GORGY RULA
Kaagad nag-trending ang trailer ng pelikulang Family Matters na entry ng Cineko Productions sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022.
Kaagad itong pinag-usapan ng netizens nang na-upload sa social media nung Martes ng umaga, November 15, 2022.
Read: Natitirang apat na official entries sa MMFF 2022, inanunsiyo na
Ibinalita sa amin ng producer ng Family Matters na si Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque na, as of today, November 16, umabot na ito ng halos 5M views.
Medyo sumikip ang dibdib ko nang pinanood ko ang trailer. May tama sa puso, lalo na’t ang gagaling ng mga artistang gumanap.
Tampok dito sina Noel Trinidad, Liza Lorena, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, Agot Isidro, JC Santos, James Blanco, at Nikki Valdez. Si Nuel Crisostomo Naval ang nagdirek.
Inaasahan kong ganito rin kaganda ang kabuuan ng pelikula.
“Maganda ang pelikula. Magagaling pa silang lahat,” pagmamalaki ni Mayor Roque.
Ang lakas pa ng dating ng theme song nito, ang kantang "Kahit Maputi na Ang Buhok Ko" ni Rey Valera.
Kahit may kataasan ang ibinayad nila sa rights ng kanta, masaya pa rin si Mayor Roque dahil ang laki ng nagawa nito sa kabuuan ng pelikula.
“Bagay kasi talaga sa movie yung song. Ang ganda pa ng story at relatable masyado. “Tayo pa namang mga Pinoy, maka-pamilya, di ba?” pakli ni Mayor Roque.
NOEL FERRER
Maayos ang pelikula at talagang nakakaantig ito sa puso.
Totoong magaling ang ensemble acting. Kahit hindi ang unang choices nilang sina Ronaldo Valdez at Boots Anson-Roa-Rodrigo ang lead stars, nabigyan ng ibang dimension nina Noel Trinidad at Liza Lorena ang focus ng pelikula, ang kahalagahan ng pamilya.
Parang Tanging Yaman, pero hindi kasimbigat ng 2000 MMFF Best Picture ang Family Matters.
Hindi aalis ang mga manonood na hindi nakaka-identify sa pinagdaanan ng characters sa pelikula.
Napa-"wow!" ako nang makita ko na may co-producer credit ang isang aktor sa pelikula na si James Blanco. OK iyan, kasi at least may nalalaman na ni James ang business side ng pelikula.
Sana mapanood ng maraming tao ang pelikulang Family Matters. Kasi, totoong pampamilya at maraming matututunan ang mag papasok sa pelikulang ito.
Good luck!
JERRY OLEA
Humakot ng awards ang Tanging Yaman sa MMFF 2000.
Wagi ito sa mga kategoryang best picture, best director, best actor (Johnny Delgado), best actress (Gloria Romero), best screenplay, best original story, best cinematography, best musical score, at Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award.
Hahakot din kaya ng tropeyo ang Family Matters sa MMFF 2022?
Ang direktor nitong si Nuel Naval ang direktor ng Pinoy adaptation ng K-drama film na Miracle in Cell No. 7 — ang topgrosser sa MMFF 2019. Magiging topgrosser din kaya ang bagong movie ni Direk Nuel?
Hindi nakapasok sa MMFF 2022 ang Rey Valera biopic na kung hindi ako nagkakamali, Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko ang title.
Pero ayan at ang nasabing Rey Valera song, swak ba swak sa Family Matters kung saan pangunahing tauhan si Noel Trinidad.
Totoo bang P500,000 ang rights para sa nasabing song? Siyempre, smile-smile lang tungkol dito si Mayor Roque.
Basta, masaya si Mayor Roque sa kinalabasan ng pelikula, at malaki ang nagawa ng classic song na ito ni Rey Valera. Worth it!!!
Looking forward akong mapanood ang Family Matters. Sana, maimbitahan ako sa preview!
