GORGY RULA
Tipid at safe ang mga sagot ni Ivana Alawi nang nakatsikahan namin siya sa launching nito bilang endorser ng Maxijuice noong Biyernes, December 2, sa Newport World Resorts.
Sunud-sunod ang mga trabaho ni Ivana na hindi niya akalaing maabot niya ang ganitong kagandang career kunsaan ang gaganda ng mga projects na dumarating sa kanya, hit ang kanyang vlog, at sunud-sunod ang endorsements.
“Dapat, enjoy your blessings and always tumulong ka ng ibang tao. Huwag kang magdamot. Kasi ano… life is so short. Enjoy your life, and live life to the fullest. And huwag kang tumapak sa ibang tao. Don’t hurt other people. Just enjoy your life,” pahayag ni Ivana.
“Ini-expect ko kasi maging housewife na ako, e. In five years, housewife na ako! Ganun!”
Ini-enjoy raw muna niya ngayon ang pakikipag-date paminsan-minsan.
“Ngayon, ayoko na magkarelasyon. Gusto ko na dating-dating. Mas nae-enjoy ko yung work, work, work. ‘Tapos, date-date pag may time. Ayun!
“Hindi naman sa ayaw. Pero wala pa yung tamang tao. Alam mo yun! Gusto ko pag pumasok sa relasyon, yun na yung asawa ko,” napapangiting pahayag ni Ivana.
Nakikipag-date daw siya paminsan-minsan, pero wala pa raw ang sa tingin niyang tamang tao para sa kanya.
“I’m going out. Parang ang saya kasi. Hahaha! Saka minsan may kilig na mga ganyan. Pero wala pa yung the one,” tila kinikilig niyang pahayag.
Hindi na lang daw niya pinapansin ang mga isyu tungkol sa kanya. Natuto na raw siyang mandedma sa mga tsismis na kumakalat. Iniiwasan na rin daw niyang ma-involve sa mga isyu.
“I just don’t involve myself on the issue. Kung gusto nila gumawa ng issue, sila na lang. Parang, I don’t… hindi ko na ano… alam mo, I don’t wanna give any energy.
“Marami na akong inaayos sa life ko, and focus na lang ako sa sarili. Dedma na. Kasi tsismis lang yan. Hanggang tsismis lang sila.”
Ayaw na rin daw niyang magpaapekto pa sa mga nakakarating sa kanyang tsismis.
“I’d like to keep things private. Ang dami ng problema ng Pilipinas, bakit pa ako dadagdag ng mga isyu o ako na lang?
“Kung maapektuhan ako, saan ako pupulutin, di ba? Iiyak ako sa bahay ko, anong mangyayari? Wala!
“Basta ako, enjoy-in ko yung buhay ko. I’m doing good, wala akong tinatapakang tao. Hindi ako naaapektuhan sa mga binabato nila. Okay lang! Hayaan na!”
Pagdating sa ineendorso niya, game na game ang sexy actress na ibinahagi na itong Maxijuice daw ang tini-take niya araw-araw kaya na-achieve niya ang 32.5-21-36 na vital statistics.
Wala na raw kasi siyang time sa pag-e-exercise o pag-gym kaya malaking tulong daw sa kanya itong dietary supplement na lagi niyang tini-take. Maganda pa raw ang effect sa kanya dahil hindi na raw siya naging sakitin.
JERRY OLEA
Magka-tandem na sana sina Vice Ganda at Ivana Alawi sa MMFF 2020 entry na Praybeyt Benjamin 3. Magbibida na rin sana si Ivana sa 2020 Kapamilya teleserye na Ang Lihim ni Ligaya katambal si Kit Thompson.
Nasa cast din nito sina Raven Molina, Michelle Vito, Ryle Santiago, Mica Javier, Janice de Belen, Agot Isidro, Pen Medina, Daisy Carino, Michael de Mesa, Christian Vazquez, Emjay Savilla, Wealand Ferrer, at Argel Saycon.
Due to unavoidable circumstances ay naudlot ang mga proyektong ito. Yung Ang Lihim ni Ligaya ay naging La Vida Lena kung saan title role si Erich Gonzales. Na-retain sa cast sina Kit, Janice, Agot, Pen at Christian.
Natuloy ang pagbibida ni Ivana sa Kapamilya teleseryeng A Family Affair, na sadyang nakakakiliti ang title considering ang mga isyung pinagbubulung-bulungan ng showbiz insiders tungkol sa kanya. Mabuti na lang at mabait, masigasig at generous ang manager ni Ivana kaya hindi na masyadong nakakalkal ang mga nasabing usapin.
Sana nga ay magkatotoo na magiging housewife na si Ivana five years from now. Yung ibang statement niya ay ihugot na lang natin ng malalim na buntong-hininga sabay inom ng dalandan juice.
Heto at natuloy na rin ang pagsasama nina Ivana at Vice sa MMFF 2022 official entry na Partners in Crime. Na-enjoy raw niya ito.

“Ang saya saya! Super maalaga si Meme Vice. Abangan nyo ang mga scene namin, first time kong ginawa. First movie ko na parang lead e,” sabi ni Ivana.
Ibang klase raw si Vice Ganda pagdating sa pagpapatawa na hirap daw siyang sabayan. Pero ang dami raw niyang natutunan kay Vice Ganda.
“Hindi ako nakakasabay. Ibang level talaga si Meme Vice! Alam mo na nanonood lang ako. Minsan nasa eksena na ginagawa namin, ‘tapos hindi ako dapat tumawa.
“Ganun siya kagaling. ‘Tapos, ang bilis ng utak niya. Hindi ako makahabol talaga. Parang natutulala na lang ako. Paano niya naisip yun? Kailangan ko mag-aral pa.”
NOEL FERRER
After the pandemic (actually kahit may pandemya pa ngayon, mas maluwag nga lang), ang mga pelikula sa Metro Manila Film Festival ang inaasahang magpapabalik sa mga tao sa mga sinehan ulit.
Sana nga ay ginandahan talaga nina Ivana at Vice ang kanilang pelikulang Partners In Crime para maipakita ang panibagong sigla ng pelikulang Pilipino na kailangang-kailangan natin ngayon!
