JERRY OLEA
Ipinaglaban ni Direk Joel Lamangan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na R-16 ang maging rating ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2022 entry niyang My Father, Myself.
Nabigo si Direk Joel. R-18 ang classification ng nasabing movie dahil sa tema nito.
Read: Direk Joel Lamangan, tanggap ang mga kritisismo sa trailer ng "My Father, Myself"
“Ang lahat ng pelikulang Pilipino ay ipinapasok sa MTRCB upang kanilang i-classify,” lahad ni Direk Joel sa mediacon noong Nobyembre 24, 2022, Huwebes, sa Novotel Hotel, Araneta City, Quezon City.
“Walang hindi ipinapasok. Ang hindi lang ipinapasok, yung mga hindi lang ipinapalabas sa mga mainstream theaters. Pagka’t MMFF ito, ipinapasok talaga ito sa MTRCB.
“Ako ay dating deputy ng MTRCB so alam ko ang kalakaran. Ang bawat isang tao, ang bawat isang grupo ng tao, may iba’t ibang perception sa isang pelikula.
“May isang grupo ng tao na sasabihin, ‘Ay! Pangmatatanda lang iyan!’ ‘Ay! Ito pambata!’ ‘Ay! Ito panggitna!’ ‘Ay! Ito pambakla, pangganito, pangganyan, pangganoon!’
“Dahil ang pelikula ay isang sining, iba-iba ang pagtingin sa pelikula. Sa MTRCB, nang pinanood nila, ang tingin nila ay napakaganda ng pelikula pero napakadelikado ng tema.
“Napakadelikado ng tema, nagpakita ako ng mga love scene, ng bakla. Delikado daw ang tema. Sa kanilang perception, yun ay pang-adult.
“Sa perception ko, yun ay pang-hindi gaanong adult, R-16. Magkaiba ang perception.
“Siyempre, inilaban ko! Nagtalaktakan kaming lahat. Nagtalakan kami. Sa kahuli-hulihan, siyempre talo ako. Sila ang nanalo.
“Umuwi akong talo. Akin lamang tinanggap na R-18 siya talaga. Hindi ako nakalusot sa aking pagpapaliwanag.
“Yun naman ay healthy dahil kailangan talaga na tumayo ang MTRCB sa kanilang pinaniniwalaan.
“Hindi maganda ang MTRCB na hindi maintindihan kung ano ang kanilang pinaniniwalaan.
“Sapagkat naniniwala sila na ito ay R-18, e, sila ang masusunod. Kasi sila naman ang police ng state.
“Sila talaga ang police ng state upang kontrolin ang lahat ng napapanood ng tao. Iyan ay nasa saligang batas.
“So, wala kaming gagawin kundi lunukin. Lunukin ko kung ano man yung pagkatalo ko sa diskusyon.
“Pero hindi ako umalis na luhaan. Taas-noo pa rin akong lumabas ng kuwarto. Pinalakpakan nga nila ako, e.
“Pero talo pa rin ako, R-18!”
GORGY RULA
Dahil R-18 ang classification ng My Father, Myself, hindi ito maipapalabas sa mga sinehan ng SM.
“Ang dami ko nang ginawang MMFF. Ako ang may pinakamaraming MMFF na pelikula sa kasaysayan ng MMFF,” lahad ni Direk Joel.
“Ito ang kauna-unahan kong MMFF na R-18. Napakagandang karanasan. Kasi, first time.
“Lahat ng Mano Po ko, MMFF. Bulaklak ng Maynila, MMFF. Hubog, MMFF. Mga award-winning eklay-eklay, MMFF.
“Pero ito lamang ang kaisa-isang R-18. Kaya isang malaking karangalan na ang pelikula ko ay R-18. Maraming salamat.”
Sa istorya, human rights lawyer si Robert (Jake Cuenca), na asawa ni Amanda (Dimples Romana), at ama ni Mica (Tiffany Grey).
Lover ni Robert si Domeng (Alan Paule). Nang pumanaw si Domeng, inampon ni Robert ang anak nitong si Matthew (Sean de Guzman).
Nagkagusto si Mica kay Matthew. Nabuntis ni Matthew si Mica. Kaso, ang gusto ni Matthew ay si Robert. At gusto rin ni Robert si Matthew.
Pahayag pa ni Direk Joel, “There’s always a first time. Marami namang sinehan na pagpapalabasan.
“Nariyan naman ang Ayala cinemas, nariyan ang Gateway, nariyan ang Masagana. Nariyan ang Robinson’s, di ba?
“Marami pang cinema na hindi lang SM, pero ang talagang pinakamaraming sinehan ay ang SM cinemas. Sila ang pinakamarami.”
Puwede bang kumbinsihin nilang magpalabas ng R-18 dahil MMFF naman ito?
“Hindi! Ayaw nila! Mula nang sila ay naging Christian eklay, hindi na talaga puwede ang R-18!” pagdidiin ni Direk Joel.
“Dati kasi, puwede, e. Naging Christian-Christian eklat na sila, bawal na! Matagal nang bawal sa SM cinemas!”
Noong 1970s pa lang ay seryoso nang tinatalakay sa pelikulang Pinoy ang kabaklaan. Bakit kaya para sa iba ay maselan pa rin itong tema?
“Bawat ibang regime, ibang grupo ng MTRCB. Nung panahon ni Armida [Siguion-Reyna], iba ang perception nila sa tinatawag nating mga ganitong uri ng pelikula,” paliwanag ni Direk Joel.
“Mas liberal at progresibo ang mga tao that time dahil parating merong mga diskusyon, pag-aaral nung panahon ni Armida.
“Dahil nung panahon ni Armida, ako ay deputy. Nung nagbabagu-bago na, nagbabagu-bago rin ang perception nila sa iba’t ibang uri ng pelikula lalo na sa mga kontrobersiyal na pelikula na ang tema ay kagaya nito.
“Palagi itong nailalagay sa tinatawag nating pangmatanda lang iyan. Ibig sabihin, wala pa silang mahusay na pag-aaral sa kakayahan ng mga kabataan na tumanggap ng mga istoryang kagaya nito.
“Iba ang kabataan ten years ago sa kabataan ngayon. Lahat ay nakikita na nila sa internet. Nakikita nila ang lahat.
“Ang sa akin, dapat may malinaw na pag-aaral sa perception ng kabataan sa nangyayari sa kapaligiran.”
NOEL FERRER
Nasa desisyon ng producer kung gagawa sila ng R-16 version na puwedeng ipalabas sa SM cinemas kung sakali. Pero mukhang OK na kina Direk Joel Lamangan at grupo nito na mag-R-18.
In the end, malawak na pang-unawa ang kailangan sa pagpanood hindi lang naman ng pelikulang ito kundi ng lahat ng pelikulang ipapalabas sa 48th MMFF.
Sana, maraming tao ang makapanood ng My Father, Myself.
