GORGY RULA
Magsisimulang mag-shoot bukas ang pelikulang Oras de Peligro na tungkol sa apat na araw noong Pebrero 1986 na naganap ang EDSA People Power Revolution.
Mula sa direksiyon ni Joel Lamangan, bida rito si Cherry Pie Picache bilang Beatriz na nagtatrabaho bilang kasambahay ng isang matrona sa Forbes Park na aktibo sa mga kilos protesta.
Kasama sa cast sina Allen Dizon, Therese Malvar, Dave Bornea, Jim Pebanco, Gerald Santos, Ellora Espano, Mae Paner, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Nanding Josef, Apollo Abraham, at Alvi Siongco.
Balak itong ipalabas sa February 2023, sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power.

Si Atty. Howard Calleja ang isa sa producers sa bagong film production na binuo nila, ang Bagong Siklab Promotions Corporation.
Nagustuhan daw nila ang script na magkatuwang na isinulat nina Bonifacio Ilagan at Eric Ramos, at si Joel Lamangan pa ang magdidirek.
Nilinaw ni Atty. Calleja na hindi ito sagot sa pelikulang Maid in Malacañang na idinirek ni Darryl Yap para sa Viva Films.
“Siguro tama naman para isabi sa taumbayan kung ano talaga ang nangyari… anong history. Kumbaga, maganda naman malaman ng bagong henerasyon kung ano talaga nangyari nung 1986.
“Nandun din ako sa EDSA, lahat tayo Pilipino. Nandun din ako. Nagmartsa rin ako, narinig din ako.
“Kumbaga, wala naman tayong nilalaban na administrasyon. Lumalaban lang tayo para sa katotohanan.
“Wala ho kaming sinasagot dito. Walang intensiyong labanan ang kahit na ano. Ang intensiyon lang dito ay sabihin ang katotohanan,” pahayag ni Atty. Calleja.
Mapapalibutan ang kuwento ng mga aktuwal na video, audio, photo, at newspaper clippings ng mga tunay na pangyayari na nagbunsod ng pag-aaklas ng sambayanang Pilipino noong 1986.
Pagdidiin pa ni Atty. Calleja, “Hindi ito sagot sa kahit na anong pelikula. At bilang abogado, bilang producer nitong pelikula — hindi ho puwedeng sagutin ang kasinungalingan.
“Hindi po puwedeng sagutin ang nagbubulag-bulagan. Wala hong sagot dun. Dahil yun ay fake news at kasinungalingan.
“So we don’t need to answer anything, OK? We just need to sow the truth and be truthful to the Filipino people.”
NOEL FERRER
Sabi naman ni Direk Joel, “Matagal na naming inambisyong magkaroon ng pelikulang kagaya ganito, bago pa ang Maid in Malacañang.
“Hindi po ito sagot sa Maid in Malacañang. Wala po akong intensiyong sagutin ang Maid in Malacañang.
“Ang amin pong pelikula ay isang pelikulang nagsasalamin ng katotohanan na nangyari nung 1986. Nung apat na araw ng Pebrero nung 1986.
“Hindi po ito tungkol sa sagot. Wala po. Ito po ay talagang ginawa upang sabihin ang katotohanan nung 1986.
“Yung apat na araw nung Pebrero bago mawala ang diktador na Marcos sa Malacañang.
“Dahil wala naman pong nagagawang pelikulang nagsasabi ng totoong nangyari noong Pebrero 1986.
“Ang ikinatatakot ko po at ng mga kasama ko ay baka wala nang makaalam kung ano talaga ang nangyari kapag hindi natin gagawin sa pelikula o sa telebisyon kung ano ang nangyari.
“Kailangan tayo po. Sapagkat ang sining ay dapat nagmumulat. Ang sining ay dapat nagsasabi ng totoo.
“Ang sining ay dapat nagsisilbi sa interes ng nakararaming mga mamamayan kapag nagsasabi ng katotohanan. Kaya ito po ay nabuo namin dahil doon.”
JERRY OLEA
Bakit natagalan bago maikasa itong Oras de Peligro?
Sagot ni Direk Joel, “Hindi madaling gumawa ng pelikulang kagaya nito. Hindi ito ipu-produce ng sino mang mainstream producer. Wala.
“Bakit? Dahil takot sila. Takot sila na mag-produce ng mga ganitong mga uri ng pelikula.
“Kaya kami ay nakatagpo ng grupo na nagnanais na magsabi rin ng katotohanan, at mga grupo ng kabataan din na mga producer na gustong gamitin ang pelikula upang magtuwid ng mga mali at hindi katotohanang maaaring nagaganap na ngayon.
“Kaya itong pelikulang ito ay nabuo dahil doon.”
Mahalagang factor ba kaya napili si Cherry Pie Picache na bida ng Oras de Peligro ay identified siya sa pinklawan, kakampink o dilawan?
“Ang pelikulang ito ay hindi pink. Hindi ito pink!” pagdidiin ng multi-awarded director.
“Hindi ito pula. Hindi ito dilaw. Ito ay kayumanggi! Ito’y Pilipino.
“Hindi ito nagsisilbi sa kahit na anong kulay. Basta ito’y nagsasabi ng katotohanan na nangyari noong 1986.
“Itong pelikulang ito’y hindi nagsasabi ng kung anumang masama laban sa kasalukuyang administrasyon. Wala!
“Hindi ito nagsasabi ng ano mang sama ng nakaraang administrasyon. Wala!
“Ang sinasabi lamang ng pelikulang ito ay kung ano ang totoong nangyari noong 1986 sa punto de vista ng isang simpleng pamilya.
“Yun lang ang sinasabi nito. Wala kaming kulay-kulay. Ako, rainbow. Di ba?”
Siguradong may mga magre-react sa kulay ng Oras de Peligro.
“Alam ko. Kaya nga sinasabi ko… rainbow po. Ako po, rainbow ang kulay ko. Yung iba rito, rainbow rin siguro pero hindi ko alam,” pagmamatuwid ni Direk Joel.
“Wala po kaming distinct na kulayan dito. Wala po.”
