GORGY RULA
May puso ang one-on-one interview ni Korina Sanchez kay Tessa Prieto na napanood sa Korina Interviews ng Net 25 nung nakaraang Linggo, November 27.
Inalam ni Korina kung ano ang pinanggalingan nitong pagsuot niya ng mga pabulosang damit, makukulay na sumbrero at mga accessories.
Pinasok ni Korina ang walk-in closet ni Tessa na nakakamangha ang mga gowns na sinusuot niya sa events.
Bukod sa mga gowns, nandun ang mga sapatos ni Tessa at ang collection ng mga hat na bahagi sa accessories na sinusuot niya.
Sabi ni Tessa, meron na siyang warehouse na pinaglalagyan ng mga gowns niya at mga burloloy.
Malungkot ang kuwento ni Tessa kung ano ang pinaghugutan niya ng pagsusuot ng ganitong outfit.
Ibinahagi niya kay Korina ang tungkol sa namayapa niyang kapatid na tumayong ama sa una niyang anak nung dalaga pa lamang siya.
Ngayon ay single mother siya uli pagkatapos nilang maghiwalay ng kanyang asawa at marami siyang realizations sa transition ng kanyang buhay.
“I love that I went through this, in the sense that it made me grow as a person. A more loving, kinder, more responsible and willing to… I realize that I have the capacity to change.”
Pasabog din ang isa pang pahayag ni Tessa sa mga pinagdaanan niya at malaking pagbabago ng kanyang buhay.
Aniya, “I realized that I don’t need to change for someone to love.”
Ngayon ay pinagkakaabalahan ni Tessa ang mga charity works niya, sa tulong ng mga malalapit niyang kaibigan.
NOEL FERRER
Sa interbyung yun ay sinabi ni Tessa na lalong dumami ang mga gowns niya nitong pandemic dahil nagpapagawa na lang daw siya sa mga kaibigan niyang designers para meron lang silang kita.
Hindi na niya eksaktong mabilang ang mga gowns niya, pero maaring mahigit 2,000 daw ito.
Meron daw siyang mahigit 500 hats at napakaraming accessories at mga burloloy.
Nagpapa-garage sale daw siya minsan para sa charity niya, pero ang ending ay siya rin daw ang bumibili sa iba niyang gown na hindi niya kayang i-let go.
Sinubukan nina Korina at Tessa na mag-switch ng kanilang sinusuot.


Sabi ni Korina, bigat na bigat sa suot niyang gown at korona, “Ang hirap panindigan ang buhay ng isang Tessa Prieto.”
Sabi naman ni Tessa, “Ang gaan maging Korina. Walang mga burloloy. Nothing. Para akong hubad!”
JERRY OLEA
Ngayong Disyembre 3, Sabado ng 8:00 pm mag-uumpisa sa TV5 One CignalPH ang TikTalks kung saan co-hosts ni Korina sina Kakai Bautista, Pat-P Daza, Alex Calleja at G3 San Diego.
Pangako ni Ate Koring, RIOT ang kanilang mga talakayan at talastasan.
Bukas ay panauhin naman sa Korina Interviews si Karla Estrada. Kaabang-abang muli ang revelations dito ni Queen Mother!
