JERRY OLEA
Sandamukal nang pelikula ni Direk Joel Lamangan ang tumalakay sa struggles ng mga “slapsoil” o hampaslupa.
Ano ang ikina-excite niya sa bagong film project na Sa Kanto ng Langit at Lupa na tatalakay muli sa buhay ng mga nasa laylayan ng lipunan?
"Na-excite ako dito dahil kuwento ito ng mga kabataan," pagtatapat ni Direk Joel sa storycon noong Nobyembre 7, 2022, Lunes, sa Iago’s restaurant, Sct. Rallos St., Quezon City.
"Ang mga nagawa kong tungkol sa kahirapan ay mga gurang na. Huwag na nating banggitin at baka magdamdam pa.
"So ngayon, puro kabataan ang nandito. Ang buhay ng mga bata sa panahon na sila talaga ay kailangang mag-survive.
"Survival issue sa kanila, at papaano maging magkaibigan sa gitna ng napakalawak na kahirapan na kanilang dinaranas.
"Ang pagharap nila sa araw-araw na buhay upang mabuhay. Ang pagiging angkla nila ang bawat isa upang harapin ang buhay sa araw-araw.
"Ang problema nila ay kung papaano mabubuhay sa bawat araw na dumadaan.
"Wala naman silang inaasahang iba pa kundi ang sarili nilang pagkayod at pagharap sa buhay, masama man o mabuti man ang kanilang ginagawa.
"Masama man o mabuti man ang itinuro sa kanila ng ibang tao, o ng lipunan. Kailangan nilang mabuhay sa mundong ito."
May pagka-political ba ito? May isinusulong ba itong agenda?
"This is a social drama. Its content is political. Anything that is social and shows the contradictions between the powers-that-be and those being oppressed is political for me," pagmamatuwid ni Direk Joel.
Paliwanag pa ng beteranang direktor: "As a director and as a writer, dapat alam mo ang nangyayari sa mundo, at dapat inilalagay mo yun sa sining na ginagawa mo.
"Ang isang writer, ang isang direktor, kapag mulat sa kanyang buhay, nakikita niya ang maraming bagay. At hindi niya iyon dapat itago sa kanyang sining.
"Hindi siya dapat matakot. Hindi dapat fake ang kanyang ginagawa. Kailangang sabihin niya ang totoo.
"At ang katotohanan na dapat niyang sabihin ay ang katotohanan na nagse-serve sa interes ng pinakamarami, hindi iyong para sa kokonti lang."
Nasa cast ng Sa Kanto ng Langit at Lupa sina Sean de Guzman, Royce Cabrera, Marco Gomez, Jiad Arroyo, Quinn Carillo, Diyay Carabeo, Mon Mendoza, Rob Guinto, Calvin Reyes, Jim Pebanco, at iba pa.
Marami ba sa cast ng pelikula ang maghuhubad?
Mabilis na tugon ng multi-awarded director, “Ang estilo nito ay realism. Kapag realistic, di ba, ang tao nama’y naghuhubad?
"Di ba, ang tao nama’y naliligo? Pumupunta sa toilet, naghuhubad, nagpapahid ng puwet. Normal na ginagawa ng tao."
Meron din namang artistang naghuhubad sa palabas upang maelya o mag-init ang manonood.
"Iba naman yun. Kapag ikaw ay naghuhubad sa pelikula para ipaelya ang manonood, iyon ay pornhub!" bulalas ni Direk Joel.
"Kung magpapaelya-elya ka, iyon lamang ang gagawin mo para paelya-elyahin ang mga nanonood…
"Aba, walang sinasabi ang pelikula kundi patelagin ang nota ng mga nanonood.
"Hindi ko sinasabing masama yun, ha?! May mga ganoong pelikula at mayroong tumatangkilik sa mga ganoong pelikula," paliwanag pa niya.
Sabay diin ni Direk Joel, "Pero ang pelikula ko ay hindi naman ganoon."
- Direk Joel Lamangan, masayang inalala ang nakaraan bilang stuntman
- Joel Lamangan, naglabas ng saloobin hinggil sa isyu nila ng Viva
- Joel Lamangan says Paolo Gumabao "napakahusay na aktor," but "ang gusto ko...tatay mo"
GORGY RULA
Kinatatakutan ng ibang artista si Direk Joel. Napapabalita kasing "talakitok" ito minsan.
"Natatakot ang mga artista na hindi gumagawa ng kanilang sariling mga katungkulan kapag nasa shooting ko," sambit ng 68-anyos na direktor.
Ipinunto ni Direk Joel na may dahilan kung kinagalitan man niya ang artista.
"Unang-una, tanga. Iyon ang pinakamahirap dahil walang cure ang katangahan. Kapag ang artista ay nagkukunwa-kunwaring alam niya pero tanga, yun ang kinagagalitan ko.
"Mabuti nang sabihin mo, 'Direk, hindi ko alam, tanga po ako, ituro po ninyo sa akin.' Sasabihin ko.
"Aba’y Diyos ko po, take 24 na! Siyempre, magagalit ka na. Unang-una, magagalit ang producer dahil nadadagdagan ang taping, nadadagdagan ang shooting. Magastos sa kanila.
"Pangalawa, yung mga artistang ang call time ay 8:00 a.m., dadating ng 12:00 noon. May iba pa, dumadating past 4:00 in the afternoon. Di ba?
"Magagalit na ako nun. Hahabulin ko na ng saksak… Aba’y hindi pupuwede dahil ang bawat oras, pera ng producer! Hindi ko pera yun, 'Day!
"Kaya kung ma-late kayo, mag-two days, three days, babayaran ng producer. Pera ko ba yun?
"Suwelduhan din ako doon, pero nasa ibabaw ng shoulders ko ang responsibilidad na yun. Kailangan kong ikontrol sila."
Iyong mga artistang mahuhusay na ay professional pa, kino-congratulate niya.
"Kapag hindi ka talaga mahusay at hindi ka professional, makakatikim ka sa akin!" sabi ni Direk Joel.
Nagmamalasakit si Direk Joel sa mga movie producer, para dumami rin ang trabahong natatanggap niya.
Yung mga artistang first time makakatrabaho ni Direk, kinakausap niya bago mag-umpisa ang shooting o taping.
"Sinasabi ko na kung ano ang dapat gawin at hindi dapat gawin. Kung ano ang kailangang gawin," salaysay ng batikang direktor.
"Galit din ako sa mga artistang hinahamak-hamak ang mga manggagawa ng pelikula. Yung tinataray-tarayan, tinututsing-tutsing, akala nila mas mataas sila sa crew. Hindi naman totoo.
"Galit ako sa hindi marunong makisama sa tao. Masama yun. Sinasabi ko sa kanila yun. Hindi ko naman itinatago yun."
NOEL FERRER
Ang sipag ni Direk Joel. Very prolific.
At his age, pati na sa health condition niya, puwede nang maghinay-hinay sana. Pero hindi. Tuloy pa rin siya sa paggawa ng pelikula.
Sana lang talaga, magtatak ang mga pelikulang gawa niya. Hindi yung dadaan lang.
Kasi, alam kong pinaghihirapan niya iyan at talagang may konteksto ng pagbibigay ng option ng mas mainam na buhay at lipunan sa ating mga mamamayang Pilipino.
Iyan ang tatak-Joel Lamangan.
