GORGY RULA
May nakarating na kuwento sa PEP Troika na hanggang sa airing ng "Maegan Aguilar Story" episode ng Magpakailanman—na ipinalabas nung November 26 at December 3, 2022—ay nagkaproblema pa raw ito.
Hindi idinetalye ng aming source kung ano ang karagdagang problema, pero may kinalaman daw ito sa ina ni Maegan na may hindi nagustuhan sa takbo ng kuwento. Pero ipinalabas na ang last episode nito nung Sabado, December 3, at nakapagtala lamang ito ng 10.9% ratings.
Read: Bea Alonzo, horror ang piniling tema sa unang paglabas sa Magpakailanman
Inasahan naming mataas ito dahil maganda naman ang pagkakalahad ng kuwento at magaling si Sanya Lopez na gumanap bilang si Maegan.

Mukhang konti lang talaga ang viewership nung nakaraang weekend dahil punung-puno na ng mga tao ang halos lahat ng malls. Ramdam na nga ang Christmas rush!
Naka-2.6% naman ang Maalaala Mo Kaya nung nakaraang Sabado. Katapat din nito ang Miss Earth 2022 coronation night na ipinalabas sa AllTV. Naka-0.1% ito.
Pagkatapos ng Magpakailanman ay ang Daddy’s Gurl na naka-5.7%.
Narito ang rating ng iba pang primetime shows ng GMA-7 at kapamilya Channel nung nakaraang Sabado:
24 Oras Weekend 11.8%, TV Patrol 1.7%
Pepito Manaloto 12.6%, Everybody Sing 3.5%
Running Man Philippines 13%
NOEL FERRER
Ang challenge ngayon sa mga taga-TV ay kung paano gagawin ang kanilang content na compelling enough para panoorin ng madlang people.
At teka, teka, bakit hindi pa rin ba significant ang ratings ng ibang TV5 shows na hina-hype nang major tulad ng Sing Galing na Grand Finals week na o yung mga sitcom nila? Hindi pa rin ba at par ito sa Kapuso at Kapamilya ratings?
How about the new NET25? Kailan sila sasali sa ratings game at nang magkaalaman na?!
Narito naman ang ratings nung Linggo, December 4:
All-Out Sundays 5.3%, ASAP Natin ‘To 2.6%
The Wall 4.3% / NCAA Finals 4%, FPJ Da King 4.4%
Regal Studio Presents 4.4%, Amazing Earth 7.6%
24 Oras Weekend 12.8%, TV Patrol 2.4%
Daig Kayo ng Lola Ko 11.1%, Everybody Sing 3.9%.
Running Man 13.4%
Kapuso Mo, Jessica Soho 15.3%
The Boobay and Tekla Show ay 4.5%
JERRY OLEA
Sa Disyembre 10, Sabado ng 8:30 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC at A2Z… matutunghayan ang Part 3 ng istorya ng Scarlet Women sa Maalaala Mo Kaya? (MMK).
Bida sa episode na ito si Kaila Estrada bilang OFW na napariwara sa bansang Cyprus. Ito ang huling hirit ng Kapamilya drama anthology na naka-31 taon sa ere.
Na-post sa socmed ngayong Disyembre 6, Martes, ang behind-the-scenes ng last spiels taping ng MMK host na si Charo Santo-Concio.

Tampok naman sa Magpakailanman (MPK) sa Sabado ng 8:15 p.m. sa GMA-7 ang horror episode na pagbibidahan ni Bea Alonzo.

Kuwento ito ng isang babaeng mahina ang pananampalataya, at nilapitan ng mga masasamang espiritu. Bahagi pa rin ito ng pagdiriwang ng ika-20 anibersaryo ng MPK, with Mel Tiangco as host.
Parehong kaabang-abang ang mga episode na ito maging ang iba pang mga paandar sa TV, subalit abalang-abala na ang mga Pinoy sa paghahanda sa Kapaskuhan.
Mula pa noong Disyembre 1, Huwebes, ay grabe na ang trapik sa Kamaynilaan, lalo pa’t panay-panay na ang mga Christmas party.
Umaariba na rin ang mga promo at payanig ng walong official entries ng 48th Metro Manila Film Festival. Pakiramdaman natin kung may epekto ba ito sa televiewers.
Pinananabikan din natin ang pagpapalabas ng pelikulang Avatar: The Way of Water umpisa Disyembre 14, Miyerkules, sa local cinemas.
Syempre pa, maglalaan din tayo ng oras sa mga panoorin sa streaming platforms na Netflix, Amazon Prime, HBO Go, at Vivamax!
