GORGY RULA
Nakikita kay Regine Velasquez na nag-enjoy siyang mag-perform nang live sa isang concert, lalo na sa harap ng napakaraming tao.

First time daw nila ng asawa niyang si Ogie Alcasid na mag-perform sa napakaraming tao sa panahon ng pandemya sa Shine: The Diamond Concert noong nakaraang Huwebes, Oktubre 20, sa Ormoc City Stage.
Kaya nagpapasalamat si Regine sa mag-asawang Cong. Richard Gomez at Mayor Lucy Torres-Gomez na nagawa nila ang concert bilang bahagi ng selebrasyon ng 75th Charter Day ng Ormoc City.
Sabi ni Regine nang nakatsikahan namin pagkatapos ng concert nung Huwebes, sobrang na-enjoy niya ang pagkanta dahil nabalik ang boses niya pagkatapos niyang manganak.

Kaya wala pa raw talaga sa isip niyang umarte sa isang soap opera o sa pelikula.
Ilang beses daw siyang kinukulit ni Boss Vic del Rosario ng Viva Films na gumawa na siya ng pelikula, pero tumatanggi siya.
“Nakakatawa yung Viva. Kahit sinasabi ko, ‘Boss Vic, ayoko na muna ngayon.’
“Si Boss Vic kasi, ang laki ng paniniwala sa akin as an actress. Yun ang feeling niya talaga. Si Boss Vic talaga, hanggang ngayon, gustung-gusto niya akong umarte. Sabi ko, ‘Isipin ko muna, Boss Vic.’
“Parang na-enjoy ko talaga yung kumanta ako. 'Tapos, parang feeling ko kasi, ang dami kong dapat na matutunan as a singer.
“Parang feeling ko, nag-uumpisa na naman ako, pag umookay na yung boses ko, parang magiging weird na naman, mag-uumpisa na naman ako.
“Ganun talaga, dyumodyonders!” bulalas ni Asia’s Songbird.
Rumatsada noon ang acting career niya sa TV at pelikula.
“Kasi dati, parang ang dami kong ginagawa. Kasi singer din naman talaga ako, di ba? Na-confuse din ako for awhile.
“Kasi ang daming binigay sa akin na opportunity, sa Viva, sa GMA, in fairness.
“Thankful naman ako dun. 'Tapos, yung mga soaps na ginawa ko, successful din naman lahat, e.
“I’m so grateful for all of those blessings that came my way. But during those times lang, kumakanta pa rin naman ako, pero ewan ko, na-confuse ako.”
Hindi raw kasi talaga siya kumanta nung ipinagbubuntis pa lamang niya si Nate.
Pagkatapos niyang manganak, parang nawala raw ang boses niya na kapag kumakanta siya ay hindi na raw kagaya ng dati.
“I had such a hard time singing. So, the more ako naging compassionate about it, kasi hindi na kagaya nung kabataan ko na pag binuka ko yung bibig ko, may boses ako. Hindi na ganun, e.”
NOEL FERRER
Mabuti naman daw at naibigay na sa kanya noon ng GMA-7 ang opportunities para sa pag-arte, kaya hindi na muna niya ito ngayon hinahanap.
Mabuti at nung lumipat siya sa ABS-CBN, naibigay naman daw sa kanya ang gusto niyang kumanta.
Hindi naman daw siya inalok na gumawa ng soap sa Kapamilya Network. Ang balak sana noon ay magsi-sitcom sila ni Ogie.
“Parang hindi nila ako in-offer kasi alam nilang ayaw ko. Hahahaha!” pagtawa ni Regine.
“Hindi, sinabi ko naman na I wanna sing. Kasi alam mo, nung nasa GMA ako, binigay yun sa akin lahat, e. Binigyan ako ng opportunity to do that.
“Not that napagod ako. Kaya lang nung nanganak ako, parang na-miss ko ang pagkanta.
“Kasi nung nabuntis ako, hindi talaga ako kumanta, e. Kasi natakot ako kumanta. Kasi when you sing, you push, and you’re not supposed to push when you’re pregnant, di ba?
“So, for two years I didn’t sing and then after that, when I came back, I had a hard time… nawala pa yung boses ko.
“Nung nawala yung boses ko, parang ‘my God, kaya ko pa bang kumanta?’
“Parang ang identity ko as a person, as a singer, parang naguluhan ako. So, nung nagkaroon ako ng opportunity to be with ABS at heto ang mga binigay nila sa aking mga show, kumakanta ako, hosting, parang na-enjoy ko naman.”
Nakapakahusay nina Regine at Ogie sa SHINE concert sa Ormoc. At isa sa mga highlights ng concert ang pagkanta ni Regine ng Usahay na itinuro sa kanya ng kanyang lola noong siya ay bata pa sa Leyte. Kaya naman sobrang na-appreciate yun ng mga tao.
Ang game at ang selfless lang talaga ng mag-asawang Regine at Ogie kaya love na love natin sila, ganundin ng mga Ormocanons!
JERRY OLEA
Tapos na ba siya sa pag-akting?
Mabilis na sagot ni Regine, “Hindi naman. I don’t want naman to parang close that door na naging part naman ng life ko.
“And even though I don’t really consider myself as an actress—or I’m a reluctant actress, ganyan—even though I feel that way, I still… ahhh… Hahahaha!
“Sabi nga, ahhh… ano pa rin ako, I’m really very grateful pa rin that I was given the opportunities to be able… can you imagine, singer lang naman ako, 'tapos binigyan ako ng opportunity ni Boss Vic na mga pelikula na lahat, successful.
“Ka-partner ko, hindi naman basta-basta! Di ba?! So parang… bakit hindi ako magiging grateful?
“Kung merong ibibigay sa akin na pagkakataon na gumawa ulit ng pelikula or kahit ng soap na magugustuhan ko, pag-iisipan ko muna ulit.
“Hindi ko muna iku-close yung door kasi ano ko yun, e. Naging masaya rin ako sa world na yun.
“Ngayon lang, hindi pa siguro ako masyadong ready. Parang nae-enjoy ko pa ulit yung maging singer muna lang ako at maging nanay.”
Nagkaka-collab na ang GMA-7 at ABS-CBN. Payag ba siyang gumawa ng teleserye na collab ng Kapuso at Kapamilya?
Napangiti si Regine, “Oo, ba! Oo! Ang galing nga, e! Kasi sabi ko, parang never ko na-imagine that this will ever happen. Not in a million years!
“And yun na nga, e. Parang God always has a reason. Di ba, pag may nangyayari, lahat tayo, ‘Ano ba iyan?!’
“Nasisira ang ulo natin. Naloloka tayo. Parang nagtatampo tayo kaagad kay God.
“But we really don’t realize, siguro kasi puro mga near-sighted tayo lahat, hindi natin nakikita yung future. Hindi natin nakikita kung ano yung tama talaga.
“Who would have thought?! Now they’re working together for a soap, right?
“Did we ever think that something like this would have happened? No, di ba?
“Kaya why not? Kung bibigyan ulit ako ng pagkakataon, kung meron ulit magandang papel for me.
“Kasi, ang ano ko rin ngayon, parang since I am so into singing, kung gagawa ako ng pelikula, parang yung thinking ko before na it has to be something that I like so that I’ll be able to enjoy it.
“Ganun kasi yung ano ko noon, e. Not that it has ever changed.”
