JERRY OLEA
Natapos na ni Direk Joel Lamangan ang shooting ng mga pelikulang Oras de Peligro at Sa Kanto ng Langit at Lupa.
Matapos dumalo sa presscon ng MMFF 2022 official entry niyang My Father, Myself noong Nobyembre 24 sa Novotel Hotel, Araneta City, Quezon City, baka hindi na makadalo si Direk Joel sa 48th MMFF Parade of Stars sa Disyembre 21 mula Welcome Rotonda-Quezon Avenue hanggang Quezon Memorial Circle.

Ewan din kung makaka-attend ang 68-anyos na direktor sa Gabi ng Parangal sa Disyembre 27 sa New Frontier Theater.
Sinunod ni Direk Joel ang payo ng kanyang doktor na magpa-admit na sa Makati Medical Center (MMC) simula Disyembre 1 upang makapagpahinga nang lubos bago ang bypass operation niya bukas, Disyembre 5, Lunes.
Dumarami na ang bara sa puso ni Direk Joel kaya kailangan niyang magpa-bypass procedure muli.
Ang huling bypass operation ni Direk Joel ay noong inatake siya sa kalagitnaan ng shooting ng pelikulang Felix Manalo (2015).
Sinabihan siya noon ng doktor na kailangang magpahinga muna nang at least two months bago sumabak muli sa trabaho.
Nakachikahan ko sandali si Direk Joel sa cellphone noong Disyembre 3, Sabado. Naghimutok siya na milyones ang gagastusin sa operasyon.
Nag-request si Direk Joel ng dasal, kaya agad akong nag-shoutout sa Facebook na ipanalangin ang successful operation ni Direk Joel.
Sinabihan ko rin si Direk na dapat magpahinga siya nang at least two months, kaya sa Pebrero 2023 na siya dapat mag-shooting muli.
Nagulantang ako nang sabihin ni Direk na may sisimulan siyang bagong project sa huling linggo ng taon.
Ang bantay ni Direk Joel ay si Jim Pebanco.
NOEL FERRER
Kailangan talagang pakinggan natin ang ating katawan.
Matatandaan nating ganitong mga panahon din nang na-mild stroke ang ka-Troika nating Jerry. And since then, naghinay-hinay na siya. At mas naging grateful sa mga biyayang kanyang natatanggap.
Kahit mukhang napakatatag at masipag naman talaga ni Direk Joel, parang makina talaga ang ating katawan na kailangang ipahinga rin at pangalagaan.
Ipinagdarasal natin si Direk Joel Lamangan.
GORGY RULA
Si Direk Joel kasi ang tipong hindi mapakali kapag walang ginagawa. Bago pa man siya isalang sa bypass operation, nakatono na sa utak niya ang susunod niyang gawin. Pero marami na ang nagsasabi sa kanyang magpahinga na muna siya.
Marami pa siyang gustong gawin, kagaya nitong MMFF 2022 entry niyang My Father, Myself na nagkaisyu pa dahil sa binigyan ito ng R-18 ng MTRCB. Nag-aalala tuloy ang ibang producers na hindi ito mapapanood sa SM cinemas. Hindi ito hadlang para tumigil si direk sa paggawa ng ganitong klaseng pelikula.
Sabi ni Direk Joel sa nakaraang presscon ng My Father, Myself, “Habang ako ay may lakas pa, habang ako ay meron pang mata sa isang magandang istorya, pipiliin ko at pipiliin ko ang mga istorya na hindi pa naipapalabas sa mga sinehan, na hindi pa nakikita ng mga tao.
“Maraming mga istoryang kinakalimutan. Maraming istorya na hindi nabibigyan ng boses upang maipakita. Marami sa mga paligid natin yan.
“Hindi lamang dapat istorya ng kabaitan, istorya ng tamang pagmamahalan. Kagaya ng mga bakla. Dapat hindi mabubuting bakla lang ang makikita.
“May istorya ng baklang carnapper, baklang rapist, baklang murderer, baklang hindi nagbabayad ng tax. Mga baklang nangungutang, mga baklang hacker!
“Bakit hindi natin ipakita ang istoryang iyan para kapulutan ng aral? Bakit natin kalilimutan? Ang buhay ay hindi romanticism. Ang buhay ay iyung totoong nangyayari. Hindi nagtatakip ng katotohanan.
“Ipakita natin iyan! Kasi, paano nila mauunawaan ang mga nangyayari sa kapiligiran kung hindi natin ipapakita ang mga tinatagong kasaysayan? Bakit natin itatago? Ipakita, para kapulutan ng aral, para hindi mangyari uli ang karanasang iyan.”
Nasa cast ng My Father, Myself sina Jake Cuenca, Sean de Guzman, Dimples Romana at Tiffany Grey. Ang sumulat ng screenplay nito ay si Quinn Carillo.
