GORGY RULA
Mataas ang ratings ng mga programa noong nakaraang weekend dahil siguro sa hindi na lumabas ang mga tao dala ng bagyong Karding.
Sa primetime noong Setyembre 24, Sabado, ay 10.8% ang 24 Oras Weekend, at 2.2% ang katapat nitong TV Patrol Weekend.
Naka-11.6% naman ang replay episode ng Pepito Manaloto, katapat ang kasisimula na Everybody Sing ni Vice Ganda na may 4.1%.
Sumunod ang umaaribang Running Man Philippines na naka-13.5%. Kinabukasan, September 25, Linggo, ay lalong tumaas ang Running Man Philippines na naka-16.8%. Ito ang nakakuha ng pinakamataas na rating nung araw na yun.
Pero mataas pa rin naman ang ibang programa mula nung hapon ng Linggo dahil nasa bahay na lang nga siguro ang karamihan.
Ang All-Out Sundays ay 4.9%, at 3.2% naman ang ASAP Natin ‘To.
Sumunod ang Atom Araullo Special na may 5.3%, at ang FPJ Da King ay 4.4%.
Ang taas din ng The Wall, na naka-7%, kung saan naglaro sina Boobay at Super Tekla.
Lalo pang tumaas pagdating sa Regal Studio Presents na naka-7.6%, at sumunod ang Amazing Earth na may 12.7%.
NOEL FERRER
Tama, stuck sa TV at radyo ang mga tao noong kasagsagan ng bagyo.
How we wish there were more public service time and disaster updates sa lahat ng networks lalo na sa mga oras na yun.
Sa mga ganitong sakuna, walang network-network divide, dapat lahat magkakapit-bisig sa pagbabayanihan.
Nakaka-miss tuloy ang malawakang reach ng ABS-CBN. Sana, mapantayan ito ng ALLTV na tinaguriang “ang bagong Channel 2.”
JERRY OLEA
Hindi pa natin nararamdaman sa ratings ang mga programa ng ALLTV na nag-umpisa noong Setyembre 13, Martes.
Hindi pa ba aware ang madlang people na bagong tahanan ng Wowowin ni Willie Revillame?
Understandable na mahina iyong replay ng Kapamilya teleserye na Ngayon at Kailanman nina Joshua Garcia at Julia Barretto, maging ng Doble Kara ni Julia Montes.
Ire-replay rin ng ALLTV ang TV5 teleserye ni Nora Aunor na Sa Ngalan Ng Ina.
Andiyan din ang Kapamilya teleserye na Sana, Dalawa Ang Puso starring Robin Padilla, Richard Yap, and Jodi Sta. Maria.
Sa tingin ninyo, magpapakitang-gilas ba ang mga ito sa Game of Ratings?
Nagpasiklab ang Running Man Philippines noong Sunday night kung saan bumida sina Kokoy de Santos at Angel Guardian. Biruin mo, kinabog ang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS). Hooray, Kokoy & Angel!
Nagsimula naman noong Lunes, September 26, ang bagong afternoon drama ng GMA-7 na Nakarehas na Puso ni Jean Garcia. Okay na rin ang rating na nakuha ng pilot episode nito na 7.6%.
Kapalit ito ng The Fake Life nina Ariel Rivera, Beauty Gonzalez, at Sid Lucero na ang finale episode noong Biyernes ay naka-9.1%.
Ang Goblin na kasisimula lang ay naka-5.2% noong Monday.
Bumongga ang Kapuso pagpasok ng Family Feud na 13.8%. Dapat lang i-extend ng GMA ang programang ito na hinu-host ni Dingdong Dantes! Waging-wagi!!!
Pagdating sa primetime, naka-21.3% ang 24 Oras, at sumunod ang Lolong na 18%.
Ang pilot episode naman ng Start-Up PH nina Bea Alonzo at Alden Richards ay naka-9.7%, at sumunod ang What We Could Be na naka-5.8%.
Tataas kaya ang Start-Up PH sa mga susunod na araw?
Finale week na ng Lolong, at sa darating na Lunes ay papalitan na ito ng kaabang-abang at makabuluhang Maria Clara at Ibarra.
