GORGY RULA
Umaasa pa rin ang producer ng Reality Entertainment na si Dondon Monteverde na matuloy ang dream project niya na biopic ni Mother Lily Monteverde.
“Sana matuloy. Kasi, sa akin, mahalaga sa akin ang project na yan. Inunahan lang tayo ng pandemic, e. But hopefully, we can get back to plan for it,” pakli ni Dondon nang nakatsikahan namin sa Filmmakers and Shakers Night ng FDCP na ginanap sa Gallery MiraNila sa Mariposa Loop, Quezon City nung nakaraang Biyernes, September 30.
“Siyempre, malaking bagay si Mother Lily sa buhay ko, aside from nanay ko siya, nakita ko rin yung hirap niya to push our industry to move forward talaga,” dagdag niyang pahayag.
Napangiti si Dondon nang tinanong namin kung si Vilma Santos na ba ang gaganap. Napabalita kasing babalik sa pag-arte ang Star for All Season sa isang project na gagawin niya sa Reality.
Puwedeng siya na ang gaganap na Mother Lily, di ba?
“Nag-pitch kami sa kanya, nagustuhan niya yung dalawang project. Malapit na ring isulat iyan.
“Sabi naman ni Ate Vi, all out siya to get back to acting talaga e, in front of the camera,” sagot ni Dondon sa amin.
Hindi niya masabi kung itong Mother Lily project ba ang masisilbing showbiz comeback ni Ate Vi.
Ang una kasing napabalita ay si Judy Ann Santos ang gaganap, pero hindi pa natin tiyak kung gusto pa bang gawin ni Juday dahil parang mas gusto na ng aktres na mag-focus sa kanyang pamilya.
“Hopefully, interesado pa rin si Judy Ann. Pero malay mo, magsama sina Judy Ann at Ate Vi,” napangiting sagot sa amin ni Dondon.
NOEL FERRER
Samantala, dahil sa success ng On The Job: The Missing 8, inaayos na raw nila ngayon ang kasunod na On The Job series.
Sabi ni Dondon, “We’re shooting season 2 of On The Job next year. Okay na iyan.
“Ngayon, we’re on development stage. Hindi pa namin alam kung sino lahat na artista.
“The creatives, of course Erik Matti and Michiko were trying to develop season 2 of On The Job.”
Bandang huli ay sinabi naman ni Dondon na baka ang prequel daw ng On The Job ang gagawin nila, at nagkasundo na raw silang si Jericho Rosales ang gaganap.
Ayan na, nasabi na… na si Echo ang gaganap. At isang malapit kay Jericho at malapit din sa atin na aktor ang makakapanabayan niya sa pagganap rito—kaya talagang excited ako sa susunod na OTJ!
JERRY OLEA
Lubhang makulay ang buhay ng Regal matriarch na si Mother Lily.
Pakiwari ko, mas makabubuti kung gawin itong series.
Tungkol sa prequel ng On The Job na pagbibidahan ni Echo, excited siyempre tayo.
Malamang na mag-streaming din ito sa HBO Go.
Ipinagbubunyi natin ang mga ganitong makabuluhang proyekto.
