GORGY RULA:
Kinarir na ni Senator Bong Revilla ang pagiging game show host pagkatapos ng ginawa niyang Amazing Pamasko ni Pogi via Facebook Live.
Dalawang araw siyang nagpa-game show nung December 17 at 18, 2022 kasama ang pamilya niya.
Namigay siya ng isang milyong pisong grand prize, dalawang brand new car, limang motorsiklo at cash prizes.
Ilang beses na ito ginawa ni Senator Bong nung nakaraang Pasko, birthday niya, at nung pinu-promote ang Agimat ang Agila.
Pero mas na-enjoy niya itong huling pa-game show niya sa Facebook at iba pa niyang social media account dahil sobrang marami ang sumali mula sa iba’t ibang lalawigan.
May mga nag-sponsor pa sa kanya, at tumulong ang mga kapatid niya para maraming maibibigay na papremyo.
“Gusto lang naman namin mas marami sa mga kababayan natin ang mapasaya at mabigyan ng regalo ngayong Pasko,” pakli ni Senator Bong.
Ang isa pang ikinatuwa niya ay na-enjoy din ng buong pamilya ang mag-host ng Amazing Pamasko ni Pogi. Co-hosts niya rito sina Cavite Second District Representative Lani Mercado, Cavite First District Representative Jolo Revilla, at misis ni Jolo na si Angelica Alita.
Tumutulong din sa paghu-host ang mga anak ni Bong na sina Gianna, Loudette, Ram, at ang apo niyang si Gab. Buong pamilya na silang nagho-host at palaki nang palaki ang mga papremyo nila.
Kaya marami na raw ang nagtatanong kay Senator Bong kung sa Valentine’s Day ba ay may Pusuan ang Amazing Giveaways ni Pogi?
Natawa si Senator Bong dahil wala raw siyang balak na gawing regular ito. Pero sa dami ng nag-aabang kung kailan ang susunod niyang pa-game show at pamimigay ng premyo, baka gagawin na niyang regular show ito sa kanyang Facebook at iba pa niyang social media account.
“Nasa pandemic pa rin tayo. Marami pa rin talagang naghihirap. Kahit papano meron naman tayong naitutulong sa ating mga kababayan,” seryoso niyang pahayag.
Kaya abangan sa 2023, mas malaki at maaring mapapadalas na ang pa-'Amazing Game Show Ni Pogi’.
JERRY OLEA:
Personal na hinatid ni Senator Bong ang bagong Suzuki S-Presso na kotse sa masuwerteng winner na si Arlean Lourdes Sanqui Cuison ng Camarin Road, Caloocan City.
Ang isa pang winner ng naturang kotse ay si Cynthia Bernardio Gregorio ng Malolos, Bulacan.
Mangiyak-ngiyak ang dalawang winners nang nakita nila ang senador-actor na naghatid ng napanalunan nilang kotse.
Ang masuwerteng winner naman ng isang milyong piso ay taga-Banga, Aklan. Ini-schedule na raw ni Senator Bong ang paglipad patungong Aklan, para personal din niyang iabot ang isang milyong pisong grand prize.
Samantala, magkakaroon ng replay ang Agimat ng Agila simula sa December 26, 2022 hanggang January 12, 2023. Mapapanood ito sa GMA Telebabad ng 9:35 hanggang 10:20 ng gabi mula Lunes hanggang Huwebes.
NOEL FERRER:
Maganda itong ginawa ni Senator Bong nagbigay ng Pamaskong Handog sa mga tao na puwede ring simula ng pangkabuhayan ng mga nanalo.
Basta, next year, sana maisip ni Senator Bong na gumawa na ng pelikula at sumali na sa MMFF ulit!!!
Nakaka-miss na siya bilang artista, ha!!!
