa bar, 'tapos nag-OFW, 'tapos hanggang sa ngayon po na nagnegosyo na po ako,” lahad ni Jenna.
Nagawa pang makapagtapos ng kolehiyo Jenna na kung saan ay nag-graduate siya sa kursong Mass Communications major in Broadcasting sa Lyceum of the Philippines.
Ang apat na taong kursong ito ay natapos ni Jenna ng pitong taon dahil nakakapagbayad lang daw siya ng tuition kapag may pera siya. Kung wala, tigil na muna siya.
Nagtrabaho siya bilang singer at entertainer sa Singapore at Japan at doon nagsimula siyang magtinda ng beauty products at nang nabigyan ng chance, bumuo na siya ng sarili niyang brand.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa makapaniwala si Jenna na naabot niya ito.
Sa nakaraang 4th anniversary nila ay hindi niya napigilang sumigaw nang pagkalakas-lakas dahil sobra-sobra na raw ang naabot niya sa isang simpleng pangarap niyang makaahon sa kahirapan.
“Pag naiisip ko kung papaano ang mga pinagdaanan ko at ang pinagdaanan ng brand, wala, e. Umpisa pa lang, hindi ako makapaniwalang nagawa ko ito.
“Dati pangarap ko lang ito kung makakapag-event pa ba ako nang ganito. 'Tapos kung dadami pa bang ganito yung mga distributors ko. So, lahat namumulaklak na talaga. Hindi pa talaga ako makapaniwala na nangyayari ito,” bulalas ni Jenna.
NOEL FERRER
Parang yung kuwento ni Jenna ang ibinebenta rito, at parang pang-MMK o Magpakailanman ang makulay niyang buhay.
Bukod sa sipag at tiyaga, hindi raw ito maaabot ni Jenna kung hindi niya sinamahan ng matinding dasal.
“Ang masasabi ko lang palagi, tulad nga po ng tagline ko, ‘lavarn!’ Iyon lang po talaga, lavarn, 'tapos dasal.
“Kasi basta mabuti yung puso mo, 'tapos marunong ka magdasal, 'tapos matigas ka lang, yung kahit problema ang danasin mo, sige breakdown ka ngayon, 'tapos bukas bumangon, 'tapos marunong ka na rin lumavarn!” bulalas niya.
Tinitiyak ni Jenna na hindi siya makakalimot sa mga dati niyang kasamahang nagtitinda sa Quiapo.
Tuwing Pasko, mga espesyal na araw, at kapag may kalamidad na dumarating, pumupunta raw siya sa Quiapo para magbigay ng tulong.
Ano sa tingin ninyo, tanggapin kaya ni Erich na maging endorser ng produktong ito?
Nakalimutan na tuloy nating pag-usapan ang bisa ng produkto. Masyado tayong nakatuon sa mga personal na kuwento.
JERRY OLEA
Kung skincare at beauty products ang pag-uusapan, angat sa iba ang Beautederm with its generous CEO Ms. Rei Anicoche-Tan.
Napaka-inspirational ng kanyang humble beginnings bilang businesswoman, at kung paano siya lumilingon sa pinanggalingan.
Nakilala ko si Ms. Rei bago pa lumaganap ang pandemya nang makibahagi siya sa charity works ng Kasuso Foundation upon the invitation of Ogie Diaz.
Hindi lang mga babaeng breast cancer survivors ang binabahaginan ni Ms. Rei ng blessings.
Noong lumaganap ang pandemya ay namudmod si Gretchen Barretto ng love box sa mga tao, taga-showbiz man o hindi. Tumulong din si La Greta sa frontliners.
Ganoon din si Ms. Rei na sa tuwi-tuwina’y nagpapadala ng gawa nilang disenfectants, at sinasabihang maging mas maingat ang mga kaibigan.
Mas nakaka-inspire para sa akin si Ms. Rei na nasubukan ang pagmamalasakit noong kailangan natin ang tulong.
Kaya hindi tayo nagtataka na umabot na sa 78 ang celebrity endorsers ng kanyang produkto.
“Road to 100 Endorsers!” bulalas pa ni Ms. Rei sa launch kay Piolo Pascual bilang endorser ng kanyang brand noong Setyembre 22, Huwebes sa Luxent Hotel, Timog Ave., QC.
Kagaya ni Ms. Rei, matulungin at mapagkawanggawa rin si Piolo o PJ. Nagpatotoo riyan ang katotong Leo Bukas sa nasabing mediacon.
Ani Leo, “When I got operated four years ago, si PJ po ang isa sa nagbayad ng aking hospital bill…
“Ganyan siya, Madam Rei. Pareho lang kayo, kaya bagay kayo.”
