JERRY OLEA
“Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe/ Matayog ang pangarap ng matandang bingi…”
Taghoy iyan sa kantang pinasikat ni Celeste Legaspi noong 1970s.
Ganoon pa man, mas mataas ang ere ng kampo ng isang marilag na aktres sa isang live show noong isang araw.
Panauhin din sa naturang palabas ang makisig na aktor na bida sa isang TV program na katapat ng TV series kung saan tampok ang marilag na aktres.
Mas tinatangkilik ng televiewers ang TV program ng makisig na aktor. Mas malakas ang hatak niya sa mga manonood, kaya ito ang pam-finale sa nasabing live show.
E, gusto ng kampo ng marilag na aktres na ito ang huling isalang sa live show, kaya nagpa-late ng dating ang hitad.
Nay! Nay! Nay! Nay!
GORGY RULA
Noong nakaraang linggo lang pala ito nangyari sa isang event sa isang probinsya ng Central Luzon.
Nairita raw ang organizer dahil alam niyang karamihan sa mga tagaroon ay itong si makisig na aktor ang gustong makita ng mga tao, lalo na raw ang mga nanay.
Sabi ng nagkuwentong nandoon sa event, dala-dala pa raw ng mga nanay ang mga anak nila na gustong makita si makisig na aktor. Excited daw ang mga bagets at baka dala raw ni aktor ang dambuhala niyang alaga.
Kaya sabi ng organizer, ipanghuli na si aktor. Mas late ang calltime nito, at pinaaga si marilag na aktres.
Hindi nga yun ang nangyari. Kaya pagkatapos daw mag-perform ni aktor, nag-uwian na raw ang karamihan, dahil nakita na nila si makisig na aktor.
Pero tingin ko naman diyan, maaring hindi ito ideya ni marilag na aktres. Maaring pakana ito ng handler, na i-late ang alaga niya.
Sumunod lang siguro si marilag aktres. Baka nga hindi niya alam na nandoon din sa show ang makisig na aktor.
NOEL FERRER
Masakit ang katotohanan, pero parang bato ito na kailangang lunukin.
Pana-panahon din lang iyan. Marahil, panahon talaga ito ng makisig na aktor na matagal ding naghintay ng tamang proyekto, at nananatiling mabait at mapagkumbaba.
Ito na lang, kanino bang serye ang magkakaroon ng Part 2? Again, this is not a comment on their shows. Iba ang presentasyon ng dalawa at alam kong magagaling sila kapwa.
Basta ang moral of the story—huwag magmayabang. Ang buhay ay weather-weather lang.
