GORGY RULA
Pinosasan ni Chief (Ian Veneracion) ang sugar baby niyang si Me-ann (Heaven Peralejo) sa isang lambingan scene ng 48th MMFF official entry na Nanahimik Ang Gabi.

Ang ganoon bang ka-kinky-han ay base sa karanasan ng writer-director na si Shugo Praico?
“I wish na-try ko po! Hahaha!” pagtawa ni Direk Shugo sa intimate chikahan nitong Disyembre 16, Biyernes sa Supersam restaurant, Sct. Tobias St., Quezon City.

“Pero hindi ho! Yung eksena hong iyon, it was all part of the theme tungkol sa kuwento ng isang babae na sort of trapped inside this house, trapped inside this sort of a relationship.
“So tingin ko po, parang exciting. And hindi pa po masyadong nae-explore.”
Sambot ni Direk Lino Cayetano, isa sa producers ng Nanahimik Ang Gabi, “Pag tinanong mo si Ian, si Heaven, si Mon [Confiado], ang sagot nila lagi kung bakit tinanggap nila yung movie… dahil sa script.

“'Tapos, last presscon, sabi ni Ian, ‘The movie is twisted.’ So kung ano yung nakikita niyo sa trailer, marami pa kayong makikita at magugulat kayo.
“Dahil marami pang ipapakita dun na I think, maguguluhan tayo at bubukas yung isip.”
May naisip sanang gimik si Direk Lino sa mga manonood ng Nanahimik Ang Gabi sa Disyembre 25, Linggo.
Sey ni Direk Lino, “Naalala niyo dati, yung MMFF? Yung dating mga pelikula nung '90s? Pag una kayo sa pila, may libre.
“Naisip ko nga, mamigay ng handcuffs. Pero baka hindi kami payagan.”
JERRY OLEA
Suspense-thriller ang Nanahimik Ang Gabi, at kaabang-abang ang landian o harutan ng characters nina Ian at Heaven.
Pagmamatwid ni Direk Lino, “Although yung tema namin ay risque at saka sekswalidad, actually napakalalim nung pag-uusap niya patungkol sa morality.
“Marami siyang kinu-question patungkol sa mga desisyon natin pagdating ho sa moralidad kaya exciting sa amin ang pelikula.”
Hindi black or white ang characters, kumbaga, kundi pawang gray?
“Parang totoong buhay. Walang totoong santo. Wala ring sa demonyo lang. Lahat tayo, may ginawang masama sa buhay. Lahat tayo, may ginagawang mabuti sa buhay,” tugon ni Direk Lino.
“So I think yun ang kagandahan. Totoong-totoo yung script ni Direk Shugo, na yung isang tao na sa mata ng iba, babaeng bayaran.
“Yung taong yun din, sa mata ng mga kapatid niyang bata, ang tanging rason kung bakit nakakapag-aral sila, nakakapagpagamot yung nanay nila.
“So yung iba’t ibang facets ng isang indibidwal, kaya masarap panoorin at namnamin.”
PG-13 ang MTRCB rating ng Nanahimik Ang Gabi sa kabila ng mapangahas na tema nito.
Katuwiran ni Direk Lino, “Because a lot of it, Shugo called it insinuated. Pakiramdam mo. Pakiramdam mo…”
Susog ni Direk Shugo, “Kaya sabi rin ni Ian na parang yung sexiness ng movie ay psychological.”
Naisip ba nilang gumawa ng version na R-18, iyong mas madugo at wagas ang hubaran at lampungan?
Sagot ni Direk Shugo, “We really wanted a lot of people to see it.”
Sabi naman ni Direk Lino, “Kasi yung ibang pumapasok sa ganitong usapan, ganitong kuwentuhan, are teenagers, e. They’re 15, 16, 17-year olds na bumubukas yung isip nila sa ganitong bagay.
“At yung pelikula nga na ito ay pinipilit kang tanungin sa sarili mo—tama ba ito? Ano ang kaya ko?”
Nakakalibog ba ang intimate scenes nina Ian at Heaven? Nakaka-titillate?
Tugon ni Direk Shugo, “It was not made to be like that. Those scenes po were made to show character dynamics.”
Pagsang-ayon ni Direk Lino, “The way Direk Shugo shot it, the way our actors portrayed their roles, the way it was lit, the cinematography, the sound… panoorin niyo ho yung trailer lalo sa big screen, parang ikaw yung inaakit ni Heaven.
“Parang ikaw yung inaakit ni Ian. It’s so intimate. Yung eksenang lumabas sa pool si Heaven, 'tapos naglalakad. 'Tapos, si Ian naman, nagpi-piano… parang nandun ka.
“So sabi ko yun yung beauty ng cinema. At saka kaya ang sarap panoorin sa sinehan. Grabe yung eksenang yun. Akala mo, akala mo nandun ka. Akala mo nawi-witness mo yung ligawan nila.
“Hindi ko masabing erotic pero napaka-intimate.”
NOEL FERRER
Sa labanang broader audience, parang pinili naman ng pelikulang Nanahimik Ang Gabi ang mga mangahas at matapang na path na i-push ang limits ng mga viewing classifications.
Yes, may sexy scenes pero hindi para pag-initin ang iyong dugo, pero para naranasan mo ang pinagdadaanan ng mga mature nang tauhan sa kuwento.
Bukas na isip at lawak ng pang-unawa ang kailangan para lubos na ma-appreciate ang pelikula.
Sana, mas marami pang Pilipino ang sumuporta rito para masuklian naman ang pagod ng production team at maengganyo pa ang mga bagong producers na gumawa ng mga dekalidad na mga pelikula at iba pang content para sa atin!
