Trigger warning: depression
GORGY RULA
Magmula nang nagkapandemya, hindi pa pala nagkikita ang mag-amang Joey at Kempee de Leon.
Nilinaw naman ni Kempee na okay sila ng daddy niya at may komunikasyon silang mag-ama.
Binati raw niya ang ama nung nakaraang birthday nito, pero hindi pa sila nagkikita nang personal.
"Minessage ko siya nung birthday niya. Iyon nga, busy din siya sa shows niya sa ibang channel, e.
"Kasama niya yung brother ko dun, iyon yata yung second director niya, and si Cheenee, isa sa writers niya dun. Busy, busy naman lahat, and okay," kaswal na pahayag ni Kempee.
Nakapanayam namin si Keempee sa DZRH para sa promo ng pelikula nila ni Christian Bables na Mahal Kita, Beksman.
Nag-iingat lang daw silang lahat hanggang ngayon dahil nandiyan pa rin ang COVID-19, kaya hindi pa sila nagkikita-kita. Nami-miss lang daw niya ang regular family day nila tuwing Linggo.
"Okay naman kaming lahat, and yun nga, nakaka-miss lang siguro, nasanay lang ako na every Sunday, nagkikita-kita kasi kami before. Iyon yung pinaka-family day namin.
"And since nung nawala yung lola ko, parang nawala rin. So, medyo naputol yung communication. So, I guess, nakaka-miss lang ng ganun. Nasanay lang siguro.
"Hindi pa rin kami nagkikita, dahil alam mo naman si Daddy, takot din naman lumabas yun.
"At saka nung birthday niya, siyempre may kasama sila sa bahay na apo niya na maliit. So, mahirap pa yung manggagaling pa sa labas, mahirap," saad ng aktor at dating Dabarkads ng Eat Bulaga.
Busy na rin si Kempee, at nagpapasalamat siya dahil nakakabalik-trabaho na siya pagkatapos siyang matanggal sa Eat Bulaga nung 2016.
Katatapos lang niya sa 2 Good 2 Be True, at excited siya sa pelikula niyang Mahal Kita, Beksman ni Direk Perci Intalan. Magsu-showing ito sa mga sinehan sa November 16, 2022.
- Keempee de Leon, naglabas ng sama ng loob sa taong "walang paki" sa kanya
- Hosts of Eat Bulaga! who pulled controversial exits
- Keempee de Leon nagkaroon ng depression dahil sa Eat Bulaga? | PEP Exclusives
JERRY OLEA
Muling napag-usapan ang pagkatanggal kay Kempee sa Eat Bulaga na inamin niyang doon nagsimula ang depression niya.
"Aminin ko naman o hindi… ako, very honest naman ako sa lahat ng tao. Iyon siguro ang pinaka-major na depression ko na pinagdaanan.
"I guess, in my part, parang ang hirap lang. Kasi, 14 years kang nandun tapos parang isang iglap, bigla na lang nawala. So, parang na-trauma ako.
"So, two years nagkulong ako sa bahay, walang gupit, walang ahit. Talagang kaiisip, wala akong kinausap.
"Hitsura ko nun, akala mo ermitanyo ako, napahaba ko talaga ang balbas nang mahaba. Wala akong kinausap.
"Although may mga pinagsabihan ako, nag-reach out ako, pero parang hindi ka rin natulungan. So, might as well leave them alone. So, ako na lang... kumbaga, ako na lang nakipagsapalaran sa sarili ko.
"May mga iilan naman akong nakausap, like yung pinsan ko, tito ko, lola ko nung nabubuhay pa. So, iyon yung mga taong medyo kahit papaano nandun sa likod ko nung ako’y na-depress.
"Mahirap ang depression talaga, ibang klase."
Nagpapasalamat siya sa Diyos na nalagpasan niya itong mag-isa, at sa dasal daw siya kumakapit.
"Kinaya ko, e. It’s a challenge for me, challenge ko rin sa sarili ko na… kasi ang iba, bumibigay talaga.
"Awa ng Diyos, nagpapasalamat talaga ako sa Diyos na hindi tayo napabayaan. Yung iba, di ba, nagsu-suicide, patiwakal. Parang… ako nandiyan pa rin, kahit may nakakausap pa rin ako, mga kaibigan ko.
"Pero nilagay ko na lang sa sarili ko na may reason siguro kaya nangyari yung mga bagay-bagay."
NOEL FERRER
Ikinuwento ni Kempee na minsan ay nakalimutan niyang wala na pala siya sa Eat Bulaga, pumasok siya sa Broadway studio nito.
"Eto, kuwento ko lang, ha? Nung nawala na ako dun show, may time na automatic ako na bangon ka, ganun na, e, mag-Eat Bulaga.
"Bumangon ako nang maaga, pumunta ako ng Broadway, pumasok ako. Tapos sinabi ng security, 'O, Sir, bakit po kayo nandito?' 'Papasok na.' 'Di ba, wala na kayo dun sa show?' Nahihiya pa ngang sabihin, e.
"Sabi ko, 'Oo nga pala, 'no?' So, yung iba, nakita rin ako, mga TC [talent coordinator], 'O, Kuya, may tawag ka ba? Ano ba ang sabi?’
"Lahat sila, hindi na nila alam kung ano yung sasabihin sa akin. 'Ay oo, naalala ko nga,' sabi ko, 'Sige, sorry, sorry.'
"So, nung umuwi ako, dun ko na-realize parang nasanay yung body clock ko. So, well, okay na rin.
"I tried to talk to everybody naman. Ayaw ko na lang magsabi ng pangalan. Pero at least I tried.
"I don’t wanna burn any bridges. Ito naging totoo lang naman tayo, e. Kung ano yung naramdaman ko.
"Out of respect naman dun sa mga boss, sa mga nakatrabaho ko, wala naman akong sinisisi. Pero kumbaga, desisyon talaga ng management yun, wala naman tayong magagawa, di ba?
"Siguro yung puno’t dulo nun kung bakit, iyon yung question sa akin, e. Ano yung nagawa ko? Anong maling nagawa ko?
"Or… mas madali akong kausapin kung sasabihin lang na, 'Pasensya na, kailangan nating magbawas ng host o ano.'
"Mas maiintindihan ko, e. Hindi yung ang hirap lang na bigla ka na lang hindi pinapasok. 'Ano ang nangyari?' Parang ganun."
Pero all’s well that ends well. Maaayos at aayusin iyan ng panahon at pagmamahal. Ang maganda niyan is that Keempee is coming from a good place na ngayon. All will be well.
GORGY RULA
Masakit man, ang mahalaga para kay Kempee ay may natutunan siya sa nangyari sa kanya.
Aniya, "Sa larangan ng industriya na ginagalawan natin, walang permanente talaga.
"Kumbaga, hangga’t nandiyan, sige enjoy-in mo, magtrabaho ka. Gawin mo yung dapat mong gawin as an actor. Gawin mo nang mabuti, maging professional ka sa trabaho mo.
"Siguro, i-cherish mo na lang yung magagandang bagay.
"Pero, ilagay mo pa rin sa isip mo na darating yung time na, kumbaga, medyo magpi-fade ka na, mawawala ka na sa circle ng industriya o, kumbaga, bihira ka na lang din lalabas.
"So, kaya ako, hindi ako naniniwala sa sinabi ng iba na o laos ka na, ganito. Siguro, parang gulong din iyan, e. Umiikot din naman iyan, e.
"Kasi meron na rin tayong mga artista na matagal na rin sa industriya pero nakakabalik pa rin."
Ang depresyon ay seryosong usapin.
May mga organisasyong handang tumulong sa mga taong dumaraan sa ganitong kondisyon. Katulad na lamang ng National Center for Mental Health na inilunsad ng Department of Health.
Maaari silang tawagan sa mga sumusunod na 24/7 hotline:
0917 899 8727 (USAP); at 989 8727 (USAP)
